Kayleen
Dumating si Steve kasama ang kapatid nyang si April. Sa tingin ko pinlano rin ito ni Lola Lusing na may pagka-matchmaker. Si April naman ay kabaliktaran ng kuya nya. Maingay sya at hindi mapakali sa upuan nya. Medyo magalaw sya at madalas nya akong nadadali ng siko o tuhod nya kapag magkatabi kami.
“Kayleen, gusto mo ba kantahan kita?” alok sa akin ni Steve habang hawak ang gitara nya.
Muntik ko nang ibuga sa kanya ang iniinom kong orange juice. Manghaharana na naman ba sya? Ang aga pa! Nag-isip ako ng mabilis na dahilan para tumanggi in a nice way. Pero nablanko ang utak ko nang makita ko na dumating si Ashton at umupo sa tapat ko.
Nandito kami ngayon sa garden ni Lola at pinapanood ang ilang kabayo sa malayo. Katabi ko sa upuan si April at umupo sa tapat nya si Steve. May malaking umbrella na nakatusok sa paikot naming lamesa.
Hindi ko napansin na nakatitig na pala ako kay Ashton kung hindi lang sya napatingin sa akin. Agad akong napatingin kay Steve na nakatingin din pala sa akin na mukhang naghihintay ng sagot.
“You play?” mukhang interesadong tanong ni Ashton kay Steve. Medyo naningkit ang mga mata ko, sa tono nya para syang natatawa o baka imahinasyon ko lang yon.
Sa buong buhay ko na nakikita si Ashton hindi naman sya mahilig ngumiti kahit na may okasyon. Pero kanina nang mabanggit si Steve at bigla syang ngumiti, alam ko na may gagawin syang kalokohan. Katulad nalang ng mga nangyari noon na prank sa mga kaklase namin ni Ashleen.
“Oo. Ikaw din?”
Hindi ko na nakita ang sagot ni Ashton dahil yumuko ako para i-text ang Ate nya. Narinig ko nalang ang magandang tugtog ng gitara. Napatingin ako kay Ashton. Saglit syang tumigil sa pagtugtog para ayusin ang strings.
“Medyo wala sa tono ang gitara mo,” komento nya habang inaayos ang higpit ng strings. “Matagal mo na ba tong hindi nagagamit?”
Gusto kong mapa-facepalm. Hindi Ashton, kakagamit lang nya nyan noong isang gabi nang haranahin nya ako. Pinapahiya nya si Steve nang hindi nya alam.
Umubo nalang si Steve at hindi na nagawang sumagot pa. Muling tumugtog si Ashton. Hindi pamilyar sa akin ang tugtog na yon pero maganda sa pandinig. Kahit walang kanta, mapapapikit ka habang nakikinig.
“Ang galing naman nya Kayleen!” bulong sa akin ni April na kumikislap ang mga mata. Hindi nya inaalis ang titig kay Ash habang bumubulong sa akin. “May girlfriend na ba yan?”
“Oo,” mabilis na sagot ko. Sabi nya yon kaninang umaga. Naalala ko naman ang text sa akin ni Ashleen noon na sabi ni Ashton ay wala pa raw itong girlfriend. Ano ba talaga ang totoo?
“Abay akala ko may himala at nakakatugtog na si Steve! Yun pala naman ay si Ashton ang nag-gigitara!” umiiling na komento ni Lola Lusing. Magkasama sila ni Lola na palapit sa amin at parehong nakangiti.
BINABASA MO ANG
Dear Future Boyfriend
RomancePublished by VIVA PSICOM <3 Now available in bookstores! *Kayleen's Story* Next book: Dear Ex-Boyfriend [Completed]