TIW woke up refreshed and energized that Monday morning. Napaaga pa nga ang gising niya. He did not expect that his dad has not left for work. Naabutan niya ito salas bago pa ito tuluyang makalabas ng bahay.
Napailing na lang ito nang makita siya. "You should also be going to your work by this time. Kung hindi ka lang parang tanga na bigla na lang nag-resign."
Hindi siya sumagot. Napakaaga pa para makipagtalo sa tatay niyang hindi tanggap ang gusto niyang gawin sa buhay. Para rito, ang buhay ay umiikot lang sa pera. Kapag wala kang kuwarta walang kuwenta ang buhay mo.
"Kung ayaw mong maghanap ng trabaho, you can work sa kompanya ko. Pero ayaw mo rin."
Hindi na niya napigilang huwag sumagot. "Dad, napag-usapan na natin ito. Napagtalunan na natin. Alam mo kung bakit ako umalis sa trabaho. I have explained it to you. Ayaw mo lang akong intindihin."
"Para maging artist? May pera ba diyan sa ambisyon mong 'yan? Bubuhayin ka ba ng mga ipipinta mo? Hindi kita pinag-aral ng pagnenegosyo para ubusin mo lang ang oras sa mga walang kuwentang art mo. Pinayagan na nga kitang magtrabaho sa ibang kompanya dahil sabi mo gusto mong umasenso sa sarili mong pagsisikap. Tapos ngayon bigla kang magre-resign?"
"Dad, sinubukan ko naman. Five years. Limang taon akong nagtrabaho at ginawa ang mga bagay na hindi ko naman gustong gawin. Hindi na ako masaya do'n, Dad. Oo, may pera ako. Pero wala akong nararamdamang sense of fulfillment kasi iba ang gusto kong gawin."
"Hindi ko inakalang tatanda ka nang paurong. Tingnan natin kung hindi ka magsisi 'pag kumalam na ang sikmura mo. Huwag kang aasang tutulungan kita dahil hindi ko 'yon gagawin." Humakbang na ito patungo sa pintuan. Pero bago pa ito lumabas ng pinto ay muling nilingon si Tiw at saka nagbitiw ng salita, "Bobo!"
Sanay na siyang sinasabihang bobo ng tatay niya. Bata pa lang siya, madalas na niyang marinig dito ang ganoong komento patungkol sa kanya. Noong una ay sumasama ang loob niya kapag sinasabihan siya nito ng ganoon. Ngunit nang lumaon ay nakasanayan na niya. Basta alam niya sa sarili niyang hindi siya bobo. May mga gusto lang siyang gawin na ayaw nito at may mga gusto itong ipagawa sa kanya na ayaw naman niya. Kaya madalas silang nagtatalo sa mga bagay na para sa kanya ay hindi naman dapat pinagtatalunan pa.
Dumiretso siya sa kusina at nagtimpla ng kape. Kahit naumpisahan nang sirain ng kanyang ama ang maganda niyang umaga, ang kape ay parang energy drink na nagpapasigla sa kanyang buong katawan. Isang tasa ng kape pagkagising sa umaga ay sapat na para manatili siyang aktibo sa buong araw.
Pagkatapos magkape ay naligo na siya at nagbihis. Ilang sandali pa at papaalis na siya ng bahay sakay ng kanyang silver na Nissan Almera Sedan na binili niya nang magtapos siya sa kolehiyo kung saan ang downpayment ay regalo sa kanya ng kanyang yumaong ina. Kung ang tatay niya ay madalas niyang nakakabangga, ang ina naman niya ang kasundo niya sa lahat ng bagay. Kaya nga para siyang binagsakan ng langit nang mamatay ito sa komplikasyon ng sakit nito sa bato tatlong taon na ngayon ang nakakaraan. Sa pagkamatay ng kanyang ina, hindi lang siya nawalan ng magulang. Nawalan din siya ng isang matalik na kaibigan.
Sa tapat ng isang bangko sa parteng iyon ng Maynila siya huminto. Bitbit ang isang asul na backpack ay pumasok siya sa loob ng bangko at doon at nakita niya ang isang lalaki, si Jasper na kaklase niya sa kolehiyo.
"Here's the check." Iniabot nito sa kanya ang isang tseke at pagkatapos niyang basahin ang halagang nakasulat doon ay iniabot naman niya rito ang susi ng kotse.
"Dadalhin ko na lang sa opisina mo ang mga dokumento ng kotse pati ang deed of sale 'pag naipanotaryo ko na," sabi niya sa kaibigan. "Idedeposito ko na itong tseke ngayon."
"Yeah, sure!" nakangiting sagot ng kanyang kaibigan.
Pagkatapos maideposito ang tseke ay sabay na silang lumabas ng bangko. Si Jasper ay nagtungo sa kotseng kanina lang ay minamaneho ni Tiw.
"Sakay ka na. Ihahatid na kita sa pupuntahan mo," alok ni Jasper sa kaibigan.
"Huwag na. Magtataksi na lang ako pauwi," tanggi niya.
"Sige, ikaw ang bahala." Nag-thumbs up sign pa ito bago tuluyang pumasok sa sasakyan.
Kinawayan pa niya si Jasper bago umandar palalayo ang kotse at tuluyang nawala sa abot ng kanyang tanaw.
Pumara siya ng taksi at sumakay. Hindi pa siya uuwi. May kailangan pa siyang puntahan.
"Sa Kamuning tayo, boss," sabi niya drayber. Habang nasa biyahe ay tahimik siyang nakikinig sa nakabukas na radyo ng taksi na kasalukuyang pinatutugtog ang isang sikat na banyagang awitin.
Medyo mahaba rin ang naging biyahe niya mula Manila hanggang sa bahaging iyon ng Quezon City. Bumaba siya sa taksi sa tapat ng apartment na may katabing isang nakasaradong tila tindahan.
Nag-doorbell siya sa apartment at ilang sandali lang ay isang magandang babae ang nagbukas ng gate. Hawak pa nito ang isang keychain na may nakasabit na maraming susi.
"Magandang hapon," bati niya sa babae. "Mag-i-inquire lang ako dito sa commercial space for rent."
"Ten thousand a month 'yan. One month deposit, two months advance. Contract for one year, subject for renewal," mabilis na sagot ng babae.
"Puwede ko bang makita ang loob?"
"Oo naman. Halika..." Nauna nang maglakad ang babae patungo sa saradong tindahan at saka sinusian ang kandado sa pinto nito.
Binuksan ng babae ang ilaw sa loob ng tindahan at saka pumasok dito kasunod si Tiw.
"Malaki naman pala. At saka 'di na kailangang i-renovate. Konting pintura na lang, okay na," nakangiting sabi ni Tiw.
"Kung kukunin mo ito, ako na ang bahala sa pagpapapintura. Kung may gusto kang ipabago, sagot ko na rin," pahayag pa ng babae.
"Sige, kukunin ko na ito. Babalik ako bukas para sa mga kailangan kong bayaran..."
"At bukas na rin tayo magpirmahan ng kontrata," dugtong ng babae. "Ihahanda ko lang ang mga dokumento."
"Yeah, sure. Salamat," pagsang-ayon niya. "By the way, I'm Lester Diamante." Inilahad niya ang kanyang kanang palad na agad namang inabot ng babae.
"Cleo Palomares," nakangiting pagpapakilala nito.
Saglit pang nag-usap silang dalawa tungkol pa rin sa commercial space na rerentahan ni Tiw kay Cleo.
GABI na nang siya ay umuwi. Sinadya niya iyon. Akala niya'y tulog na ang kanyang ama nang dumating siya sa bahay. Hindi niya inaasahang nasa salas lang ito at naghihintay sa kanyang pag-uwi.
"Saang lupalop ka na naman nanggaling?" tanong nito sa kanya sa matigas na boses. Tipong kapag hindi nito nagustuhan ang isasagot niya ay umpisa na naman ng giyera sa pagitan nilang dalawa. Wala na yatang araw na hindi sila nagsasagutan ng kanyang ama. Mula nang mag-resign siya sa trabaho, pakiramdam niya'y lagi na lang itong galit sa kanya.
"May inasikaso lang ako sa labas." Ayaw na sana niyang pahabain pa ang usapan.
"Nasaan ang kotse mo? Bakit hindi ko narinig na ipinarada mo sa garahe ang kotse mo?" Hindi pa rin nagbabago ng tono ang kanyang ama.
"Binenta ko," he said without batting an eyelid.
"Binenta mo? Anong gagamitin mo ngayon?"
"Grab, taxi, jeep, bus. Marunong naman akong mag-commute, Dad. Hindi ko naman kailangan ang kotse para mabuhay."
"Nakita mo ang resulta ng ginawa mo? Umpisa pa lang, naging miserable ka na."
"Anong miserable? Nawalan lang ng kotse miserable na?"
"I'm telling you, you'll never get any financial support from me. Matanda ka na. Buhayin mong mag-isa ang sarili mo. Ginawa mo 'yan, panindigan mo!"
"Don't worry, I'll make sure na hinding-hindi ako hihingi ng tulong sa'yo," mariin niyang sambit.
Hindi niya inaasahan ang biglang pagdapo sa kanyang kaliwang panga ng kamao ng kanyang ama. Muntik na siyang matumba.
"Gago ka! Istupido! Inutil!" Iniwan siya ng kanyang ama na hinahaplos niya ang nasaktang panga.
BINABASA MO ANG
Like China in My Hands
Genel Kurgu"I love you..." "Tanga! Pokpok ako. Hindi mo 'ko puwedeng ipagmalaki." "Pero puwede kitang mahalin," walang gatol niyang sagot nang hindi inaalis ang pagkakatitig sa mga mata ng kausap. "Ewan ko sa'yo. Siguro tumira ka na naman ng dahon ng madre ca...