13

610 19 1
                                    

“TALAGA bang okay lang sa 'yong samahan ako ngayon sa pag-go-grocery ko? Hindi ba dapat nagpapahinga ka o natutulog dahil napuyat ka kagabi sa naging gig n'yo?” ani Sunny kay Jordan, na kasama niya no’n sa grocery store.

    Paalis na siya ng bahay no’n para sa weekly grocery niya ng kanilang food stocks sa bahay nang tumawag ang binata dahil naghahanap daw ito ng inspirasyon, gustuhin man sana niyang makipagkuwentuhan dito kaya lang ay may pupuntahan pa siya at nang masabi nga niya sa lalaki na may lakad siya at agad itong nag-volunteer na ipag-drive siya, nakilala tuloy nito ang ate Summer niya, nang ma-curious ang kapatid sa sundo niya.

    Infairness, naka-plus pogi points ito sa ate niya dahil mukha daw gentleman at mabait, kaya mabilis niyang itinama ang lahat—na magkaibigan lang sila ng binata at wala pa sila sa stage na kailangan nitong magpa-pogi sa sinumang miyembro ng kanilang pamilya.

    “Bored na bored ako sa condo, at madalas akong hindi agad dalawin ng antok kaya mas mabuti na itong kasama kita para mas ma-inspire ako,” nakangiting sabi nito. “Hindi ko pa pala nasasabi sa 'yo na tapos ko nang isulat 'yong lyrics ng melody na ipinadinig ko sa 'yo no’ng huli.” Anito na ikinatuwa naman niya.

    “I need to hear the whole song then,” nakangiting sabi niya.

    “I’ll invite you in my condo-slash-recording studio some time, ipo-polish ko munang mabuti.” Nakangiting sabi nito na tinanguan niya.

    Habang naglalakad sila at tulak-tulak ni Jordan ang pushcart nila ay may ilang mga kababaihan ang napapalingon sa kasama niyang lalaki, mukhang kilala nila ang kasama niyang lalaki, sabagay ay ilang beses na ring lumabas ito sa TV kasama ng banda nito at nanalo sa mga song composition contest sa TV dagdag pa na napaka-attention-seeker ng kaguwapuhan nito.

    Kung paguwapuhan ang usapan ay daig na daig ni Jordan si Zeus, kaso mas malakas ang dating ng ex niya, hindi naman siya unfair pagdating sa usaping papuri kahit ex na niya ang binata.

    “Saka okay lang ba na kasama mo ako ngayon? Baka mamaya may fangirls ka na biglang ma-disappoint dahil may ibang babae kang kasama—” hindi niya naituloy ang sasabihin nang bigla na lang nitong hinawakan ang isang kamay niya, na ikinagulat niya at pilit na binabawi ngunit hindi ito pumayag, kaya habang tulak-tulak ni Jordan ng kanang kamay nito ang cart ay hawak nitong sa kaliwang kamay nito ang kamay niya.

    Nahihiya at naiilang man siya sa nagaganap sa kanya ay wala siyang magawa dahil nagmamatigas ang binata na hindi siya pakawalan. Ang weird dahil ang sweet nito sa kanya ngunit wala naman itong sinasabi patungkol sa nararamdaman nito para sa kanya. Baka mamaya ay ma-friendzone lang siya nito sa huli, kaya dapat ay mag-iingat siyang huwag ma-fall dito dahil mahirap nang maging nga-nga sa huli.

    “Pinagtitinginan tayo ng mga tao.” Aniya. Kinuha ni Jordan ang listahan niya ng mga bibilhin at ito ang naglalagay ng mga items sa cart habang hawak pa rin nito ang kamay niya. Multi-tasking nga ang right hand nito dahil tagatulak at tagakuha ng items na bibilhin. Pinilit uli niyang bawiin ang kamay ngunit nagmamatigas pa rin ito, kaya hinayaan na lang niya.

    “Don’t mind them,” nakangiting sagot lang ni Jordan sa kanya.

    Nang may madaanan silang free taste ng isang brand ng hotdog ay tumigil sila doon at mabilis kumuha si Jordan para subuan siya, nahihiya siyang tanggapin 'yon dahil nakatingin ang lahat ng mga taong nandoon, feeling pa nga niya 'yong iba ay kinukuhanan sila ni Jordan ng picture. Ngunit hindi inalis ng binata ang nakaumang na hotdog kaya sa huli ay kinain din niya—nagulat pa siya nang magpalakpakan ang mga tao. Natawa sila ni Jordan. Umungot ang mga tao na siya din daw ang magsubo sa binata, kaya sinubuan din niya ito. Pagkatapos n'yon ay mabilis niya itong hinila palayo doon para ipagpatuloy ang pag-go-grocery.

    Nasa cashier na sila no’n nang may pamilyar na boses ang tumawag sa pangalan ni Jordan, nang sabay silang lumingon ng binata ay nakita nilang si Zeus 'yon na may kasamang sexy at magandang babae—iba ito sa babaeng kasama nito sa condo nang huli siyang magpunta doon para makipagbalikan sa lalaki. Certified womanizer, really! Naiiling na sabi niya!

At lintik na puso dahil mabilis na naman itong nag-react sa pagkakasilay niya sa mukha ng lalaking hindi niya gustong makita. Oo at nakapag-move on na siya pero ayaw pa niyang makita ito—basta!

Nagtataka ang hitsura ni Zeus kung bakit sila magkasama, ngunit hindi nila kailangang magpaliwanag ni Jordan at wala na itong pakialam doon—dapat ay sa babaeng kasama na lang nito ito mag-focus hindi sa love life ng iba. Love life? May love story ba kayo ni Jordan? Anang isip niya na ikinailing na lang niya.

    “Magkasama pala kayo ni Sunny,” ani Zeus, na tinanguan ni Jordan.

    “Kailangang mag-start ang araw ko nang maganda, kaya 'eto at may kasama akong maganda.” Sagot ni Jordan sa kaibigan nito, na tipid niyang ikinangiti. He’s a sweet-talker!

    “Maganda? Saan banda?” ani Zeus, na luminga-linga pa sa paligid saka nadako ang tingin nito sa kasama nitong babae. “Catriona here is my companion, paano mag-start ang araw mo ng maganda?” nakangiting sabi ni Zeus, saka bumaling sa kanya kaya inirapan niya ito.

    Para kasing sinasabi nitong hindi siya maganda at ang sinabi nitong Catriona lang ang maganda nang mga sandaling 'yon. Gusto tuloy niyang sapakin na lang ito sa mukha!

Umiling si Jordan at ipinalagay nitong joke ang sinabi ng kaibigan. “Of course, I was talking about my very lovely friend with me, Sunny.” Anito.

    “Of course,” tipid lang na sagot ni Zeus, nang muling magtagpo ang kanilang mga mata ay nag-iwas siya ng tingin dahil baka mairapan lang uli niya ito.

My Dearest Ex (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon