Mahigpit ang pagkakahawak sa remote habang tuloy-tuloy ang paglandas ng mga luha sa kaniyang pisngi. Ramdam na ramdam ang kirot ng isang pusong nagdurusa. Kakatapos lamang ipalabas ang ulat ukol sa kasalan ng isang tanyag na negosyante at isang sikat na aktres sa showbiz segment ng TV Patrol.
Hindi pa rin nagsi-sink in ang lahat. Kahit may pruweba na, ayaw pa rin maniwala ng kaniyang puso at isipan.
"Mahal niya ako, eh! Alam ko 'yun, dama ko 'yun!" bulong niya sa sarili habang pilit pinipigilan ang pag-apaw ng emosyon.
"Baka naman fake news lang. Baka naman ginugood-time lang niya ako?" Napapaisip siya, pilit hinahanap ang kahit anong dahilan para kontrahin ang nakikita.
Pero sobra naman yata kung panggu-good-time lang ito. Kailangan bang ipalabas pa sa telebisyon?
Hindi maalis sa kaniyang utak ang ngiti na nakita niya sa labi ng lalaki habang kinukumpirma ang balita sa harap ng media. Ang klase ng ngiting alam na alam niyang eksklusibo para sa kaniya noon. Ang ngiting iyon ang nagbibigay-kasiyahan sa kaniya noon, lalo na kapag magkasama sila. Ngunit ngayon, tila masaya pa itong ibalita sa buong mundo na ikakasal na ito.
"Paano ako?" Mahinang tanong niya sa hangin.
Ang sakit ay tila sumasabog sa kaniyang dibdib. Parang pinupunit ang bawat himaymay ng puso niya.
"Putang-ina niya! Pa'no niya nagawa sa akin 'to?" Halos maubos ang kaniyang boses sa kahahagulhol. Daig pa niya ang batang naagawan ng paboritong laruan. Hindi niya mawari kung paano haharapin ang sitwasyon.
"Bakit?" paulit-ulit niyang tanong sa sarili.
Hindi niya maintindihan kung kailan nagsimula ang lahat. Kailan ba siya nanlamig? Akala niya noong una, baka napagod lang ito sa trabaho. Baka stress lang. Baka inaantok. Kaya nirespeto niya ito. Ilang beses na rin siyang lihim na umiyak dahil ramdam niyang iba na ang trato nito sa kaniya. Ang lalaking nangako sa kaniya na siya lang ang mamahalin. Ang lalaking kahit suplado ay marunong magpakita ng tunay na pagmamahal. Pero ngayon, parang estranghero na ito sa kaniya.
Nagulat siya nang makarinig ng busina. Alam niyang dumating na ito. Kaya kahit lugmok siya sa sakit, pinilit niyang tumayo at inayos ang sarili. Pilit niyang tinakpan ang bakas ng pag-iyak sa mukha. Kailangan niyang magmukhang okey, kahit obvious namang hindi.
Pahid-pahid ang kaniyang mga luha habang nagmamadaling tinungo ang pintuan. Nang mabuksan niya iyon, bumungad ang taong lubos niyang minamahal. Ang taong naging mundo niya. Ngunit ngayon, ang parehong taong nagpawasak sa mundong iyon. Sinikap niyang pigilin ang kaniyang luha.
"Kamusta?" tanong niya na may pilit na ngiti sa labi.
Walang sagot. Tanging blankong tingin lang ang ibinigay nito. Inaya na lamang niya ito sa loob.
"Kumain ka na ba?" tanong niya ulit.
"Hindi pa," malamig na tugon nito habang tinatanggal ang kurbata.
"Ako na," sabi niya at siya na ang nagtanggal nito. Tinulungan niya rin itong magpalit ng damit at pagkatapos ay pinaghain ng pagkain. Parang normal lang ang lahat, parang walang malaking balitang lumabas kanina.
Habang kumakain ito, abala siya sa pag-aasikaso ng kusina. Ngunit matapos nito, naupo siya sa gilid at palihim na tinignan ang lalaki. Abala ito sa paglipat ng mga channel sa telebisyon, halatang wala itong mapanood na maayos. Samantala, siya naman ay patuloy na lumuluha nang tahimik. Pilit niyang itinatago ang sakit na dinadala.
Alas-nuwebe na ng gabi. Handa na sana siyang matulog ngunit nadatnan niyang nakaharap ito sa laptop. Mukhang may kausap. At ang ngiti nito? Alam na alam niya kung para kanino.
"A-aaah... L-love," nahihiya niyang tawag dito. Hindi niya kayang ituloy ang sasabihin.
Agad nitong sinara ang laptop, halatang nabigla.
"G-gusto ko lang sanang pag-usapan 'yung nasa bal---" Hindi na niya natuloy ang sasabihin.
"Wag na muna natin pag-usapan 'yan," malamig nitong tugon.
Hindi niya alam kung paano uumpisahan ang usapan. Pero kailangan na niyang malaman ang totoo. Deserve niya iyon.
"Totoo bang ikakasal ka na?" diretsong tanong niya.
Katahimikan. Ba't hindi siya sinasagot?
"I see," mahina niyang sagot. Alam na niya ang sagot sa tanong niya.
"Kailan pa?" tanong niya ulit. Tanging pagtitig lamang ang nakuha niya bilang sagot.
"Seven years na tayo, Zee. Siguro naman deserve kong malaman ang totoo, 'di ba?"
Napabuntong-hininga ito bago sumagot. "Nakaplano na ito seven years ago pa."
Hindi siya makapaniwala. "So seven years mo na rin siyang kilala?" tanong niya, na sinagot lamang nito ng tango.
"Akala ko ba okey tayo sa parents mo?" pilit niyang intindihin ang sitwasyon.
"Hinayaan ni Dad ang relasyon natin kasi akala niya maghihiwalay tayo. Pero ngayon, gusto na niya itong kasalan para sa kumpanya."
Tumango na lang siya, pilit inuunawa ang paliwanag. Ngunit may kailangan pa siyang malaman.
"Ikaw ba... gusto mo bang ikasal sa kaniya?"
Hindi ito tumingin sa kaniya. "Hindi ko alam," sagot nito.
"Anong hindi mo alam? Kung ayaw mo, hindi ka naman nila mapipilit, 'di ba?" hindi niya na napigilan ang pagtulo ng kaniyang luha.
Tahimik lang itong nakatingin sa kaniya. Hindi man ito sumagot, alam na niya ang sagot.
Napaupo siya sa sahig, tuluyang binalot ng emosyon. Sakit na hindi maipaliwanag.
Nang mahimasmasan ng kaunti, tumayo siya at inayos ang sarili. "Matutulog na ako," sabi niya, sabay talikod.
Ngunit bago siya tuluyang lumabas, binalingan niya ito. "Congratulations. Sana maging masaya ka sa kasal mo," sabi niya at tuluyang lumabas ng silid.
Hindi niya alam ang gagawin. Parang pinagsakluban siya ng langit at lupa. Sa loob ng pitong taon, sa kaniya umikot ang mundo niya. Ang buong buhay niya ay nakatuon sa lalaki. Pero ngayon? May iba na ito. Mahal na rin nito ang iba.
"Sana panaginip lang lahat ng ito," bulong niya. Ngunit alam niyang hindi. Ito ang masakit na katotohanan.
Sa huli, napunta siya sa banyo. Napuno ng malamig na tubig ang bathtub. Isa-isang bumalik sa kaniyang alaala ang masasayang sandali nilang dalawa. Ngunit ngayon, tila naglaho na lahat ng iyon.
Habang patuloy na lumulubog ang kaniyang katawan sa tubig, pumatak ang huling luha. Umaasa na sana, matapos na rin ang sakit.
"Ayoko na... Ayoko na..." Ito ang huling bulong niya bago tuluyang magpaubaya sa dilim.

BINABASA MO ANG
Ikaw Parin Pala
RomanceSi Lee, sa hindi inaasahang twist ng buhay, ay bumalik sa nakaraan-isang chance para ayusin ang mga pagkakamali at baka sakaling maibalik ang mga nawala. Pero habang binabalikan niya ang mga alaala ng barkadahan, kilig, at heartbreak, nare-realize n...