Chapter One

11.3K 143 11
                                    

"Shit, Lalah! You messed up again," naiiritang wika ni Lalah habang nilakakad ang sidewalk sa loob ng subdivision na tinitirhan niya.

Huminga siya nang malalim at tiningnan ang langit. Napasimangot siya nang makitang bilog na bilog ang buwan. Kaya naman pala minalas siya ngayong gabi. Ang sabi pa naman ng matatanda, huwag na huwag lalabas ng bahay kapag ganyan na full moon.

"Kasalanan mo lahat ng ito eh!" bulalas niya habang itinuturo ang buwan.

Mukha lang siguro siyang tanga sa pagkausap sa sarili pero kailangan niyang ilabas ang mga hinaing niya. At ang nananahimik na buwan sa langit ang ginawa niyang shock-absorber sa mga kamalasang natanggap niya ngayong gabi.

Kagagaling lang ni Lalah sa isang dinner date kay Gregorio, isa sa mga engineers ng Avant Architectures kung saan siya nagtatrabaho. Gwapo si Gregorio at magaling na engineer. Nagulat pa siya nang yayain siya nito na makipag-date kahapon. Dahil good catch si Gregorio, hindi na siya nagpakiyeme at pumayag siya agad.

Kaya lang nga ay minalas na naman siya. Mukhang naturn-off pa ata ang lalaki sa kanya.

Paano ay napagkamalan niyang soup ang tubig na nasa mangkok na inihain sa kanya ng waiter. Nagpapaka-poised pa naman siya sa paghigop no'n gamit ang isa sa napakaraming kutsara na nasa lamesa. Iyon naman pala ay hugasan iyon ng kamay. 'Di bale din sana kung doon lang natapos ang lahat. Pero natabig pa niya ang bowl ng soup sa mesa at tumapon iyon lahat sa damit ni Gregorio. Natilapid pa ito nang hindi sinasadyang naiharang ni Lalaht ang paa niya sa daraanan nito. Subsob ang mukha ni Gregorio sa carpet ng five-star restaurant. Nang ihatid tuloy siya ng lalaki pauwi ay ibinaba na lang siya sa gate ng subdivision nila.

"Argh!" Na-pu-frustrate na tinampal-tampal ni Lalah ng dalawang kamay ang mukha niya. Pakiramdam niya ay namumula na 'yon. "Lalah, if you keep doing this, you will really end up all alone."

Hindi iyon ang unang beses na nangyari sa kanya iyon. Kapag may nagyayayang makipagdate sa kanya ay puro kapalpakan ang mga pinaggagagawa niya. Tulad na lang noong date niya na isinama siya sa masquerade party. Ang pakarinig niya ang costume party ang dadaluhan niya. Nagsuot pa naman siya ng Wonder Woman costume at feel na feel pa naman niya ang kasexy-han niya.

For some reason, kapag pumupunta si Lalah sa date ay kinakabahan siya. Iyon siguro ang resulta ng pagiging loner niya noong kabataan niya. Hindi siya nabiyayaan ng mataas ng EQ. Mas gusto pa niyang nagpapaka-buro sa mga libro niya kaysa makipag-inuman sa mga blockmates niya noon sa college. Kaya tuloy ang nangyari, napaka-awkward ng lahat ng may kinalaman sa pakikipagdate at pakikipag-landian para sa kanya.

Nang makarating si Lalah sa tapat ng gate ng bahay nila ay sandali siyang tumigil at nagdasal. Sana ay hindi gising ang nanay niya. Siguradong magtatanong iyon sa kanya kung ano'ng nangyari sa date niya. At kapag sinabi na naman niyang palpak ay baka mabatukan na siyang talaga at tuluyan nang itakwil sa pamilya.

Sa inis niy Lalah ay sinipa niya nang malakas ang medyo malaking bato sa harap niya.

"Palpak. Palpak ka na naman kahit kailan, Lalah!" she muttered irritatingly.

"Aray! Sino'ng bumato sa'kin?"

Kunot-noong napalingon si Lalah sa bahay na nakatayo sa tabi ng bahay nila. Pilit niyang inaaninag sa dilim kung saan nagmula ang tinig.

"Delilah Abad, hindi mo ba ako nakikita?"

Ergh...

More or less ay alam na ni Lalah kung sino ang nagsalita. Kapag ganoon na tinatawag na siya sa buo niyang pangalan ay nahuhulaan na niya kung kanino nanggaling ang tinig.

Hindi nga siya nagkamali. Ilang segundo pa ay lumitaw mula sa gilid ng bahay ang isang gwapo at matangkad na lalaki. Tumayo ito sa tapat ng gate ng bahay nito habang nagkakamot ng ulo. Nakasabit sa leeg ng lalaki ang malaking headphone. Hinihilot nito ang nasaktang noo habang nakasimangot na nakatingin sa kanya.

Napasimangot si Lalah nang matitigan nang husto ang lalaki. It was Samson Arevalo, her longtime enemy.

Si Sam ay ang nag-iisang anak na lalaki ng kapitbahay nila at ang kaisa-isang lalaki sa buong mundo na ipinanganak para sirain ang buhay niya.

Kung tutuusin, mas dapat nga ay close sila ni Sam dahil magkapareho sila ng kaarawan. Pareho din sila ng birthplace at time of birth. Sabi ng mga magulang niya ay magkatabi daw silang dalawa sa incubator. Kaya naman natanggap nilang dalawa ang pangalang dahilan para walang tigil niyang isumpa ang mga magulang – Samson and Delilah.

Pero may mga tao ata talaga sa mundo na itinadhanang maging mortal na magkaaway. Dahil sa kalunos-lunos na pangalan niya ay hindi na siya nakaalis sa anino ni Sam sa loob ng tatlumpung taon ng buhay niya. Para silang reincarnation ng dalawang magkalabang tribu noong unang panahon sa Tsina. Tuwing nakikita niya ito ay gustong-gusto niyang tirisin ito para mawala na ito sa balat ng lupa. Si Sam naman ay wala nang ginawa kundi mang-asar sa kanya. Hindi nakakatulong na sa isang kumpanya sila nagtratrabaho.

Well, that was not always the case between them. There was a time in her life when she thought that they were meant for each other. Samson and Delilah – even their names were inseparable throughout the pages of the Bible. Kung hindi lang sana nangyari ang isang kasaklap-saklap na pangyayari noong Grade Five siya, baka mas maayos pa ang trato nila sa isa't isa.

Ikiniling ni Lalah ang ulo. Hindi ito ang tamang panahon para magbalik-tanaw sa nakaraan.

Binalingan niya si Sam.

"Ano kasing ginagawa mo diyan sa dilim?" asar na sabi niya. Marahil ay dito tumama ang bato na sinipa niya kani-kanina lang. Kung alam lang niya, sana pala ay mas malaking bato pa ang sinipa niya.

Itinaas ni Sam ang kamay at ipinakita sa kanya ang Walkman na hawak nito. Napangiwi siya. 21st Century na pero Walkman pa rin ang pinapakinggan ni Sam.

"Tahimik ako'ng nakikinig dito. Bigla-bigla kang nang-iistorbo diyan," reklamo ni Sam sa kanya.

"Buti nga sa'yo. Sana magkabukol ka," irap niya. Pagkatapos ay nagpasya na siyang pumasok sa gate ng bahay nila. Wala siyang balak makipaghuntahan sa lalaking ito.

Kaya lang ay natigil siya paglalakad nang magsalita ulit si Sam.

"Kamusta ang date mo?" tanong nito sa sa kanya.

Lalah gritted her teeth. Mahigpit niyang ikinuyom ang mga kamay niya. Nilingon niya ito.

"Pakialam mo."

"Basang-basa sa mukha mo kung ano'ng nangyari sa date mo," natatawang sabi pa ni Sam. Nang akmang magsasalita siya ay iwinagayway nito ang kamay sa harap niya. "No, don't tell me. Let me guess." Kunwang nag-isip pa ang walang'ya bago ipinukpok ang nakakuyom na kamao sa mga palad. "Aha! Palpak na naman ang date mo kay Gregorio no? Tsk tsk. Ano pa nga bang pwedeng asahan? You've been singing the same tune for several years now."

Malakas niyang sinipa ang bakal na gate ng bahay nito. Malakas ang kalantog no'n kaya napaigtad si Sam sa sobrang gulat.

"Alam mo, walang gusto'ng kumausap sa'yo kaya bumalik ka na sa lungga mo. Epal ka!" nabi-bwiset na sabi niya, tapos ay dumiretso siya papasok ng gate nila.

Nasa tapat na si Lalah ng pinto nang matalisod siya sa batong nakausli sa lupa. Napasama tuloy ang apak niya at dire-diretso siyang tumilapon sa pintuan nila. Pakiramdam niya ay dinig na dinig sa buong subdivision ang lakas ng pagkakauntog niya sa pintuan ng bahay nila.

"Aray!"

Hinimas-himas niya ang ulo niya. Sigurado siya na may bukol na naman siya pagpasok niya sa opisina kinabukasan.

"Huy, Lalah, ok ka lang?" sigaw ni Sam mula sa kabilang bakod.

Tinitigan niya ito nang masama pero hindi siya umimik. Maiyak-iyak na siya sa paghimas sa ulo niya.

"Clumsy as always," dugtong ni Sam.

Nang tingnan niya ito ay wala siyang mabasang ekspresyon sa mukha nito. But she knew Sam too much. Kahit hindi niya nakikita ay alam niyang pinagtatawanan siya nito.

"Tse!" sigaw niya dito. "Ikaw talaga ang malas sa buhay ko kahit kailan!"

Pagkasabi no'n ay mabilis siyang pumasok sa loob ng bahay at dumiretso sa loob ng kwarto niya. Narinig pa niyang uma-alingawngaw ang tawa ni Sam hanggang sa kwarto niya dahil magkatapat lang sila ng kwarto. She covered her ears with her hands. Baka marinig pa niya hanggang sa panaginip niya ang tawa nito at bangungutin pa siya.

My Clumsy LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon