Chapter One

1.5K 51 2
                                    

SEVEN YEARS EARLIER…

Pangalawang beses nang nakatapak ni Archie sa office building ng Precious Life. Ang unang beses na punta niya doon ay nang pumirma siya ng exclusive contract. Isang taon na ang nakakaraan. Isa iyong malaking building na may pitong palapag na matatagpuan sa Quezon City. Ang building na iyon ay isa lamang sa mga patunay na matagumpay ang Precious Life pagdating sa publishing business. Mahigit dalawampung taon na ang naturang publishing company at hanggang ngayon ay matatag pa rin ito at kayang-kayang makipagsabayan sa mga bago sa ganoong negosyo.

Ngayon, kinailangan niyang magtungo ulit dahil pinatawag siya ng may-ari ng Precious Life na si Mr. Benjie Saldico o mas sanay silang tawagin na “boss” o “Boss Benj”. Ayon dito ay may mahalaga silang pag-uusapan. Hindi nito nabanggit kung tungkol saan nang magkausap sila sa telepono. Ang sabi lang nito ay importante at hindi pwedeng hindi siya pumunta.

Isang taon na ang nakakalipas simula nang kumuha ng mga baguhang manunulat ang Precious Life sa online writing website na BookPad. Ang BookPad ay isang online site kung saan pwedeng magsulat at magbasa ang kahit na sino ng libre basta may internet connection ka. Binigyan ng Precious Life ang mga manunulat na Pinoy sa BookPad ng pagkakataon na maisalibro ang kanilang mga kwentong isinulat. May mga kinuha sila na maraming followers sa BookPad at meron din naman na kahit kaunti ang followers ay mahusay na magsulat. Si Archie? Nabibilang siya sa dalawa. Sa maraming followers at mahusay magsulat.

Hindi naman sa pagmamayabang ay mahigit kalahating milyon na ang followers niya sa BookPad nang pumirma siya ng kontrata sa BookPad. May sampung finished stories na siya at lahat iyon ay million reads. Sa ngayon ay fifteen na ang natapos niyang kwento sa BookPad at lahat iyon ay naka-line up para gawing libro ng Precious Life. Tatlo sa nobela niya na naging libro na ay binili ng isang movie producer para gawing pelikula.

Bukod sa magagandang kwento na iba’t iba ang genre na isinusulat ni Archie, ang isa pang dahilan kung bakit marami siyang readers o followers ay dahil sa misteryoso niyang pagkatao. Misteryoso dahil wala pang nakakakita sa mukha niya. Alam ng mga followers niya na lalaki siya pero hindi alam ng mga ito kung ano ang hitsura niya. Kapag nag-u-upload siya ng picture sa kaniyang social media gaya ng Facebook at Instagram ay palagi siyang nakasuot ng kulay pulang face mask. Kaya walang makakaalam o makakakita ng mukha niya.

Maraming nagsasabi na kahit nakasuot siya palagi ng face mask ay gwapo daw siya. Karamihan sa mga nagbabasa ng sinusulat niya ay mga babaeng kinikilig sa kaniya. Iyon talaga ng naging bentahe niya. Naging tatak na niya ang pagsusuot ng red face mask para maitago ang kaniyang pagkatao.

Naisip kasi ni Archie na itago ang kaniyang mukha para mapatunayan niyang may magbabasa ng mga isinusulat niya kahit hindi nakikita ang mukha niya. Karamihan kasi sa mambabasa ngayon, kapag gwapo ka ay saka lang sila magkakaroon ng interes na basahin ang iyong nobela. Pero mukhang hindi ganoon ang nangyari. Lalong na-curious ang mga tao sa mukha niya. Marami ang nag-e-expect na gwapo siya sa likod ng face mask na suot niya.

Nakasakay na si Archie ng elevator. Paakyat siya sa ika-pitong palapag kung saan naroon ang office ng boss nila. Wala siyang suot na face mask ngayon dahil wala namang nakakaalam na siya si “Mr. ArchAngel” sa BookPad.

Pagkabukas ng pinto ng elevator ay lumabas na si Archie. Dire-diretso siya sa office ng boss nila. Huminto siya sa may pinto at kumatok. Isang babae na marahil ay nasa mid 20’s ang nagbukas. Sa pagkakatanda niya ay ito ang secretary ni Boss Benj.

“Good morning. Sino po sila?” Magiliw nitong tanong.

“Archie Narcilla. May appointment po ako kay Boss Benj…”

Nanlaki ang mata ng babae. “OMG! Ikaw pala si Mr. ArchAngel! I’m a fan!” Nagmamadali nitong inilabas ang cellphone. “Pwedeng pa-selfie?”
“P-pwede naman pero pakitakpan na lang ang mukha ko kung i-u-upload mo sa social media, ha? Alam mo na…” Mahina siyang tumawa.

Kung 'Di Rin Lang IkawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon