TIME CONFLICT| Chapter 23

2.8K 213 6
                                    


C L A I R E

HULYO 19

BUMALIK na kami sa kasalukuyang panahon. Pinatay ko na ang time machine at nag-isip.

"Maraming salamat sa tulong ninyo, Red, Jacob. Huwag kayong mag-alala, gagawin ko ang lahat para masuklian ang kabutihan ninyo sa akin. Pero for now, gusto kong huwag ninyo na munang i-involve ang sarili ninyo sa akin dahil ayoko kayong mapahamak," sabi ko sa kanila.

"Teka, knowing na magiging gano'n ang future ng mundo, tingin mo ba mananahimik na lang ako sa isang tabi?" protesta ni Red.

"Ako rin. Hindi ako papayag na gawin nila iyon," segunda ni Jacob.

"Narinig ninyo ba ang sinabi ni Professor? Mamatay kayo dahil tinulungan ninyo akong iligtas sina Sasha at Gilbert. Okay fine, sabihin na nating hindi ninyo ako tutulungan doon at tutulungan ninyo ako sa pagpigil sa Mafia na maunsyame ang pinaplano nila—pero the fact na tinutulungan ninyo ako, inilalapit ko lang kayo sa kapahamakan. Hindi ako makapapayag na may mangyaring masama sa inyo dahil sa akin. Ako ang puno't dulo ng gulo naming 'to kaya't dapat lang na mag-isa ko 'tong tapusin."

"Hindi puwede. Hindi naman talaga gano'n kasama ang ideya ng kamatayan. Kung mamamatay ako para sa ikabubuti ng mundo, it will be my honor," sabi ni Red. At nang tingnan ko si Jacob ay ganoon din ang nakikita ko sa mga mata niya. Desidido silang tulungan ako.

Ipinaliwanag ko sa kanila ang perspektibo ko pero buo na ang desisyon nila—at kung gano'n nga, hindi ko na sila mapipigilan pa. Kung ako ang nasa posisyon nila, hindi rin ako mapapanatag na manahimik na lang sa isang sulok at hintaying mangyari ang masama.

May dahilan kaya napunta kami sa hinaharap—at iyon ay upang mailigtas ang libo-libo o milyong tao sa buong mundo na mahahawaan ng sakit.

"Ate Claire, paano kung gamitin natin ang time machine para pigilan si Professor AJ na ibigay sa Mafia ang virus?" suhestiyon ni Jacob.

Umiling ako. "Sa tingin ko, hindi na iyon magbabago pa. Katulad ng ginawa kong pagpigil sa pag-kidnap sa mga kasama kong sina Gilbert at Sasha. Pero sa huli, na-kidnap pa rin sila. Sa hinuha ko, hindi natin puwedeng baguhin kung ano ang nangyari na. Pero puwede nating baguhin ang isang bagay na hindi pa nangyayari. At dahil tapos nang ibigay ni Professor AJ ang virus sa Mafia, hindi na natin mababago pa iyon. Fate will do its job para mangyari kung ano ang dapat na mangyari. Ang puwede na lang nating pigilan ngayon ay ang pagbebenta ng mga karne ng baboy sa palengke upang huwag itong makain ng mga tao na siyang magbibigay sa kanila ng sakit."

Kita ko sa mga mata nina Red at Jacob ang pagsang-ayon sa sinabi ko.

"Kung gano'n, tingin mo, puwede pang magbago ang kapalaran natin?" tanong ni Red. Ang tinutukoy niya ay ang kamatayan naming lima.

"Oo. Sana. Manalangin tayo."

"Paano kung sabihin natin sa pulisya ang tungkol sa pinaplano nila?" Si Jacob.

"Tingin ko, hindi rin nila tayo pakikinggan kung wala naman tayong ebidensya. Baka nga pagtawanan lang nila tayo," sagot ni Red na sinang-ayunan ko.

"At isa pa, hindi lang iyon. Hindi natin alam kung sinu-sino ang mga kalaban natin. Sa isang maling galaw, baka kalaban na pala ang kaharap natin," dagdag ko sa sinabi ni Red at pagkatapos ay muling nag-isip.

"Kung gano'n, ano ang dapat na unahin natin? Ang pagliligtas sa mga kasamahan mo o ang pagpigil sa Mafia na ikalat ang virus?" tensyonadong tanong ni Jacob.

Time Conflict (Wattys 2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon