Chapter 15

34.4K 749 32
                                    


MATULING lumipas ang mga araw matapos ang pangyayaring iyon. Halos hindi magtungo si Nick sa malaking bahay. Kung wariin ni Jessica ay iniiwasan siya nito. Kalimitan ay nasa kabilang asyenda ito.

"Mang Delfin, nakita n'yo ba si Nick?" tanong niya sa katiwala na tinitingnan ang pagsasalansan ng mga sako ng palay sa kamalig.

"Subukan mo sa koprahan, Jess. Baka naroon ngayon iyon dahil maghapon kahapon ay nasa Asyenda del Mar siya," magalang na sagot ng matanda.

Malayo pa si Jessica ay natatanaw na niya si Nick na kausap si Mang Celso, ang isa pang katiwala. Nakatalikod si Nick at hindi siya nakikita nang sa may hindi kalayuan ay may owner na pumarada sa tabi ng pickup ni Nick.

Nag-init ang mukha niya nang bumaba at makilala niya ang sakay nito. Si Melisa!

Bumaba ito ng jeep at naglakad patungo sa kinaroroonan ni Nick.

Ano ang gagawin niya? Uuwi ba siya at iiwanan ang dalawa?

Nang matanawan niya ang naglalawang lupa na siyang madaraanan ni Melisa. Ito iyong mga tubig ng niyog na natatapon kapag nagbibiyak. At sa sandaling ito, alam niyang mabaho na iyon.

Mabilis niyang pinatakbo ang kabayo niya patungo roon. Hustong napatapat si Melisa sa mabahong tubig ay siya namang pagdaan niya. Itinilamsik lahat ng mga paa ng kabayo ang mabahong sabaw ng niyog sa mukha at katawan ni Melisa.

Napasigaw ang babae. Lumingon si Nick.

Umikot ang kabayo pabalik at humarap kay Melisa.

"O, I'm so sorry! Hindi ko napansin na may tubig pala... Naku, ang baho pa naman niyan... I'm terribly sorry!" ani Jessica sa eksaheradong paghingi ng paumanhin.

"Hmp... eeeh... ang baho... nakup!" si Melisa na hindi malaman kung ano ang gagawin. Matalim nitong tiningnan si Jessica.

Napansin ni Jessica ang papalapit na si Nick. At muli sa eksaheradong tinig. "O, Nick, darling... ipahiram mo nga kay Melisa ang jacket mo!" At pinakadiin-diin nito ang jacket. "Natilamsikan ko siya ng mabahong sabaw ng niyog, eh..." habang hindi niya inaalis saglit man ang tingin niya kay Melisa,

Biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Melisa.

"H-hindi bale na lang... sa bahay na ako magpapalit." at lumakad pabalik sa jeep.

"May kailangan ka ba sa ASAWA ko, Melisa?" pahabol na sigaw ni Jessica.

Pasakay na sa jeep ang babae nang lumingon. "S-saka na lang..."

Malayo-layo na ang jeep nang bumunghalit ng tawa si Jessica. Naaaliw na tinitingnan siya ni Nick.

"Tama ba akong sabihing hindi aksidente ang ginawa mo?"

Tumalim ang mukha ni Jessica. "Ano'ng kailangan sa iyo ng babaeng iyon?"

Nagkibit ng balikat si Nick. "Paano kong malalaman at ayon... naitaboy mo!" pigil na pigil nito ang pagnanais na ngumiti.

"Gusto mong habulin ko?" nagpupuyos ang loob na tanong niya.

"Rediculous! Gusto nga kitang pasalamatan dahil natulungan mo akong maitaboy ang isang mild irritation!" sagot ni Nick na ikinataas ng isang kilay ni Jessica. Napatitig dito. Nag-iisip.

"Bakit ka nga pala nandito? Alam mo, hindi ko gustong isiping tuwing nakikita kita ay may nangyayaring aksidente?" may himig-birong sabi ni Nick.

"Namamasyal lang... little did I know na sa pamamasyal ko ay makakapaningil ako ng pautang two years ago..." pormal na sagot ni Jessica. "May balanse pa... isama pa ang interest!"

Nagsalubong ang mga kilay ni Nick. "You're always talking in riddles! Ano ang ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong ni Nick.

"Hindi bale na..."

Nagkibit ng balikat si Nick. Muling tumingin sa kanya. "Ano nga pala iyong sinabi mong huli kay Melisa? Kung may kailangan siya kanino?"

"Narinig mo, 'di ba?"

"Yeah... sinabi mong 'asawa.' Nang dahil sa asyenda?" malungkot at patuyang tanong ni Nick.

"Pareho, Nick! Ginawa kayong package deal ng Papa. I cannot take one without taking the other."

Nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Nick. Muling bumalatay ang galit. "Gusto kong kasuklaman si Philip sa ginawa niyang ito, Jessica!"

Nasaktan si Jessica pero hindi kumikibo. Kahit sabihin niyang mas mahalaga ito kaysa asyenda, pagdududahan din ang motibo niya.

Akin Ka Noon, Ngayon At Kailanman COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon