NAGSISIMULA na silang kurnain nang magtanong si Jessica.
"'Pa, bakit ka nga pala napaluwas? May binibili ka ba para sa farm?" sabi niya habang binabalatan ng tinidor at kutsilyo ang grilled prawn, na nasa pinggan.
"Well, I'm checking on you, masama ba?" pabirong sagot ni Philip.
"Papa, ha? I don't buy that! Alam kong may tiwala ka sa akin dahil alam mong mapagkakatiwalaan at mabait akong anak," nakangiting binigyang diin niya ang dalawang adjectives para sa sarili.
Hindi kumibo si Philip. Nag-concentrate sa pagkain. Napatingin sa ama si Jessica. Namumuo ang hinala na may seryosong dahilan ang pagluwas ng ama. Bakit ba, eh, uuwi na siya in a month's time dahil semestral break na nila. Hindi muna siya kumibo at hinayaang mag-enjoy silang mag-ama sa pagkain.
Patapos na si Philip nang magsalita ito. Patantiyang tiningnan ang anak.
"I-ikaw talaga ang sadya ko, hija... but for a different reason..." Kinuha nito ang table napkin sa kandungan at nagpahid ng bibig. "W-well... I just don't know where to start..." dugtong nito.
"Sa umpisa, Papa. And please... ayoko ng suspense." At inabot ang baso ng juice at ininom.
"I-it's been a long time... mula nang mamatay ang mama mo, hija..."
Bigla ang pagbangon ng kaba sa dibdib ni Jessica. Hindi kumukurap. Lumilinaw ang namumuong hinala.
"That was four years ago..." Siya na ang nagpuno ng eksaktong bilang ng mga taon mula nang mamatay ang mama niya.
"Malungkot ang nag-iisa, hija. Sooner or later, mag-aasawa ka na rin." Umubo muna ito, pilit na inaalis ang bara sa lalamunan. "Tututol ka ba kung muli akong mag-aasawa, Jess?" sa wakas ay naitanong ni Philip.
Hindi gaanong nabigla si Jessica. She thought so. "Kanino, 'Pa?" deretso niyang tanong.
"Sa... sa kapatid ni Nick, kay Claire. Kilala mo siya, 'di ba?"
Marahang tumango si Jessica. Kilala niya si Claire. Ito ang nagmamay-ari ng kabilang asyenda na karugtong ng sa kanila.
Ang hindi niya alam ay ang pagiging magkapatid nito at ng ipinakilala sa kanya ng ama niya. Ang alam ng lahat ng mga tagaroon ay nag-iisang anak si Claire na kung bakit nanatiling walang asawa ay hindi nila alam.
"Hindi ko alam na may kapatid si Manang Claire..."
"May kapirasong lupa sa Laguna ang tiyahin ni Claire, hija. Kapatid ng ina niya. Doon lumaki at nag-aral si Nick. Sa UP ito kumuha ng Agriculture," paliwanag ni Philip.
"Noong mamatay ang ama ni Claire, nasa asyenda si Nick. Lumagi roon si Nick ng isang linggo bago muling bumalik ng Los Baños."
Natatandaan niyang hindi siya nakasama ng mga magulang nang makiramay doon dahil may tigdas siya. At nang sumunod na taon, ang mama naman niya ang binawian ng buhay.
"At nitong huling dalawang taon ay hinikayat ni Claire na pangasiwaan ni Nick ang lupa nila," patuloy ni Philip. "Katunayan ay pinakiusapan ko si Nick na tulungan ako sa asyenda."
Tinitigan ni Jessica ang ama. Marami palang nabago sa asyenda nang hindi niya nalalaman.
Kuwarenta y siyete na si Philip at maliban sa medyo may katabaan nang kaunti ay bata pa itong tingnan. Magandang lalaki ang kanyang ama sa kabila ng mga taon.
Si Claire, sa tantiya niya, ay bata lamang ng dalawa o tatlong taon sa ama niya. Napakalaki ng agwat ng edad nina Claire at Nick. Kung tutuusin, mas bagay na maging mag-ina ang dalawa kaysa magkapatid. Iyon ay kung nag-anak si Claire noong kasing-edad niya.
Parang gustong magselos ni Jessica. Buong buhay niya, kanya lahat ang buong atensiyon ng ama. Lalong higit nang maulila siya sa ina. At ngayon ay masakit isiping may makakahati na siya sa pagmamahal nito.
Pero hindi naman siguro tamang maging makasarili siya. After all, kailangan ng ama niya ang makakasama sa pagtanda nito. Lumunok siya upang maalis ang bara sa kanyang lalamunan.
Pinahid ng likod ng palad niya ang luhang gustong pumatak. Nag-alala si Philip.
"Jess, hija..." Pinisil nito ang palad ng anak.
"I'm okay, 'Pa." Sinikap niyang ngumiti. "Are we expecting a grand wedding?"
Nakahinga nang kaunti si Philip. "This is her first wedding, hija. I guess I owe her that," ani Philip. "And besides, inaasahan ng mga taga-asyenda ang isang malaking kasalan."
"K-kailan 'yon?"
"Sa bakasyon mo, sweetheart, ikaw ang maid of honor at si Nick ang bestman."
Muling bumalik kay Nick ang isip ni Jessica. Iihim na nangingiti. Ano kaya ang hitsura ng rugged na si Nick sa isang pormal na kasuotan?
Will he be just as sexy?
BINABASA MO ANG
Akin Ka Noon, Ngayon At Kailanman COMPLETED (Published by PHR)
RomanceHindi makapaniwala si Jessica na itinali ng papa niya ang kanyang mamanahin sa taong minsan ay nanloko sa kanya. "Hindi ko alam kung paano mo nakuha ang tiwala ng papa, Nick! Buong pait niyang sinabi. " I cannot imagine that he trusted you that muc...