Playful
"Ang pagpuksa sa mga mapang-api ay siya ring pupuksa sa karalitaan, hindi ba, mahal kong ama?"
Tila nawindang ang lahat sa mga salitang nagmula sa aking bibig. Hindi ko maitatangging masyadong marahas ang paraan ng pagpapahayag ko ng aking damdamin ngunit hindi rin naman ikakailang tama ang aking nagawang pahayag.
Noon pa man ay tutol na ako sa pamumuno ng aking ama na naging sanhi ng hindi namin magandang ugnayan. Ang aking mga mungkahi ay tila mga salitang walang silbi kaya dapat nang ipagpaliban ayon sa kaniya.
Ramdam ko ang tensyon sa aming pagitan lalo na nang marahas niyang hinawakan ang aking braso. Ngunit hindi ako nagpatinag, pinantayan ko ang paraan ng pagtitig niya gamit ang galit na mga mata.
"Ang paraan ng iyong pag-iisip ay magdudulot ng sakit sa aking bayang pinamumunuan! Hindi ba puwedeng manahimik ka na lang at pagmasdang umunlad ang lugar na iyong tinatapakan?-"
"Anong klaseng pag-unlad ba ang inyong tinutukoy, ama? Ang bayan o ang palasyo?"
Doon siya natahimik at ramdam ko ang pagluwag ng kapit niya sa akin kaya doon ako nakahanap ng pagkakataong bawiin ito sa kaniya.
"Hindi mali ang paraan ng aking pag-iisip. Nakakalungkot mang isipin ngunit ang siyang mali rito ay ang pag-intindi at pang-unawa ninyo, Mahal na hari. Sapagkat ang siyang pinauunlad ay ang buhay ng mga mamamayang inyong pinamumunuan at hindi ang magagarang kasuotan ng mga tauhan sa palasyo at ang magagandang palamuting nakakalat sa bawat kwarto nito!" Nanggagalaiti kong saad.
"Biyena! Dalhin mo ang Mahal na prinsesa sa kaniyang silid at mukhang kailangan niya na ng pahinga. Ang mga salitang namumutawi sa kaniyang bibig ay lubhang nakapagbibigay sa akin ng sakit ng ulo! Totoong wala pa siyang nalalaman." Mahinahong sabi ng aking ama at saka ako tinalikuran.
Ipinilig ko ang aking ulo at mariing napapikit.
Matalino siya ngunit bakit ang punto ko ay hindi niya makuha?
"Kamahalan, handa na po ang inyong hapunan." Saad ng isa sa aking tagapagsilbi. Ang kaniyang mukha ay may bahid ng abo, marahil sa kaniyang pagluluto. Madungis siya at ang kasuotan ay napakarumi din.
Hindi ba't ang ganitong hitsura ay ipinagbabawal sa palasyo?
"Bakit nila hinahayaang magmukhang alipin ka sa aking harapan? Umalis ka na at palitan mo ang iyong kasuotan. Maligo ka at ayusin mo ang iyong mukha." Taas-noo kong sabi.
Bumukas ang pinto ng aking kwarto at bumungad doon ang nakangising punong tagapagsilbi. Nang dumapo ang tingin nito sa nakayukong babae ay agad tumikom ang kaniyang mga labi at gumuhit ang mga kulot na linya sa kaniyang noo.
"Magandang gabi, kamahalan." Bahagya din itong yumukod sa akin at matamis na ngumiti. "Ihahatid ko na po ba ang inyong pagkain? Marahil ay nagugutom na-"
"Hindi ako kakain."
"Pero kamahalan-"
Bago pa niya matapos ang kaniyang sasabihin ay sinamaan ko na agad ito ng tingin na nakapagpatahimik sa kaniya.
Tunay na mas mataas ang ranggo niya sa babaeng nasa kaniyang kaliwa kahit na halatang mas bata siya rito. Isinisigaw ng kanilang tindig ang agwat ng kanilang pamumuhay. Alam kong magaling mamuno ang aking ama. Ngunit bakit ganito ang nakikita ko sa aming mga tauhan? Hindi nila ako pinahihintulutang makalabas ng palasyo. Ano pa kaya ang nasa likod ng malaking harang nito? Ang mga taong nagdurusa? Ang mga batang namamalimos?
Agad tumagos ang sakit sa aking puso at ipinagsawalang bahala na ang isiping iyon.
Humigpit ang kapit ko sa aking Saya at itinaas ang tingin sa punong tagapagsilbi. "Gusto kong makausap ang babaeng ito. Ibalot mo ang mga pagkain at kapag ipinatawag kita ay nais kong dalhin mo iyon rito."

BINABASA MO ANG
Bond of Catastrophe
Ficción histórica"Gusto kong mahalin mo ang babaeng may mukhang walang pinagkaiba sa akin." Ramdam ko ang mababaw niyang paghinga at ang malalim na pinagmulan ng kaniyang matunog na halakhak. "Si Melca ba ang tinutukoy mo?" "Akala ko ba ika'y matalino? Hindi ko na...