July 20, 2019
Dedicated to onedemmemeMeteor Shower
"Mesha, halika na! Mahuhuli na tayo sa klase, ang tagal-tagal mong kumilos diyan." Napamulat ako ng wala sa oras ng dahil sa sigaw ng aking kaibigan.
Wala sa sariling napabuntong hininga ako saka nagdesisyong bumangon na sa aking higaan.
Tapos naman na akong mag-ayos at kumain para sa eskwela ngunit dahil may natitira pa namang ilang oras ay naisipan kong matulog muna sandali kanina.
"Heto na. Ba't kasi madaling madali ka?" Sagot ko sa kanya habang lumalabas sa aking kwarto.
Agad ko siyang namataang nakangisi habang naka-upo sa aming sala. Pero bago ko siya lubusang pagtuunan ng pansin ay tinignan ko muna ang kasalukuyang oras na sa relong nakasabit sa pader ng aming sala.
Gano'n na lamang ang pagkakadismaya ko ng makita ko ang oras. "Seven thirty pa lang pala. Ano ba naman kasi 'yan, Pamela! Ang aga-aga ng gigising ka na," reklamo ko sa kanya na kanyang ikinahalakhak.
"Anong gusto mo? Mag-aalas otso na pumasok?" Natatawang tanong naman niya.
Magkasalubong ang kilay kong lumapit sa pwesto niya saka naupo sa isa pang lumang sofa sa kanyang tabi.
"'Yon naman talaga ang oras na pumapasok ako," sabi ko na napapailing na lang sa kalokohan niyang ginawa.
Sa araw-araw ba namang sabay kaming pumapasok ay hindi pa siya nasanay? 'Tsaka paanong mali-late kami, eh halos nasa tapat lang ng aming bahay ang eskwelahan. Baka nga siya pa itong ma-late dahil isang kanto pa ang lalakarin niya bago makarating dito. Tulog mantika pa man din.
"Oo na. Tara na kasi, excited na akong ipakita sa mga kaklase pa nating 'yong bago kong tricks." Umirap na lamang ako sa kanya saka nagpaalam na kay mama bago kami tuluyang umalis ng bahay.
Habang patungo kaming eskwelahan ay patuloy sa pagkwekwento sa akin si Pamela tungkol sa mga bagong tricks na natutunan niya raw kahapon.
Pagod na pagod naman na ako sa kakatango sa kanya bilang pagsang-ayon. Ewan ko ba naman kasi dito sa kaibigan kong 'to. Kababaeng tao tapos ang hilig makipag-paligsahan sa mga kaklase naming lalaki sa swing.
Kaya hindi na rin ako nagtaka nang mabalitaan kong may palayaw na siyang 'Pamela Swing' eh. Ikaw ba namang maglaro sa swing ng ilang oras.
"Uy? Mesha, ano na? Nakikinig ka ba sa'kin? Kanina ka pa tulala diyan ah?"
Naputol ako sa pag-iisip ng mga kung ano-ano ng kalabitin na ako ni Pamela. Nilingon ko siya at kinunutan ng noo.
"Ano ba 'yon? Malapit na tayo sa classroom wag kang mag-alala." Sambit ko kahit hindi ko alam ang sinasabi niya, sabay turo sa classroom naming tanaw na tanaw ko na.
"Sira! Hindi kasi nakikinig, eh. Sabi ko pagkatapos nating kumain mamayang recess diretso tayong playground. Inaya ako nila Lester sa isang paligsahan."
Pumayag naman ako sa gusto niya dahil wala naman na akong ibang gagawin mamaya kundi hintayin pa ang susunod naming klase.
Kaya pagkatapos na pagkatapos ng subject namin kay Ms. Agape ay mabilis kaming dumiretso sa canteen upang kumain. Matapos niyon ay nagmadaling nagtungo sa playground.
"Pam, buti naman nandito ka na, akala namin 'di ka na darating eh." Bati sa amin ni Nester ng makita kaming palapit. Nang mapatingin siya sa akin ay agad siyang ngumiti. "Hi, Mesh! Sumama ka pala rito kay Pam."
Hindi na ito nagtaka kung bakit nandito ako kahit na hindi naman ako gaya nilang mahilig magpaikot-ikot sa swing na 'yan. Nasanay na lang siguro sila Nester na palagi akong sinasama rito ni Pamela.
BINABASA MO ANG
One Shot Stories
Short StoryOne shots. (Dedications) ----- Date Started: June 5, 2019 Date Ended: June 21, 2020 Genre: Short Story (different genres? XD) Written by: rmcipres