Chapter 10

35.8K 696 17
                                    


ANG sumunod na mga araw ay pawang nagdulot ng kaligayahan para sa dalawang bagong kasal.

Parang ang honeymoon stage nila ay panahon din ng pagliligawan at pagkilala sa isa't isa.

Para sa nagkadikit na asyenda ay isa silang magandang tanawin. Bagaman at pitong taon ang tanda ni Nick kay Jessica ay walang nagsabing hindi sila bagay. Maligaya ang mag-asawang Philip at Claire sa nakikitang pagkakasundo nila.

Paalis ng villa si Jessica sakay ng kabayo niya nang isang owner-type na jeep ang humarang sa daanan niya. Bumaba ang driver nito. Si Melisa!

"Hello, Jessica..." bungad nito.

"H-hi..." alanganing sumagot si Jessica.

"Sa inyo talaga ang tungo ko. Nakalimutan kasi ni Nick sa bahay itong jacket niya." At itinaas ang hawak na jacket. Noon lamang na pansin ni Jessica ang jacket na itim ni Nick. Bakit na kay Melisa ito?

"Galing sa amin si Nick kanina at nakalimutan niya ito," ani Melisa na nakangiti.

"G-galing sa inyo si Nick?" mahigpit na napahawak sa renda ng kabayo si Jessica.

Tumawa nang malakas ang babae. Nalito si Jessica. "Bakit, Jessica, kataka-taka bang magpunta sa amin si Nick gayong dati naman niyang ginagawa iyon?" may malisya ang tinig nito.

"M-may asawa na siya..."

Muling tumawa nang patuya ang babae. "May asawa? Nagawa mong itali si Nick sa pamamagitan ng kasal, Jessica! Pero ito ang itanim mo sa isip mo, ako ang tunay na iniibig ni Nick! Lalo na ngayong taglay ko sa aking sinapupunan ang aming magiging anak!" at hinimas nito ang puson.

Nagimbal sa narinig si Jessica. "H-hindi totoo ang sinasabi mo!"

"Nasa sa iyo kung gusto mong dayain ang sarili mo. Pangalan lamang ni Nick ang sa iyo... akin ang pag-ibig niya! Akin!" Matigas at matalim ang tinig nito. "Bukas ng tanghali ay pupunta siya sa amin, hindi naman siguro ikaw ang uring eskandalosa, ano? Ikaw lang ang mapapahiya dahil alam ng lahat na magkasintahan kami ni Nick at wala kaming pinagkagalitan, Jessica!" Inihagis nito sa kanya ang jacket ng asawa at humahalakhak na bumalik sa jeep.

Matagal nang wala ang jeep ay naroon pa rin si Jessica. Namamanhid ang kanyang buong katawan. Gusto niyang umiyak pero walang luhang tumulo sa mga mata niya. Gusto niyang huwag maniwala, kaysaya nila ni Nick nitong mga nakaraang araw at hindi man sinasabi ni Nick ay nararamdaman niyang iniibig siya nito.

Dinadaya lang ba niya ang kanyang sarili? Pakunwari lang bang lahat ang mga pakikitungo ng asawa sa kanya? Bumaba ang tingin niya sa jacket na nasa harap niya. Naiwan ito ng asawa niya sa bahay nina Melisa! Muli ay paparoon si Nick bukas sa bahay ng dalaga! At ang pinakamasakit sa lahat ay buntis si Melisa! Buntis!

Kung paano siya nakabalik sa villa ay hindi niya alam. Sa pagtataka ni Aling Susana ay maghapon siyang hindi lumabas ng kuwarto. Maging nang dumating si Nick nang hapong iyon ay sapilitan ang pagsalo niya sa hapunan.

"May nararamdaman ka ba, sweetheart? Matamlay ka at sabi ni Aling Susana ay hindi ka kumain ng tanghalian?" nag-aalalang tanong ni Nick. "At saka bakit hindi ka nga pala dumating sa bodega? Akala ko doon tayo manananghalian?" dugtong nito.

"B-bakit 'di ka tumawag?" matamlay niyang tanong.

"Sweetheart, nakalimutan ko ang cellular ko sa kuwarto..." katwiran nito. "Gusto mong pumunta tayo sa doktor?"

"H-hindi na, kaunting sakit lang ito ng ulo."

"Are you sure?" paniniguro ni Nick.

Isang marahang tango ang isinagot ni Jessica. Gusto niyang kausapin at tanungin si Nick pero parang tuyong-tuyo ang lalamunan niya. Ayaw lumabas ng mga salita sa bibig niya.

Akin Ka Noon, Ngayon At Kailanman COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon