TIME CONFLICT| Chapter 26

2.6K 209 7
                                    


AGOSTO 1| 5:00 A.M.

NASA gilid ng palengke sina Claire, Red, at Jacob. Nililibot ng tingin ang paligid. Naghahanap sila ng truck na kinalalagyan ng mga karne ng baboy ngunit wala silang mahagilap kahit isa.

"Nasaan na ang truck no'ng mga karne ng baboy?" aligagang tanong ni Jacob.

"Hanapin lang natin iyon. Sinabi ni Professor AJ na nasa around 5:00 to 5:30 A.M. iyon. Maghiwa-hiwalay tayo. Kung sinuman ang makakita sa truck na iyon, tawagan natin ang isa't isa, naiintindihan ninyo?" sabi ni Claire na tinanguan nina Red at Jacob. Saka sila naghiwa-hiwalay.

Nanatili si Claire sa kinaroonan niya. Nangangamba siya na baka hindi nila mapigilan ang pagkalat ng virus na siyang magiging banta sa mga tao.

Nasa kasagsagan siya nang paglilibot nang may matanaw siyang malaking truck na palapit sa palengke. Tinawagan niya sina Red at Jacob at pinapunta sa kinaroroonan niya. Saktong pagdating ng truck sa parking area ng palengke ang paglapit nina Red at Jacob.

"Iyan na iyon?" tanong ni Red habang nakatingin sa truck.

Bumukas ang likod ng truck at nagsilapitan ang ilang vendors upang kuhain ang napakaraming malalaking kahon na kinalalagyan ng karne. Nakabalot sa plastic ang bawat bulto nito.

Mayamaya'y lumapit ang isang lalaking nasa mid-50's. May mapuputi itong buhok at nakasuot ng puting jacket. Inutusan niya ang mga trabahador niya na isa-isa nang ibaba ang mga karne ng baboy. Ngunit bago pa man makagalaw ang mga tauhan niya'y humarang si Claire sa harap ng pinto ng truck upang pigilan ang mga lalaki.

"Huwag!" sabi ni Claire.

"Teka, sino ka?" kunot-noong pangunguwestiyon ng matanda. "At anong ginagawa mo?"

"Hindi ninyo puwedeng ibenta ang mga karneng 'to."

"Bakit naman hindi? Galing 'to sa supplier namin at narito ito para ibenta."

"May virus ang mga karneng 'to. Sa oras na ibenta ninyo 'to, siguradong magiging mitya ito ng isang delubyo."

Napaisip ang matanda sa mga pinagsasabi ni Claire. Lalong kumunot ang noo niya. Ngunit may pagdadalawang-isip siya na paniwalaan si Claire.

"Teka, sino ka ba? At sabihin na nga nating mayroon nga, bakit mo alam?"

"May mga masasamang-loob na nagturok ng virus sa mga karneng iyan."

"B-bakit ka naman namin paniniwalaan?" Naguguluhan ang matanda.

"Dahil kailangan. Kung hindi ka maniniwala, siguradong kakalat ang virus!"

Lalong sumidhi ang pagdadalawang-isip sa matanda. Sariwang-sariwa pa sa isip niya kung paano kumalat ang Corona Virus noong mga nakaraang taon kung kaya't nangangamba siya na baka mangyari iyon ulit. Naguguluhan siya. Hindi niya alam kung ano ang gagawin.

"Kuya, totoo po iyon. Nagsasabi ng totoo si Claire. Kung gusto ninyo, ipa-lab test ninyo ang mga karneng 'to para masiguro ninyo. Huwag ninyong hayaang mangyari ulit ang nangyari sa nakaraan," sabi ni Red na lumapit kay Claire upang suportahan ito sa pagpapaliwanag.

"Anong mayroon dito?" tanong ng isang lalaking nakasuot ng tuxedo.

"Ikaw pala, sir. Eh kasi, sinasabi ng mga taong 'to na may virus daw ang mga karne,"paliwanag ng matanda.

"Hindi iyon totoo. Huwag kang magpapaniwala sa mga iyan," sabi ng lalaki at saka nag-dial ng numero.

"Sir!—" Hindi na nakumpleto ng lalaki ang sasabihin niya dahil may dumating na lalaki na humampas sa batok nito—si Leo. Nawalan ng malay ang lalaki at nabitawan niya ang phone. Sinalo naman ito ni Leo nang pabagsak na ito sa semento.

Time Conflict (Wattys 2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon