Chapter Fourteen

107K 3.3K 201
                                    

CHAPTER FOURTEEN

PAGKAMULAT pa lang ng mga mata ni Xan, sa wall clock agad dumapo ang tingin niya.

"Ay! Kaloka!" bulalas niya nang makitang four PM na! "Homaygahd! Four PM na? Buong araw akong tulog?"

Umalis siya ng higaan at nagtaka. Bakit siya nasa sarili niyang kuwarto? Hindi ba sa kuwarto siya ni Heart natulog kagabi? Pati nga si Eugene ay sa kuwarto ni Heart kagabi natulog.

"Ay! Oo nga pala!" aniya sa sarili sabay tampal sa noo. Naalala niya nang pabuhat na inilipat siya ni Eugene sa kuwarto niya kagabi dahil binangungot siya nang matindi.

Napailing-iling siya at tumayo ang balahibo niya sa braso nang maalala ang napanaginipan niya.

Que horror! Sobrang horror ng napaniginipan niya pero hindi niya na matandaan kung ano eksakto. Basta nakakatakot!

Pumasok siya sa banyo at mabilis na nag-ayos. Nakakahiya naman kay Eugene ang nangyari kaninang madaling araw. Pagkatapos ay maghapon pa siyang tulog.

Ang tindi naman niya! Hindi man lang siya nagising sa gutom? Aba't nalagpasan niya ang breakfast at lunch, hindi pa siya nagigising! Merienda na! Hindi man lang kumalam ang sikmura niya para man lang gisingin siya. Masyado niyang na-enjoy ang pagtulog, ganern?

Lumabas na siya ng kuwarto pagkatapos mag-ayos. Bumaba siya sa kusina at nakita niya ang mayordoma na naglilinis.

"Hi, Manang!" bati niya rito. "May pagkain po ba tayo diyan?"

"Oo. Ipaghahain kita, Ma'am Xan."

"Nako, ako na lang po, Manang. Makakaabala pa ako sa inyo. Buong araw na nga akong tulog at mukhang kayo-kayo pa ang nag-alaga kay Heart, eh, trabaho ko iyon." Pumunta na siya sa harap ng kalan at nakita ang isang kalderong kaldereta.

"Hindi naman, Ma'am Xan, nandyan naman kasi si Sir Eugene. Mula nang magising si Heart ay hindi na siya humiwalay sa Papa niya. Kanina pa nga sila naglalaro."

Tumangu-tango siya. "Miss na miss po kasi ni Heart ang Papa niya. Sayang hindi ko nakita kung paano natuwa si Heart pagkakita niya kay Eugene. Eh, surprise pa man din ang pag-uwi niya kahapon. Hay, grabe lang, Manang! First time kong matulog nang buong araw. Gutom na gutom tuloy ako."

Hindi siya nahiyang kumuha ng malaking serving ng kanin at ulam. Gutom siya, e.

"Buong araw ka kamong tulog? Aba't sabi ni Gladys ay nakita ka niya kaninang umaga na kausap si Sir Eugene," tukoy nito sa isang dalagang kasambahay doon.

Napatigil siya sa pagsubo sana ng pagkain. "Ho? Eh, hindi pa nga ako nakikipag-usap kay Eugene ngayong araw na'to dahil nga po sleeping beauty ang peg ko. Namamalikmata lang siguro si Gladys."

Napakaimposible naman na kausap niya kanina si Eugene o nagising siya kanina at hindi niya matandaan iyon? Hindi naman siya nagsi-sleep walk o sleep talk. At nunca na makalimutan niyang kausap si Eugene, dahil buhay na buhay lagi ang hasang niya at ang buong senses niya kapag kaharap ang lalaki.

"Ganoon ba? Aba't kakausapin ko nga 'yung si Gladys. Inutusan ko kasing maglinis ng pool kaninang umaga pero tumanggi muna dahil daw magkausap daw kayo ni Sir."

Natawa siya. "Baka tinamad lang siya, Manang."

"Baka nga. Mapagsabihan nga ang batang iyon. Tinamad lang, gumagawa pa ng istorya."

"Hayaan mo na, Manang." Nagsimula na siya sa maganang pagkain. "Mmm! Manang, ang sarap naman nitong kaldereta. Sino po ang nagluto? Kayo po ba? Ang sarap, ah!" puri niya dahil tamang-tama lang ang alat at anghang ng ulam. Ganoon ang gusto niyang luto kapag kaldereta.

Irresistible Eugene (TTMT #1) - Published by PHRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon