Chapter 16

33.9K 756 12
                                    


K1NABUKASAN ay maagang nagtungo sa bayan si Jessica. Tiyak ang patutunguhan. Inabutan niya si Melisa na nagbubukas ng filing cabinet.

"Hello... Melisa?"

Bagama't nabigla ay hindi nagpahalata ang babae. "Ikaw pala, si Mayor ba ang sadya mo?"

"Sana..."

"Mamaya pa ang dating noon. Nasa bahay pa iyon, doon mo puntahan."

"Hihintayin ko na lang dito..." At dinampot ang diyaryo at umupo sa naroong silyang pambisita.

Ilang segundo din siyang tiningnan ni Melisa bago nagsalita. "Kailan ang balik mo sa Amerika, Jessica?" pormal na pormal ang tinig nito.

Binitiwan ni Jessica ang diyaryo at tumayo. Lumapit sa mesa ng babae. "Hindi ko alam na interesado ka sa mga plano ko, Melisa?" nakangiting sagot niya.

"Hindi siguro kaila sa iyo na kami ni... ni Nick ay..."

"Kayo ng asawa ko ay ano, Melisa?" mahina ang tanong na iyon. Hindi alam ni Melisa na sa mga sandaling iyon ay para itong tumutulay sa alambre sa tinitimping galit ni Jessica.

Tumalim ang anyo ng babae. "Wala akong dapat pang sabihin sa iyo! Matagal mo nang alam ang bagay na iyan!"

Malakas na tumawa si Jessica. "Alin ang alam ko, Melisa? Na sinungaling ka? Na hindi totoong buntis ka two years ago? Na nag-iilusyon kang maagaw ang asawa ko sa akin?" nanunuyang tanong niya.

Unti-unti nang nagdadatingan ang ibang mga empleyado. Nailang si Melisa.

"Huwag na tayong maglokohan pa, Melisa! Kung hindi mo nakuha ang atensiyon ni Nick sa loob ng dalawang taong wala ako, kahit ilang taon pa ang ibigay ko sa iyo ay ganoon din!" nagpupuyos ang loob na wika ni Jessica.

Hindi makasagot si Melisa. Kitang-kita nito ang nagngangalit na mga mata ni Jessica.

"Gusto kong singilin sa iyo ang dalawang taong nasayang sa amin ni Nick, Melisa. Pero nagbago ang isip ko. Kasalanan ko rin dahil naniwala ako sa iyo!"

Hindi malaman ni Melisa kung uupo o tatayo. Bagaman at hindi malakas ang boses ni Jessica ay posibleng marinig ito ng nagdadatingang mga empleyado.

"Kakalimutan ko ang lahat, Melisa. Pero pakatandaan mo ito, hindi ko gustong makita kahit anino mo sa magkadikit na asyenda! At sa sandaling hindi mo ginawa... huwag mong hamunin ang impluwensiya ko sa bayang ito!" at tumaas ang mukha niya. "Kung hindi naman... marami akong alam na paraan sa pagpatay ng pusa!"

Pagkasabi noo'y tumalikod na siya. Mabilis na pumasok sa sasakyan niya at sandaling umupo. Hindi niya kayang isiping nagawa niya iyon! At isiping bumanggit pa siya ng impluwensiya! Ang papa niya, oo, pero siya? Ewan niya.

Nagkibit siya ng balikat. Unahan lang iyon. Naunahan siya ni Melisa dalawang taon na ang lumipas.

Natitiyak niyang saradong aklat na si Melisa. Isa pa ang kailangan niyang ayusin. Si Nick!

Pero paano?

Akin Ka Noon, Ngayon At Kailanman COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon