0.1
F A L L I N G
AGAD binuksan ni Nabeshin ang kurtinang nakatabing sa bintana ng kanyang silid.
Maganda ang sikat ng araw ngayon. Makikita sa buong paligid ang klimang hatid ng tag-araw sa mga panahon na iyon, tila nagpapahiwatig ng isang magandang simula. Isang manipis na ngiti ang pumunit sa mga labi niya habang nakatunghay sa labas ang kanyang paningin.
Muling nagbabalik sa alaala niya ang unang araw na nagkita sila ng babaeng una niyang minahal. Ang babaeng nagpabago ng lahat sa kanya. Ito ang dahilan kaya nasa ganoon siyang estado ngayon...
ANIM NA TAON NA ANG NAKARARAAN...
"Nabeshin, hindi ka ba naiinitan?" tanong ng matalik niyang kaibigan na si Toji na nasa may likuran niya. Nasa kahabaan sila ng foot bridge na walang bubong, patuloy na naglalakad sa gitna ng initan.Kasagsagan kasi ng tag-araw kaya maalinsangan ang paligid at napakainit ang dapyo maski ng hangin sa kanilang balat.
Kitang-kita sa ibaba ng foot bridge ang napakaraming sasakyan, nag-umpisa nang magkumpulan ang mga ito habang patuloy ang mabagal na pag-usad ng trapiko. Kadalasan iyon ang nagiging problema sa kanilang siyudad kaya lalong sumisingaw ang init sa paligid dahil sa hatid na rin ng usok galing sa mga sasakiyan.
Muli na namang naagaw ni Toji ang atensyon ni Nabeshin.
"Nine..." sabi nito sa himig na nagrereklamo. Ang numerong binaggit ng binatilyo ay code name niya. Siya si Nine at ito naman si Twelve.
Mula pagkabata ay magkaibigan na sila nito kaya naman sanay na siya rito. Wala na silang nagisnang mga magulang dahil parehas na namatay mula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang mga ito. Mabuti na lamang ay may naiwan na pera at negosyo ang mga ito, sapat upang mabuhay silang dalawa ni Toji ng maalwan at hindi nanghihingi ng limos sa ibang tao.
"Kung ako sa'yo, maglakad na lang ako ng tahimik, Twelve," sagot ni Nabeshin kay Toji.
Panay ang pagpaypay ng kamay ng binatilyo sa mukha nito. Sa tingin nito'y makakatulong iyon para mabawasan ang init na nararanasan ngayon. Sa bansang Japan, normal na ang umaabot sa mas mataas na temperatura ang bawat klima.Kadalasan sobrang lamig kapag winter. Sobrang init naman kapag summer.
Patuloy lang silang naglakad ng mabilis, hanggang sapitin na nilang magkaibigan ang likurang bahagi ng pinapasukang paaralan kung saan naroroon ang swimming pool. Doon sila laging dumadaan na magkaibigan kapag late na sila at 'di naka-proper uniform.
Paakyat na sana si Nabeshin ng hagdan nang mapansin niyang hindi na nakasunod sa kanya si Toji. Agad ang napadako ang mga mata niya sa may pool, partikular sa babaeng kasalukuyang binu-bully ng isang grupo ng kababaihan na kapwa nila estudyante roon, nang marinig ang ingay ng mga ito.
Sa tingin niya'y bagong transfer sa school ang binu-bully. May maiksing buhok ito na kulay itim; mas mapusyaw kaysa karaniwan ang makinis na balat nito. Pinag-aralan niya ang mukha nito na kinababakasan ng ligalig at pagkabalisa. Sa tingin niya ay may banyaga itong lahi dahil tila asul na karagatan ang kulay ng maamo nitong mga mata, binagayan iyon ng maninipis na kilay at tamang tangos ng ilong. Ang mga labi nito ay natural na mamula-mula at manipis. Maihahalintulad ito sa isang anghel.
"Girls, tigilan niyo na nga siya. Ano bang trip niyo?" Malakas na sabi ng isang boses kaya nabaling ang pansin niya sa nagsalita. Si Toji iyon na kasalukuyang nakapatong ang mga braso sa patag na ibabaw ng bakod ng swimming pool. As usual nakapagkit sa mga labi nito ang nakakalokong ngiti. "Umagang-umaga nambu-bully kayo."
Napakayuko ang babaeng binu-bully pero halatang tuluya nang naagaw ni Toji ang atensyon nito.
"W-wala 'to, Toji, pa-welcome lang sa bagong transferee," sabi naman ng isa sa mga babae bully, malamang ito ang pinaka-leader nila.
Alam ng lahat na may pagka-wirdo si Toji kaya hindi na bago sa kay Nabeshin ang napansing pangingilag ng babae sa kaibigan, lahat ng magustuhan nito ay ginagawa nito, wala itong pakialam sa sasabihin ng iba basta ang mahalaga ay makapag-enjoy ito.
"Gusto kasing maligo ni Von, nasanay kasi siya sa klima sa kanila!" Ang panunukso naman ng isa pang babae.
Nakuyom ng babaeng tinutukoy ang mga kamao, "Y-yes b-beacause I'm hot..."
"Ganoon ba? Ako rin init na init na!" masiglang sagot naman ni Toji.
Wala pang ilang segundo ay nakita ni Nabeshin na sumampa si Toji sa pader, inihagis nito sa isang gilid ang dala nitong bag kasabay ng pagtakbo at pagtalon nito sa swimming pool malapit sa grupo ng kababaihan.Walang ibang nagawa ang mga babae kung 'di ang maghiyawan na lang nang matalsikan ng tubig.
Kitang-kita ni Nabeshin ang mata ni Von na tumutok kay Toji na kasalukuyang ngiting-ngiti sa mga sandaling iyon... hanggang sa napansin yata nitong buhat sa malayo ay pinagmamasdan niya ito. Isang malamig na titig ang ibinigay ni Nabeshin dito. Ipinagpatuloy na niya ang paglalakad, naging bingi siya sa bawat pagtawag ni Toji sa kanyang tunay na pangalan. Kapag nasa publiko sila ay hindi nila tinatawag sa isa't isa ang code name nila dahil para sa kanila'y simbolo iyon ng kanilang pagkakaibigan, ng kanilang brotherhood, isang sikretong para lamang sa kanilang dalawa.
Nang makapasok siya sa kanilang silid-aralan ay agad na siyang umupo. Pilit na pinakalma ni Nabeshin ang sarili ngunit hindi siya nagtagumpay. Isinuksok na lang niya sa teynga ang earphones at nakinig ng musika saka ibinaling sa labas ang pansin... habang patuloy ang mabilis na pagtahip ng tibok ng kanyang puso.
NAPAKURAP siya nang may kumatok sa pintuan ng inookupang silid. Nagmadali siyang naglakad para buksan ang pinto at nabungaran niya ang kanyang sekretarya sa labas. May mga bitbit itong mga dokumento para sa susunod niyang project para sa taong 2014. Nasa field siya ng anime filming, sa maiksing panahon ay naging mabilis ang pagsikat niya sa mundo ng animation kung saan isa siya sa mga director ng mga anime na ipinapalabas sa bansang Japan. May ilan na rin sa mga natapos niya ang ineere sa iba't ibang bansa.
Matapos niyang pumirma ng mga dokumento at magbigay ng ilang instructions ay umalis na ang sekretarya niya. Sa kanyang pag-iisa ay sinakop na naman ng isip niya ang nakaraan na akala niya'y matagal na niyang limot.
"Akala ko ba tayo lang ang bubuo niyan?" malamig na sabi ni Nabeshin kay Toji saka mabilis na sinulyapan si Von na nakatayo lang sa isang gilid, nasa mata ang hindi maipaliwanag na emosyon.
Nasa secret hide out sila kung saan nila ginagawa ni Toji ang project nila na anime film. Pangarap kasi nilang dalawa na makilala balang-araw.
"Okay lang yan, Nine, magaling si Von," paliwanag ni Toji. "Mabibigyan niya pa ng mas magandang twists ang ila-launch nating palabas."
Tila palagay na palagay na nga ang loob ng kaibigan kay Von. Bigla ay nakaramdam siya ng pamumuo ng tensyon sa kaloob-looban niya. Agad niyang iwinaglit sa isip ang pagdagsa ng kung ano-anong konklusyon sa isip. Napabuntong-hininga na lang si Nabeshin.
Kumilos si Toji para umupo sa pwesto nito kung saan nito ginuguhit ang tinatrabaho nitong eksena ng kanilang proyekto. Ilang taon rin kasing bubuoin ang isang anime film, lalo pa kung series iyon.
"Ano naman maitutulong niya, kita mo sarili nga niyang buhay 'di pa niya maayos." Inis na sabi ni Nabeshin. Agad niyang tinalikuran ang dalawa.
Hindi lingid sa kanila ang bali-balita tungkol kay Von na kaya ipinadala ito sa Japan ay dahil may iba nang pamilya ang ama nito sa America habang ang ina naman nito ay kasalukuyan nakakaranas ng depression. Pahakbang na sana si Nabeshin nang biglang umimik si Von.
"Huwag kang mag-alala, g-gawin ko naman ang makakaya ko. Subukan mo lamang ako k-kahit isang buwan lamang."
Dahan-dahan niyang ibinaling ang mga mata sa babae. Inayos pa niya ang pagkakasuot ng eye glass niya saka marahang isinuksok sa mga bulsa ng suot niyang pantalon ang dalawang kamay. Kitang-kita niya ang determinasyon sa mga mata ni Von.
Matapos ang mahabang patlang ay muling nagsalita si Nabeshin,"Sige, I'll give you one month."
Biglang kumislap sa kagalakan ang mga mata ng dalagita, napakasarap ding tingnan ang ngiti nito na nagpatahip ng mabilis sa puso niya. Agad siyang tumalikod nang makita niyang nagngitian si Von at Toji.
"And Von," sabi niya na umagaw muli sa atensyon ng dalawa. "There's no turning back now."
Alam niyang nanuot sa kalamnan nito ang sinabi niya, maging si Toji ay hindi nakaimik. Hindi na niya hinintay makasagot ang mga ito, mabilis na siyang naglakad palabas.
BINABASA MO ANG
VON(REMEMBER US) TAGALOG COMPLETED
FanfictionVON(REMEMBER US) BABZ07AZIOLE FANFIC/MYSTERY/THRILLER Pakiramdam na pati ang utak mo'y lumilipad sa kawalan, Sumasagitsit ang kirot, Hanggang sa panawan ka na ng ulirat. Mga kataga na babalong sa pait ng isang katotohanan. Patungkol sa mapagmanip...