006

10 3 0
                                    


Ikalimang gabi. Walang sumayaw na Luningning sa club na pinanggalingan. Walang Malayang dumalaw sa bistrong aking tinutugtugan. At walang Aya—walang dumating na Aya sa tagpuan.

Malungkot ang ngiting kinuha ko ang kwadernong nakalagay sa loob ng lagayan ng aking gitara at binasa ang iilan pang mga likhang gawa ni Aya.

023

Hindi pa ba sawa
ang dila mo sa parehong lasa?
Hindi pa ba pagod
ang bunganga sa kakasalita?
Hindi pa ba naririndi
ang tainga sa paulit-ulit na naririnig?
Hindi pa ba manhid
ang balat sa patuloy na hagupit?
Hindi pa ba nasanay
ang mga matang walang sawang nakakakita?

Hubad, hindi, huwad ka.
Bawat gabi'y pareho tulad nang una.
Bawat haplos, bawat kislot,
tila hindi nabago ang lasa
nang paraanin ang dila tila ba pamilyar na.
Anong mahikang mayroon ka?
Hindi ka pa ba nagsasawa?

Hubad ka, hindi, huwad ka.
Bawat gabi'y tulad din nang una.
Bawat daing, bawat hinaing,
tila hindi nagbago ang mga salita
nang ulitin ang pagbigkas sa kanila.
Anong mahika ang mayroon ka?
Hindi ba dapat ay pagod ka?

Hubad ka, hindi, huwad ka.
Bawat gabi'y tulad nang una.
Bawat ungol, bawat utal na salita,
tila hindi nagbago ang mga pahayag
nang patuloy ay nakinig ka.
Anong mahika ang mayroon ka?
Hindi ka ba naririndi talaga?

Hubad ka, hindi, huwad ka.
Bawat gabi'y tulad din nang una.
Bawat hagupit, bawat hipo,
tila hindi nagbago ang mga malalambot na kamay
sa patuloy na paghaplos at pagtudyo.
Anong mahika ang mayroon ka?
Hindi ka ba talaga namamanhid na?

Hubad ka, hindi, huwad ka.
Bawat gabi'y tunay ngang una.
Bawat nasaksihan, bawat nasilayan,
siyang siya at walang iba.
Kakaiba ang mahikang mayroon ka.
Mayroon pa bang natira?
Maari bang makahingi kahit isa?

—Malaya

039

Putangina.
Maihahalintulad ka sa puta.
Na nganganga at tatanggap,
bawal dumuwal, mag-ingat ka.

Putangina.
Maihahalintulad ka sa puta.
Konting kibot, konting kembot,
sa salapi ay parang aso na.
Naglalaway ka, gusto pa bang umisa?

Putangina.
Isa kang puta.
Tamang pahaplos, tamang patudyo,
walang pakialam kung hanggang saan aabot.
Paguran ngunit tuluyan,
Bawal humindi at baka magkulang.

Putangina.
Puta, iyan ang tawag nila.
Lingid sa kaalaman, isa kang ina.
Hindi sasapat ang barya.
Hindi sasapat at magkukulang ka
kaya kahit nakakahiya
at tunay na nakakasuka,
patuloy kang sasayaw sa entablado
at hahayaan silang magkagulo
sa pagkakaalam na
isa kang puta.

—Malaya

041

Nakakasulasok.
Napakamapupusok
Bawat kanto, bawat sulok
Ultimo'y sa kasingit-singita'y napapadukdok.
Hindi alintana ang init,
Hindi alintana ang ngitngit.
Kagustuha'y ipagpupumilit
kaya't kung saan-saan na lang iiipit.
Ngising malademonyo,
wika ng isang hipokrito.
Panonoorin ang nasa entablado
pero hindi pa masaya ang ginoo.
Lalapit,
Ipipilit,
Didikit,
Hanggang ang espasyo ay maging katiting
pero di ito iintindihin
kahit ano para sa isang kusing.
Hahalinghing,
Pagbibigyan ang hiling.
Iindahin kahit ayaw.
Hahayaan na lang ang kaulayaw.
Aalis pero babalik,
at sa pagbabalik, muling pipikit.
Itigil muna ang paghikbi,
basa na ang unan, ikaw muna ay magtimpi.

—Malaya

061

Minsan akong nagkamali
nang pintahan ko ng pula ang aking labi.
Hindi mapakali
at idinamay maging ang pisngi—
mamula-mula, ito ang nais kong kulay
ngunit tila may kulang.

Palinga-linga sa kuwarto—
naghahanap ng maipapatong.
Kahit ano ay papatok,
bahala kung hindi kasya,
bahala kung hindi kinaya,
ang mahalaga ay aking nagaya
ang babaeng nasa bawat pahina—
tunay ngang kaaya-aya.

Humarap sa salamin,
ngingiti nang malapad lumabas lang ang mga ngipin.
Pilit gagayahin,
titigil lamang kung maganda na sa paningin.

Minsan kong pinangarap
na araw-araw mapintahan ang labi ng pula.
Saksi ang mga alitaptap,
sa gabi-gabi kong pagdarasal sa mga tala.
Ngunit ngayon ko napatunayan na mahirap pala.
Palinga-linga sa kuwarto—
naghahanap ng maipapatong.
Ang suot ay dapat patok,
manipis at halos 'di magkasya,
maliit ngunit pilit kinakaya,
Tunay na naging isa ako sa kanila—
sa mga babaeng laman ng bawat pahina.
Haharap sa mga taong nang-aalipin,
ngingiti nang malapad lumabas lang ang mga ngipin.
Pilit gagayahin,
hindi titigil—dapat ay maganda sa paningin.

Ako ang babaeng minsang nakamali sa pagpinta.
Nakilala sa pagsusuot ng maskara
at sa labing kulay pula
na ngayo'y  kanilang basta-basta inaalipusta.

—Malaya

Ala una na nang mapagdesisyunan kong umalis. Hindi na siya dadating. Hindi siya dadating.

Tinatahak ko na ang daan pauwi nang makita ko siyang nakaupong umiiyak sa ilalim ng pundidong poste ng ilaw. Kalat ang itim na mascara, punit ang manipis na damit sa harapan at magulo ang kinulot na buhok. Nakita ko iyong lahat dahil sa liwanag ng buwan.

"Luningning."

Broken WingsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon