CHAPTER 2
Straight
By Joemar Ancheta
Nadala pa naman namin si
Nanay sa hospital ngunit ayon sa mga
doctor, dead on arrival na siya.
Napakabilis ng pangyayari. Hindi
napaghandaan ng aming pamilya ang
pagkawala ng ilaw ng aming tahanan
kaya nang nangyari iyon ay lahat kami ay
nangapa. Hindi namin alam kung paano
muling magliliwanag ang aming tahanan.
Sobrang nasaktan ako sa nangyari. Ni
hindi ko alam kung kanino ako
magagalit. Kay tatay ba na nagiging
makitid ang utak sa mga alanganin o kay
kuya na hindi nirespeto ang mga
alituntunin ni tatay sa bahay at sa aming
pagkatao. Ngunit ang tanging alam ko ay
namatay si nanay dahil sa kabaklaan ni
kuya. Kung hindi sana bakla si kuya hindi
sana nangyari ang lahat ng ito. Kung sana
ganoon ang kaniyang pagkatao, hindi
magagalit si tatay. Kung hindi siya
nagpatulog ng lalaki sa kaniyang kuwarto
at nahuling may katalik, sigurado buhay
pa sana si nanay ngayon.
Sa burol ay gustong lumapit ni
kuya ngunit dalawa kami ni tatay ang
galit na galit sa kaniya. Ipinagtulakan ko
siya, minura-mura at ipinahiya sa mga
nakipagdalamhati sa amin. Hindi din
napigilan ni tatay na habulin siya ng
patalim. Alam kong sa mga sandaling
iyon ay kaya niyang saksakin si kuya. Sa
takot ni kuya ay hindi na niya binalak
lumapit pa sa mga labi ni nanay. Huling
nakita ko siya ay noong palihim siyang
nakamasid at lumuluha sa libing ni
nanay. Masakit na tingin ang sukli ko sa
kaniyang kaway noon.
Dumaan ang araw ngunit mas
lalong tumindi ang sakit ng loob ko kay
kuya. Hindi lang sa kaniya kundi
nadamay na din lahat ng mga bakla.
Papasok kami noon sa aming
campus ni Pareng Xian nang may
baklang titig na titig sa akin. Dati-rati
hindi ko na lang noon pinapansin kung
may mga baklang nagpapalipad hangin
sa akin o kaya kibit-balikat lang ako kung
may mga naririnig akong mga pasaring
ng pagkagusto ngunit ngayon abot-langit
na ang inis ko sa mga kabaro ni kuya.