CHAPTER 1
S T R A I G H T
║▌│║▌│█║ P U M S ║▌│║▌│█
By Joemar Ancheta
Ako si James. Lumaki ako sa
isang istriktong pamilya. Naikintal sa
bubot kong isip ang tama sa mali, ang
katanggap-tanggap at bawal at ang
pagkutya sa pagkatao ng mga lumilihis
sa ating totoong pagkasino. Sa madali’t
salita, hindi ako nakikisama sa mga bakla
at nandidiri akong mailapat ang kahit
anong bahagi ng katawan ko sa kanila.
Naiirita akong nakikita sila kahit wala
naman silang ginagawang hindi maganda
sa akin. Basta kung may palabas sa
pinapanood kong bakla, napapamura ako
sa kanilang mga ikinikilos. Napapadura
ako kapag may nakakasalubong akong
alanganin. Kung may tumititig sa akin ay
kulang na lang murahin ko sila o kaya ay
ambaan ng suntok. Nagsimula ang lahat
ng iyon nang may nangyaring trahedya
sa pamilya namin. Doon nag-ugat kung
bakit naging ganoon na lamang ang
pagkamuhi ko sa kanila. Nagbinata akong
taglay ang pagkataong iyon. Kung
mayroon man isang pagkakamali na
sukdulang ipinagbabawal ng sundalo
kong tatay, iyon ay ang pagiging
alanganin.
Palaging wala si tatay dahil
nakadestino siya sa malayong lugar. Sina
mama, ang bunso kong kapatid na si
Vicky, ang panganay namin at ako ang
laging magkakasama sa bahay. Hindi
kailanman nagsasabi si tatay kung kailan
siya uuwi. Basta na lang siya bubulaga sa
amin habang kumakain, nanonood ng tv
o kaya ay magigising na lang kami na
may magkukumot sa amin o kaya ay
hahalik sa aming pisngi. Lahat ng
kaniyang mga utos at alituntunin sa
bahay ay kailangan naming sundin,
kasama man namin siya o hindi at
nakikita man niya o nakatalikod. Lahat
dapat ay may ginagawa. Kung
nagtratrabaho ang isa, dapat lahat
kumikilos din. Bawat isa ay may
responsibilidad na dapat gawin. Bawal
ang umuwi ng lagpas alas otso ng gabi.
Bawal ang hindi magpaalam sa tuwing
lalabas sa pintuan ng bahay. Mahigpit