Sa buhay ng tao, walang nakakaalam ng daan na
eksakto, pero tiyak maraming lilikuang kanto, pasikot-
sikot, pabalik-balik. Minsan nakakasawa , at
nakakaubos ng pasensya. Madali lang naman sumuko,
huminto, at wag nang dumiretso. Pero ano pa' t
nabuhay sa mundo na hindi man lang nahanap ang
dahilan kung bakit andito?
Marahil nawawalan na ng pag-asa, dahil puro na
lamang masama ang naibabalita. Marahil isa sa mga
gusto na lamang maglaho dahil marami na ang nag-
aasal barbaro. Unti-unti nang nilalamon ng ilusyon ang
mga tao. Nabubulag sa makamundong pagnanasa at
gawain. Hanggang sa magkakaaway na ang tingin .
Pero hindi dapat ganito, hindi tayo inilagay dito para
mag-umpisa ng gulo. Hindi ginawa para makidigma,
hindi ginawa para gumawa ng masama. Hindi tayo
binuhay para pumatay dahil hindi tayo papatay para
mabuhay.
Bakit nga ba tayo nabuhay kung tayo rin ay
mamamatay?
Kung hindi mahanap ang kasagutan, kaya buhay ay
inaayawan hindi iyan dahilan para magpakagago,
malulong sa bisyo, at parusahan ang mga nasa paligid
at higit pa ay ang sarili. Kung walang magagawa, wag
sisihin ang tadhana. Sa ayaw mo man o sa hindi, tao
na. Hindi na pwedeng ibalik sa sinapupunan ng ina.
Walang kasiguraduhan kung ilang beses bang
mabubuhay, wala pa namang bumabalik sa mga
namatay. Andyan na iyan, andyan na ang buhay.
Pwedeng hintayin na mamatay na lang,
magpakamatay na lang, o bigyan ng saysay ang
buhay. Dahil hindi naman pwedeng magreklamo na
sana hindi muna isinilang, dahil sa hindi pa handa.
Sino nga ba ang naging handa? Wag tayong umastang
biktima, dahil sa una lahat tayo'y biktima. Sa mga
panahon na wala pang ideya kung bakit ba humihinga.
Pero sa sandaling malaman na ang buhay ay may
halaga, na hindi lang tayo basta-bastang nilikha para
kumita ng pera at makalamang sa kapwa, tayo mismo
ang magsasabi na Dakila nga ang Dakilang Lumikha.
Buksan ang mga mata, nabuhay hindi para sa iba,
hindi para magparami ng pera, at maging kilala.
Nabuhay tayo para sa Kanya. Siya ang dapat na unang
hinahanap, Siya ang unang kinikilala, nasa Kanya ang
mga kasagutan, para sa ikapapayapa ng isipan.
Kasikatan, kayamanan, katanyagan lahat nang iyan ay
mababalewala kung hindi pupunan ang puwang sa
puso na tanging Panginoon lamang ang makabubuo.
Hindi ba nakapagtataka kung bakit marami ngayon ay
nasa dilim at nangangapa? Kung bakit marami ang
nawawala, hinahanap ang kung anong bagay na sa
tingin nila ay magpapakumpleto sa kanila? Kasi lahat
ay hinarap na nila pero lang ang isa. Lahat nakilala na
nila pero lang ang isa. Lahat maliban sa Diyos Ama.
YOU ARE READING
Spoken Word Poetry
PoésieNever Cry For The Person Who Dosen't Know The Value Of Your Tears Sana Po Magustuhan Nyo..