Chapter 2 ♡ Their Meeting

0 0 0
                                    


"One hundred, fifty lang po ang isang kilo niyan, ale. Tapat na po iyan. Sulit kayo diyan kasi napakatamis po ng mangga na iyan."

May pagdududang tiningnan ng mamimili ang hawak nitong malaking manggang hinog at sinipat-sipat iyon. Pagkatapos ay inamoy-amoy pa.

Pinanatili ni Nadia ang ngiti sa mga labi kahit na nakadama siya ng bahagyang inis. Ano ba ang akala nito sa tinda niyang prutas, pabango? Nakakapaghinayang lang kapag nalamog ang tinda niya. Malulugi siya.

"Sige, kukuha ako ng dalawang kilo nito."

Nawala ang inis niya at lumapad pa lalo ang ngiti niya sa sinabi ng babae. Agad siyang humablot ng isa sa mga nakasabit na plastic bag at inayos ang timbangan para makita nito iyon. Pumili ng ilang mangga ang mamimili at pinaglalagay iyon sa timbangan nang makontento ay nagbayad sa kanya ng doble sa presyong sinabi niya.

"Maraming salamat po! Sa uulitin!"

Masayang inisaksak niya ang kinita sa kanyang belt bag at naupo sa naroong silya at nagpaypay sa sarili gamit ang abaniko. Mainit na ang panahon dahil papalapit na ang tag-init. Ang bentilador na gamit niya sa prutasan ay nasira at wala pa si Toto na hinihintay niya para ayusin iyon.

Nahinto siya sa pagpapaypay sa sarili nang biglang tumunog ang kanyang tiyan. Saka niya naalalang tanghali na pala. Hindi pa siya kumakain. Ni hindi nga siya nakapag-almusal kaninang umaga dahil sa pagmamadaling mapuntahan at mabuksan ang kanyang fruit stand sa kahabaang iyon ng highway sa Lucena sa Quezon Province. Tinanghali kasi siya ng gising dahil napuyat siya nitong nagdaang gabi dahil nakipag-party siya sa mga kamag-anak na may anak na aalis patungong Hawaii para magtrabaho.

Gusto niya ring mag-abroad para mabigyan ng kaginhawaan ang kanyang amang sakitin at maipagpatuloy ni Toto, ang kaisa-isa niyang kapatid sa ama, ang pag-aaral nito sa kolehiyo. Hindi naman sila hikahos sa buhay, dahil kahit paano ay may maliit silang taniman ng prutas at gulay. Kaya lang, minsan ay inaabot rin sila ng kagipitan. Lalo na kapag may bagyo at nasasalanta ang kanilang taniman o kaya naman ay kapag dumarating ang mga bayarin nila sa bahay. Magastos din naman kasi magmantina ng farm, kahit pa maliit lang iyon. Idagdag pang sakitin nga ang kanyang ama at mahal ang mga gamot na iniinom nito.

"Ate, nananghali ka na?"

Napausal siya ng pasasalamat sa langit nang si Toto na ang nabungran niya. May dala itong basket ng pagkain at inumin."

"Hindi pa nga. Sakto naman na narito ka na. Baka naman puwedeng pakiayos ng bentilador? Ang init-init na ng panahon. At saka, bakit ngayon ka lang? Alas dose pasado na, ah?"

"May pinaayos kasing sirang ilaw si aling Pining sa akin, saka hinintay ko pang makakain muna ang tatay. Umalis si Auntie Lou." Ang kapatid ng kanilang ama na nakikitira sa kanila ang tinutukoy nito. Isa nang balo at may dalawang anak na kambal.

"Eh, sino'ng kasama ng tatay sa bahay?"

"Naroon naman si tata Efren."

"Si tata Efren na sabungero?!" Natampal niya ang kanyang noo. Isang malaking B.I. sa kanilang ama ang matandang Efren na isang talamak na sabungero. Malamang na buyuhin naman ng tinamaan ng magaling na matandang iyon na sumama sa sabungan ang kanyang ama. At ang kanyang magaling na ama naman ay dating sabungero, na nahinto lang sa bisyo nang atakehin ito ng sakit na hypertension. Binawalan na ito ng doktor at pinahinto na dahil may komplikasyon na ito sa puso. "Toto naman, nag-iisip ka ba?"

"No choice, ate, kundi ay hindi kita nahatiran ng tanghalian."

"Puwede ka naman mag-text, ah. At puwede naman akong kumain na lang sa karinderya."

"Hayaan mo, ate, babalik naman ako agad sa bahay. Dalhin ko na itong bentilador, doon ko na lang aayusin. Sabi na sa'yo bumili ka na ng bago."

"Wala nga akong budget. Alam mo namang marami tayong bayarin. Pagtiyagaan na lang muna natin iyan."

Isa-isa niyang inilabas sa basket ang pagkain. "Kumain ka na ba?"

"Tapos na, ate, sinabayan ko na si Tatay. Alis na ako."

"Sige, ingat. At pakibilisan, baka wala ka nang abutang tao sa bahay."

"Hindi iyan, ate."

Nasuspindi sa hangin ang pagkain na isusubo sana ni Nadia at nakakunot-noong tiningnan ang half-brother. "Ano'ng hindi?"

"Ni-lock ko ang gate sa labas." Ngumisi ito.

Napanganga siya, pagkaraan ay napabunghalit ng tawa. May kataasan ang gate nilang bakal, gayundin ang bakod na konkreto na nakapalibot sa buong bahay. Walang malalabasan ang dalawang matanda roon. "Ayos ka rin, 'To. Paano kapag nagka-emergency?"

"Itinago ko naman ang susi sa ilalim ng guwang ng punong santol sa makalabas ng gate, ate."

Muli siyang tumawa. "Sige na, uwi ka na. Mas mapapanatag ako kapag ikaw ang naroon kaysa si tata Efren."

"Sige, ate. Ikaw rin, ingat sa mga balasubas dito."

"Oo naman. Ako pa!"

Lumabas na si Toto at hindi na niya narinig ang sinabi nito nang may pumarang metallic silver na sports car sa tapat ng kanyang tindahan. Ipinagkrus niya ang kanyang dalawang daliri, umaasa siyang sana ay bumili ng kanyang mga tindang prutas ang sinumang may-ari ng magarang kotse.

Tinakpan niya muna ang mga plastic wares na kinalalagyan ng pagkain para harapin ang sinumang lalabas sa sasakyan. Nakita niyang bumukas ang bintana ng driver's seat na nakatapat sa kanyang puwesto at bahagyang inilabas ng driver ang ulo nito roon.

"Miss, magkano ba ang kilo niyang mga lansones?"

Sinabi niya sa driver ang presyo. "Kukuha kayo, manong? Ilang kilo po ba?"

Umalis ang matandang driver sa pagkakadukwang sa bukas na bintana at may kinausap sa loob. "Tatlong kilo daw, miss. Samahan mo na rin ng dalawang kilo ng mangga at tatlong piling ng saging na saba."

Wow!

Abot tainga ang kanyang ngiti habang inaasikaso ang pagtitimbang at pagsusupot ng mga prutas. Jackpot ang benta niya ngayon. Iniabot niya sa driver ang mga nakasupot nang mga prutas habang iniaabot naman nito sa kanya ang dalawang lilibuhing pera bilang bayad. "Maraming salamat po, manong! Pagpalain nawa kayo."

"Salamat, pero hindi ako ang bumili niyan, ineng."

"Kahit na po. God bless you pa rin, at kay boss mo po."

"Thank you, miss."

Na-freeze ang kamay niyang mag-aabot sana ng sukli sa matanda nang marinig ang malamig, buo at malalim na tinig na iyon ng isang lalaki. Awang ang bibig na tiningnan niya ito nang buksan din nito ang bintana sa gawi nito sa backseat.

The baritone voice suits the owner so fine. Dahil kagaya ng para sa kanya ay guwapong tinig na iyon, ay guwapo rin ang may-ari.

Hindi lang guwapo.

Kundi ay guwapong-guwapo!

Please vote.

Can't Stop This Thing We Started [On Hold]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon