Ang Hunyango ay Chameleon sa Ingles.Isang araw, may matalik na mag kaibigan sa kagubatan. Ito ay sina Palaka at Hunyango. Ang bawat parte sa kagubatan kung saan sila nakatira ay may sari-sariling sakop ang iba't ibang hayop. Ang sakop ng mag kaibigan ay ang puno malapit sa isang ilog. Kasama sa patakaran ng kagubatan na hindi ka maaaring kumuha ng kahit anong pagkain na nasa sakop ng ibang hayop ng walang permiso.
"Palaka, ako ay nagugutom na naman. Tara at pumunta tayo sa tirahan nila Kuneho at humingi ng pagkain." Anyaya ni Hunyango.
"Ano ba naman yan Hunyango, ikaw na nga halos ang umbos ng mga langaw at lamok dito tapos nagugutom ka na naman?" Reklamo ni Palaka.
"Oo eh. Kaya tara na at samahan mo ako." Hindi naman natiis ni Palaka ang kaibigan kaya dumayo na sila sa tirahan nila Kuneho.
Subalit pagdating nila doon wala ito. "Nagugutom ako tignan ang mga kakaibang klase ng dahon na narito Palaka." Natatakam na sabi ni Hunyango sa kasama.
"Kakaiba talaga ang mga iyan. Alam mo namang pag tatanim na lang ang libangan ni Kuneho. Alagang alaga talaga ang mga dahong iyan."
Lumapit naman si Hunyango sa mga dahon at kumain ng isa. "Napakasarap nito Palaka. Bakit hindi mo kaya tikman? Wala pa naman si Kuneho eh."
Naalarma naman si Palaka sa ginawa ng kaibigan. "Hunyango! Bawal iyan! Tigilan mo ang iyong ginagawa." Sinubukan ni Palaka pigilan ang kasama ngunit parang wala lang itong nadidinig at patuloy itong kumain. Kinakabahan at nabahala na si Palaka sa maaaring sapitin ng kaibigan. "Hunyango naman! Makinig ka! Maawa ka naman kay Kuneho, inubos mona ang kanyang mga tanim!" Sumbat muli ni Palaka.
Nataranta naman si Palaka ng madinig niya ang kumakantang boses at paparating na mga hakbang ni kuneho sa kanilang kinaroroonan. "Hunyango," natigilan si Palaka ng makitang nawawala na ang kaibigan at iniwan na lang ang tira tirang mga tangkay ng halaman.
"Palaka?" Kinabahan na ng tuluyan si Palaka na madinig niyang tawagin siya ni Kuneho. "Anong ginagawa mo dito?" Hindi ito makasagot na ikinataka naman ni Kuneho. Nilipat nito ang kanyang tingin at napansin ang katabing mga tangkay na tira tira na nasa tabi ni Palaka. Nanlaki ang mga mata ni Kuneho at napuno ng galit ang mga mata. "Anong nangyare sa mga halaman ko?!" Napatalon si Palaka sa gulat dahil sa pagsigaw ni Kuneho.
"Kuneho, maniwala ka sa akin, hindi ako ang sumira ng mga tanim mo." Pag amin ni Palaka.
Sarkastiko namang tumawa si Kuneho. "At sino pa ang may kagagawan nito? Ikaw lang ang narito Palaka. Nakalatag na ang ebidensya sa harapan ko. Kaya huwag ka ng mag tangka na mag sinungaling!" Sinigawan ni Kuneho si Palaka. "Ito ang tatandaan mo Palaka, ipagkakalat ko na dapat silang mag ingat sa iyo. Para wala ka ng iba pang mabiktima! Akala kopa naman napakabait mo. Nagawa mopang mag sinungaling! Walang kahit sino man dito sa kagubatan ang maniniwala sa mga sasabihin mo mag mula ngayon!"
Umalis na si Kuneho dala dala ang iba niyang gamit. Nasaktan naman si Palaka sa mga binitawang salita ni Kuneho. "Hunyango, lumabas ka na."
Nakalimutan at napagtanto ni Palaka na kaya nga pala ng kaibigan niyang baguhin ang kanyang kulay at makibagay sa kanyang paligid. Dahil dito, hindi mona mapapansin kung nasaan ito. Lumitaw at bumalik na sa orhinal na kulay si Hunyango. Napabuntong hininga na lang si Palaka at hinarap ang kasama. "Bakit mo ginawa iyon?"
"Ayokong mahuli ako, Palaka. Nakalimutan kong wala ka nga palang kakayahan tulad ng sa akin. Ang kaya mo lang kase ay tumalon talon." Pinagtawanan nito si Palaka.
"Pinagmamalaki mo ang kakayahan mo? Ang kakayahan mong manlinlang ng ating mga kasama? Ang mag sinungaling? Ayun ba?" Wala namang masabi si Hunyango sa mga tanong ni Palaka. "Hindi ko alam bakit ba kita naging kaibigan. Hindi ko inasahan na ikaw na pinagkatiwalaan ko ang mismong mangtatraydor sa akin."
"Pasensya na, Palaka." Panghihingi ng tawad ni Hunyango.
"Kung patuloy mong gagawin ang ginawa mo kanina? Napakaduwag mo. Kaduwagan na harapin ang katotohanan. Dahil sa ginawa mo Hunyango, mawawalan ka ng matalik na kaibigan. Paalam." Makahulugang sinabi ni Palaka at umalis na ito.
Nasaktan si Hunyango at nakonsensya. Subalit hindi niya pinansin ito at patuloy na nanloko ng iba pang mga hayop. Dahil sa ginagawa niya, lagi siyang iniiwan at madami ng galit sa kaniya. Kaya lagi siyang nagiging mag isa. Doon niya napagtanto na tama si Palaka. Kaduwagan ang kaniyang ginagawa at dahil dito madami siyang sinayang na mga kaibigan na sana kasama niya ngayon. Mula noon, lagi na siyang nag iisa dahil wala ng gustong mag tiwala sa kanya kahit gustuhin niyang mag bago. Pinagsisihan niya na hindi siya nakinig kay Palaka. Dahil dito, pakiramdam niya nawalan na siya ng pagkakataon mag bago.
Wakas.
YOU ARE READING
Just Write
RandomIf you're researching for a certain topic, try and check out the table of contents of this book maybe I discussed it. I'll be happy to help with your school works just don't forget to vote or comment. This is a compilation of my written works that...