Chapter 12

33K 752 9
                                    


NAG-FLASH ang sign na "fasten your seat belts."

Makalipas ang maraming oras ay nasa Pilipinas na siya.

Cebu International Airport. Mula roon ay sumakay siya bilang isang chance passenger sa isang chartered plane bound for Sicayab Airport. Mula sa maliit na airport na iyon ay umupa siya ng isang taxi patungo sa kanilang bayan. Marahil ay isang oras din at kalahati ang biyahe.

Walang nakakaalam na uuwi siya. Hindi niya ipinasabi at iyon din ang bilin niya sa Tiya Luisa niya.

Aandap-andap ang loob ni Jessica habang papalapit siya sa kanila. Hindi gaanong makatakbo nang mabilis ang sasakyan dahil nagpuputik ang daan. Umulan marahil noong nagdaang gabi.

Papasok na sila ng Asyenda Arenas at may mangilan-ngilang tao sa daan na curious na sinisilip ang loob ng sasakyan. Ang iba'y nakilala siya at halo-halong emosyon ang ibinabadya ng mukha ng mga ito.

Ilang minuto pa at natatanaw na niya ang malaking bahay. Elevated ito nang kaunti mula sa daan kaya kitang-kita ang kabuuan nito mula sa malayo. Maraming sasakyan sa harap at tagiliran ng bahay nila. Hindi mismo sa harap nakahinto ang sinasakyan niya dahil sa mga naunang nakaparada roon. Binayaran niya ang driver at inutusang isunod sa kanya ang mga maleta niya.

Lahat ng mga mata ay nakatuon sa kanya pagbaba niya ng sasakyan. Parang damong nahawi ang mga tao upang bigyang daan ang pagpasok niya.

Sa dulong bahagi ng malaking sala ay ang kabaong ng ama niya. Sandali siyang napatda. Nanginginig ang mga tuhod niya. Nanlalamig ang mga kalamnan niya.

Sinisikap niyang tumatag. Hindi niya kailangang mag-breakdown sa harap ng maraming tao. Nang humakbang siya ay bumigay ang nanginginig niyang mga tuhod. Matitipunong bisig ang maagap na humawak sa mga balikat niya. Inalalayan siya palapit sa nakaburol na ama.

Halos mapugto ang hininga ni Jessica nang tunghayan ang loob ng magarang kahong kahoy. "P-Papa..." hindi niya halos marinig ang sariling tinig.

Nanatiling nakahawak sa mga balikat niya ang mga kamay na iyon. Na sa wari ay nakahandang umalalay. Wala sa loob na napaatras si Jessica at napasandal sa dibdib ng lalaki. Paimpit siyang humikbi....

"Go ahead... cry if you must... makaluluwag sa dibdib mo iyon..." bulong ng may-ari ng dibdib na sinandalan niya.

Napahinto sa paghikbi si Jessica. Minsan man sa loob ng dalawang taon ay hindi nawaglit sa isip niya ang tinig na iyon! Tinig na minsa'y umakit sa kanya...

Dahan-dahan siyang nagtaas ng mukha...

"N-Nick..."

Nagsalubong ang kanilang mga mata. Sinuyod ng mga mata ni Nick ang buong mukha niya. Siya nama'y inaapuhap sa mga mata ni Nick ang anumang damdaming nakapaloob doon. Emptiness ang nakita niya... kasinghungkag ng dalawang taong lumipas!

Unang nagbaba ng tingin si Jessica at marahang kumawala sa mga bisig na humahawak sa kanya. Humakbang paatras...

Kung maaari nga lang na manatili siya sa dibdib ni Nick... sa mga bisig nito... mga bisig na minsa'y nagpadama sa kanya ng walang kapantay na ligaya at pag-ibig... mga bisig na walang anuman kung siya'y binubuhat at iniikot sa buhanginan hanggang sa pareho silang bumagsak sa tubig.

Iniluhang lahat ni Jessica sa harap ng walang buhay na ama ang mga pighating nasa dibdib niya. Sa pagkakataong ito ay sa dalawang kadahilanan...

Akin Ka Noon, Ngayon At Kailanman COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon