BINAYBAY ni Jessica ang tabing-dagat sakay ng kabayo niya. Walang direksiyon ang patutunguhan.
Iniisip ang pinag-usapan nila ni Claire. Hindi niya iniisip ang time frame na ibinigay ng papa niya. Kundi paano niya mapapaniwala si Nick na hindi dahil sa asyenda kaya gusto niyang magkasundo sila.
Walang ginagawang paraan si Nick na magkasundo sila. Gusto na nga niyang mawalan ng pag-asa.
Gumuhit ang kirot sa dibdib niya sa maaaring negatibong damdamin ni Nick para sa kanya. Kung totoo ang sinabi ni Claire na mahal siya ni Nick, disin sana'y gumawa na ito ng paraan.
Natigil lang siya sa pag-iisip nang mapunang nababasa na siya. Pumapatak ang ulan. Nilingon niya ang pinanggalingan niya... isang walang hanggang baybayin!
Malayo na ang narating niya at lumalakas ang ulan! Hinapit niya ang kabayo pasilong sa mga puno.
Basang-basa na siya nang mapansin niya ang pamilyar na tanawin. Nasa loob siya ng Asyenda del Mar! Tinunton niya ang daan patungo sa villa.
Nasa harap na siya ng bahay na bato nang mag-atubili siya. Pero basang-basa na siya at giniginaw. Bumaba siya ng kabayo at itinali ito sa puno. Pagkatapos ay marahang kumatok.
Nagulat pa si Aling Susana nang makita siyang nakatayo sa harap ng pinto at nanginginig sa ginaw.
"Ay, pastilan... sulod dali!" anyaya nito sa kanya papasok. "Basang-basa ka!"
"I-inabutan ho ako ng ulan sa daan..."
"Naku, eh, pumanhik ka muna sa itaas sa kuwarto ninyo at magpalit ka ng damit. Magkakasakit ka niyan," wika ng matanda.
Atubiling pumanhik si Jessica. Kuwarto ninyo! Tulad ng mga tao sa malaking bahay ay parang walang nabago. Parang hindi siya umalis. Silang dalawa lang ni Nick ang nagbago.
Dahan-dahan niyang binuksan ang dating kuwarto nilang mag-asawa. Tumambad sa kanya ang pamilyar na tanawin. Walang naiba. Binuksan niya ang cabinet. Naroon ang mga gamit niya! Ang mga damit niyang iniwanan ay naroon pa rin.
Isinara niya itong muli at mabilis na pumasok ng banyo.
Sa ibaba ay muntik nang mabitawan ni Aling Susana ang tasa ng kape nang sa pagpasok ay mabungaran nito si Nick na naghuhubad ng jacket.
"Ginulat mo akong bata ka!"
"Bakit narito ang kabayo ni Jessica, Aling Susana? At saan ninyo dadalhin ang kapeng iyan?" At isinabit nito ang jacket sa sungay ng usang pinatuyo na nakapako sa dingding.
"Dumating ditong basang-basa ang asawa mo at nanginginig sa ginaw. Pinapanhik ko sa itaas. Magbihis 'kako at baka magkasakit."
Nagsalubong ang mga kilay ni Nick. Kinuha ang tasa ng kape sa matanda. "Ako na ang magpapanhik niyan!"
Bukas ang pinto ng silid. Nakabakas sa sahig ang tubig mula sa basang katawan ni Jessica. Isinara ni Nick ang pinto.
"Aling Susana, kayo ba iyan? Pakiabot nga po ng tuwalya..." Si Jessica mula sa banyo.
Inilapag ni Nick ang kape sa mesa. Kumuha ng tuwalya at pumasok sa nakabukas na banyo.
"Ang gin... Nick!" bulalas niya sabay hablot sa tuwalyang nasa kamay ni Nick at pilit tinakpan ang kahubaran.
"Bakit ka nagtatakip? Hindi ba at nakita ko nang lahat iyan sa maraming pagkakataon?"
Hindi malaman ni Jessica ang isasagot. Nanatiling nakatingin sa kaharap. Pinagmasdan siya ni Nick. Basang-basa at tumutulo ang tubig sa mukha mula sa buhok. Bumaba ang mga mata nito.
Inabot ni Nick ang tuwalya sa kanya at inihulog sa sahig. Muli siyang pinagmasdan mula ulo pababa. Pagkatapos ay bigla siyang kinabig nito at bago pa nakakilos si Jessica ay bumaba na ang mga labi ni Nick sa kanya. At pagkatapos ay gumapang ang mga labi nito sa mukha niya... sa leeg... at bumaba sa dibdib...
"N-Nick..." At wala sa loob na dumako ang mga kamay niya sa mga butones ng lalaki at unti-unting tinatanggal ang mga ito.
Nang buhatin siya ni Nick palabas ng banyo at ihiga sa kama ay sunud-sunuran siya. Ang tanging alam niya ay kaytagal na panahong pinangarap niya ang mga sandaling ito.
"Kailangan kita, Jess..." bulong ni Nick sa pagitan ng mga halik. "Oh, honey... it's been a long, long time..."Nag-aapoy ang mga halik nito... nagmamadali... darang na darang si Jessica...
Pagkalipas ng mahabang panahon ay hindi nila kailangang pareho ng maraming preliminaries. "Oh, please... now, Nick..."
Kung gaano kalakas ang ulan sa labas ay siya ding lakas ng simbuyo ng damdaming namagitan sa silid na iyon. Malakas ang hampas ng alon sa batuhan subalit nanatiling matatag ang bato...
Matuling lumipas ang ilang sandali... humihina na ang ulan sa labas. Walang naririnig kundi ang mahinang mga patak nito sa pasamano ng veranda. Humupa na rin ang nag-aalab na mga damdamin.
Kumawala si Nick mula sa pagkakayakap kay Jessica. Tumayo at nagbihis. "Kailan mo gustong idaos ang kasal, Jessica?" Napakalamig ng tanong na iyon.
Nagtatanong ang mga mata ni Jessica. Inaapuhap sa mukha ni Nick ang init na kani-kanina lang ay tumutupok sa pagkatao niya.
Humarap si Nick sa kanya. "Damn it! Magsalita ka! Huwag mo akong tingnan nang ganyan. 'Ayan at tinitiyak ko nang hindi mawawala ang asyenda sa iyo!"
Napatayo siya mula sa pagkakahiga. Hindi makapaniwala sa narinig. "I-iyon ang pakahulugan mo sa... sa nangyari?"
"Ano'ng gusto mong ipakahulugan ko doon? Pagkatapos ng dalawang taon heto ka sa piling ko... dahil iniibig mo ako? Ganoon ba?"
"Iyon ang to—"
"Huwag na tayong maglokohan, Jessica. Anyway, we'll serve each other in bed... nasa iyo pa ang asyenda. Maaari mo nang ibalita kay Claire nang magawan niya ng paraang umabot tayo sa time frame ng papa mo!" sarkastikong wika nito.
Gumuhit ang lungkot at pait sa mukha ni Jessica. Nahagip iyon ng mga mata ni Nick at higit itong nasaktan sa nakita. Gusto nitong bawiin ang mga sinabi.
Marahang tumayo si Jessica. Kumuha ng jeans at blouse sa closet at nagbihis. Hindi nagsasalita. Gusto niyang umiyak pero walang luhang pumatak. Talo siya, after all...
"G-good-bye, Nick..." At walang lingong lumabas ng silid.
Gustong siyang habulin ni Nick... pigilin at muling ikulong sa mga bisig nito. Pero nanatili itong nakatayo.
Narinig nito ang papalayong mga yabag ng kabayo.
"There goes your chance, boy..." bulong nito na ibinagsak ang katawan sa kama.
BINABASA MO ANG
Akin Ka Noon, Ngayon At Kailanman COMPLETED (Published by PHR)
RomanceHindi makapaniwala si Jessica na itinali ng papa niya ang kanyang mamanahin sa taong minsan ay nanloko sa kanya. "Hindi ko alam kung paano mo nakuha ang tiwala ng papa, Nick! Buong pait niyang sinabi. " I cannot imagine that he trusted you that muc...