"Mr. Moran, pwede ka bang magpunta rito sa faculty office pagkatapos ng klase?" tanong ni Prof. Peranil habang inaayos ang mga papel niya sa mesa.
Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Ano na naman 'to? Lagot na talaga ako.
"Opo, Ma'am," sagot ko nang halos pabulong. Kitang-kita sa mukha ng mga kaklase ko ang mga ngisi nila. Siguradong pinagpipiyestahan na naman ako sa utak nila.
Pagkatapos ng klase, nagmadali akong pumunta sa faculty room. Habang naglalakad, hindi ko maiwasang mag-isip. Ano kayang sasabihin ni Ma'am? Baka pinagtatawanan niya ako dahil sa Mariah moment ko kanina?
Pagdating ko sa faculty room, kumatok ako nang mahina.
"Pasok," sagot ni Ma'am Peranil mula sa loob.
Pumasok ako at agad siyang ngumiti sa akin. Medyo nakahinga ako ng kaunti. Mukhang hindi naman galit si Ma'am.
"Umupo ka, Lee," sabi niya habang itinuturo ang upuan sa harap ng kanyang desk. Sumunod naman ako.
"Alam mo, Lee, magaling kang kumanta," bungad niya.
Napatigil ako. Ha?! Tama ba ang narinig ko?
"Ah... Ma'am, seryoso po ba kayo?" tanong ko, naniniguro kung ako ba talaga ang kausap niya.
Ngumiti siya at tumango. "Narinig kita kanina. Hindi man perpekto, pero ramdam ko ang emosyon sa boses mo. At 'yan ang mas mahalaga."
Bigla akong nahiya. Hindi ko alam kung matutuwa o lulubog na lang sa upuan.
"Gusto kitang imbitahan bilang stage singer para sa acquaintance party. Kailangan natin ng isang espesyal na performance para magpasimula ng programa," diretsong sabi niya.
WHAT?! Ako? Stage singer?
"Ma'am, baka po nagkakamali kayo. Ang dami pong mas magaling sa klase namin. Si Jennie po, magaling din kumanta," agad kong sagot, pilit na iniiwas ang sarili.
Umiling si Ma'am. "Hindi ito tungkol sa pagiging pinakamagaling, Lee. Gusto ko ng authentic na performance. At alam kong kaya mo 'yun."
"Pero Ma'am, hindi ko po alam kung kaya ko..."
"Lee, minsan lang dumating ang ganitong oportunidad. Hindi ka nila tatawanan. Sa halip, ma-inspire mo pa sila," sabi niya nang puno ng kumpiyansa.
Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Sa isip-isip ko, kaya ko ba talaga? Pero sa kabilang banda, parang gusto kong subukan.
"Bibigyan kita ng oras para magdesisyon," dagdag niya. "Sabihan mo ako bukas kung tatanggapin mo."
Tumango ako, kahit medyo naguguluhan pa rin. "Sige po, Ma'am. Salamat po."
Paglabas ko ng faculty room, parang may sumabog na kanyon sa utak ko.
Ako? Stage singer? Sa harap ng buong school? Oh my gosh.
Habang naglalakad ako pauwi, biglang sumulpot si Jennie.
"Uy, baks! Anong sinabi ni Prof? Pinagalitan ka ba?" tanong niya, sabay kurot sa braso ko.
"Hindi naman," sagot ko, umiwas ng tingin.
"Eh, anong nangyari? Spill the tea!"
Napabuntong-hininga ako. "Sabi niya, gusto niya akong maging stage singer sa acquaintance party."
Halos mabilaukan si Jennie sa iniinom niyang juice. "HA?! Anong sinabi mo?!"
"Wala pa. Pinag-iisipan ko pa," sagot ko, napakamot sa ulo.
"Hala, baks! Tanggapin mo na! This is your moment!"
"Eh, nakakahiya kaya! Baka pagtawanan lang ako ng mga tao."
"Baks, hindi ka nila pagtatawanan! Hello, narinig ko na ang boses mo. Kung ako lang ang judge, perfect score ka na!"
Natawa ako nang mahina. Pero sa kabila ng mga biro niya, naramdaman ko ang sincerity sa boses ni Jennie.
"Basta isipin mo nang mabuti, ha? Pero kung ako sa'yo, GO!" dagdag niya.
Habang nakahiga ako sa kama kinagabihan, paulit-ulit kong iniisip ang sinabi ni Prof at ni Jennie.
Ito na ba 'yung chance ko para magbago ang takbo ng buhay ko?
Pero paano kung magkamali ako? Paano kung mapahiya lang ako?
Kinuha ko ang iPod ko at pinatugtog ang Butterfly ni Mariah Carey.
"Spread your wings and prepare to fly..."
Bigla akong napangiti. Siguro, ito na 'yun. Panahon na para magtiwala sa sarili ko.
Kinabukasan
Pagdating ko sa school, tahimik akong naglakad papunta sa classroom. Ngunit sa isang sulok ng hallway, may pamilyar na presensya akong naramdaman—si Zee.
Nakatayo siya malapit sa pinto, hawak ang bag niya. Para bang may inaabangan. Nang magtama ang tingin namin, nag-iba ang ekspresyon ng mukha niya. Napalitan ito ng ngiti na parang sabik siyang makipag-usap.
"Lee," tawag niya, habang unti-unting lumapit.
Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi pwede. Hindi ako pwedeng magpaka-awkward. Kailangan kong umiwas.
Kaya bago pa siya makalapit nang husto, tumalikod ako at naglakad nang mabilis sa kabilang direksyon.
"Lee, sandali lang!" tawag niya ulit, pero nagpatuloy lang ako sa paglalakad, kunwari hindi ko siya narinig.
Bakit ba ang kulit niya? Hindi ba niya gets na iniiwasan ko siya?
Pagdating ko sa kabilang hallway, sumandal ako sa pader at pilit na pinakalma ang sarili. Bakit parang sinusundan ako ng mga alaala ng nakaraan? Hindi ba't bumalik ako para baguhin ang lahat ng sakit na iyon? Hindi pwedeng masira ang plano ko. Hindi ko na kayang masaktan ulit.
Nang makarating ako sa classroom, umupo agad ako sa aking upuan at kinuha ang mga libro para magkunwaring busy. Ilang minuto ang lumipas bago dumating si Jennie.
"Baks, parang hinahabol ka ng aswang. Anong nangyari?" tanong niya habang pinapahangin ang sarili gamit ang folder niya.
"Wala. May hinahanap lang akong libro sa library," sagot ko, pilit na iniiwas ang usapan.
Ngunit alam kong hindi siya naniniwala. "Hmm, kung ayaw mong magkwento, bahala ka. Pero mukha kang stressed, ha."
Napabuntong-hininga ako. Hindi ko pa kayang sabihin kahit kanino ang totoo. Basta ang alam ko, kailangan kong iwasan si Zee. Kahit ano pang mangyari, hindi pwedeng bumalik ang sakit ng nakaraan.
Ngayon, mas lalong malinaw sa akin na kailangan kong tanggapin ang hamon ni Prof. Peranil. Siguro, ito na ang paraan para makapag-focus ako sa sarili ko at makalimutan ang lahat ng gulo.
"Baks, pupunta ako kay Prof mamaya," bigla kong sabi kay Jennie.
"Ha? Bakit?" tanong niya.
"Tatanggapin ko na ang offer niya. Stage singer na ako sa acquaintance party."
Napangiti si Jennie nang malaki. "YES! Alam kong hindi mo ako bibiguin! Go, baks!"

BINABASA MO ANG
Ikaw Parin Pala
RomanceSi Lee, sa hindi inaasahang twist ng buhay, ay bumalik sa nakaraan-isang chance para ayusin ang mga pagkakamali at baka sakaling maibalik ang mga nawala. Pero habang binabalikan niya ang mga alaala ng barkadahan, kilig, at heartbreak, nare-realize n...