Kabanata 11

19 10 0
                                        

Knew

"Mabuti at hindi mo na naisipang isama si Theresa?"

Napangiti ako sa bungad Antonio. Mas linakhan niya ang bukas ng pinto at inanyayahan ako papasok sa loob. Tatlong buwan nang ganito ang kaganapan sa buhay ko. Tatlong buwan na nang magsimula akong bumisita dito dalawang beses sa isang linggo. Siguro ay dapat ko ring pasalamatan ang tadhana sapgkat hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nahuhuli ng Mahal na Hari.

Sa bagay, hindi naman na niya ako magagawang alagaan sapagkat masyado siyang abala sa kaniyang mga gawain. Dumadami na ang problema ng bansa, at hindi pa rin kami nagkakausap matapos naming magsagutan noon. Alam kong masama pa rin ang loob niya sa akin at wala akong balak na humingi ng tawad dahil wala akong nakikitang ginawa kong mali.

Maliban sa ginagawa ko ngayon.

"Bakit hindi mo masabi ang mga bagay na iyan sa harap niya?" Humalakhak ako at pinagmasdan siyang abala sa pagsusulat ng kung ano.

Humakbang ako palapit sa kaniya at nanliliit ang mga mata habang sinisilip ang malaking bahagi ng papel at panulat na gamit niya. Umangat ang tingin nito sa akin at ipinakita na naman ang perpektong mga ngipin sapamamagitan ng isang matamis na ngiti habang itinatago mula sa akin ang kaniyang isinusulat.

Ngumuso ako at umupo sa kaniyang harap. Pumahalumbaba ako at sa halip ay ang mukha na lamang niya ang binigyang pansin. Mula sa malinis na pagkakagupit ng buhok, makapal na kilay, malantik na pilik, mapupungay na mga mata, matangos na ilong, maninipis at mala-rosas na labi, pababa sa kaniyang perpektong panga. Bakit ba ang lalaking ito ay napakaguwapo? Paano na lang kaya ang mga nagiging reaksiyon ng mga babae sa paaralang pinapasukan niya.

Napakunot ang noo ko sa naisip.

"Malaki pa rin ang respeto ko sa kaniya..." Ngumisi siya. "Tuwing nandito siya. At nawawala sa sandaling wala na siya." Humalakhak siya at sumulyap sa akin nang saglit.

"Hindi ko mawari kung ano ang dahilan." Parinig ko at pinigilan ang sariling ngumiti. Inilibot ko ang paningin sa kaniyang silid at muli na namang namangha sapagkat wala itong pinagbago. Sa aking silid ay halos isang linggo kung palitan ang bawat muwebles. Wala siguro siyang hilig sa mga ganoong bagay.

Napansin ko ang isang mabilis na pagsulyap niya sa akin ngunit agad ding nabali nang ibaba na naman niya ang paningin sa isinusulat. Ano bang mahalaga diyan sa bagay na iyan at hindi maagwat ang atensiyon niya?

"Kung ano ang iniisip mong dahilan, siguro'y iyon din ang nasa damdamin ko." Aniya at dinilaan ang pang-ibabang labi.

"Tatlong araw na ang lumipas simula noong huli kong pagbisita sa iyo, wala ka man lamang bang ibabalita sa akin?" Taas-kilay kong tanong.

"Maliban sa pangunguna kong muli sa klase, sa tingin ko ay wala na." Tumaas ang sulok ng labi nito at hindi man lamang ako tiningnan.

Kahit kailan talaga.

"Marami pa naman akong baong kuwento, ngunit abala ka sa bagay na iyan. Sa susunod na bisita ko na lamang siguro." Nakasimangot na sabi ko at pinaglaruan ng daliri ang dulo ng lamesa.

Nanatili siyang tahimik. Siguro ay hindi ko talaga siya makukumbinsing tigilan ang ginagawa at ako na lamang ang bigyang pansin. Sa isip ko ay nasampal ko ang sarili. Ano bang sinasabi ko? Sino nga ba ako para gawin iyon kay Antonio? Napailing ako. Nababaliw na siguro ako.

Hindi ko alam pero lumipas ang halos dalawang oras at hindi ako nababagot. Kuntento na ako sa pagtitig sa maamo niyang mukha habang gumuguhit ng mga linya at iba't-ibang hugis sa kaniyang maliit na lamesa gamit ang sariling daliri.

Hindi ko tuloy lubos maisip kung ano na lamang ang mangyayari sa oras na matapos na ang mga kahibangan kong ito. Paano na lamang kung isang araw ay mahuli ako ng aking Ama? Ano na lamang ang kahihinatnan ng pagtakas at pagnanais na makita siyang muli sa oras na tatapak na ako sa loob ng palasyo. Alam kong hindi magiging maganda ang bunga ng mga ginagawa ko ngayon, pero gusto ko pa rin ipagpatuloy. Hindi ko alam pero ang mga masasamang mangyayaring naglalaro sa isip ko ay wala akong pakealam. Ang nasa isip ko lamang ay handa akong harapin ano man ang dulot nito.

Bond of CatastropheTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon