TIME CONFLICT| Chapter 20

2.7K 217 16
                                    


HULYO 18

NAGLALAKAD si Justy patungo sa bahay ni Red. Nang nasa hindi kalayuan siya ay natanaw niya ang isang itim na kotseng nakaparada sa labas ng bahay ng pamilya nina Red. At mayroon pang dalawang lalaking nakasuot ng tuxedo ang nagbabantay roon habang inililibot ang tingin sa paligid, tila may inaabangan.

Kumalma si Justy at nagbuntong-hininga habang naglalakad.

Nang marating niya ang bahay ay huminto siya at hinarap ang isang lalaki.

"Kuya, anong mayroon?" tanong niya.

"Bakit? Sino ka?" tanong ng isang lalaki.

Naasar na ngumiti si Justy. "Ako? Tinatanong mo kung sino ako? Anak ako ng may-ari ng bahay!"

"Kung gano'n, may kapatid kang nagngangalang Red?"

"Ah... iyong lalaki diyan? Hindi noh! Hindi ko kapatid iyon. Narito ako para maningil ng utang! Ilang buwan nang hindi nagbabayad ang pamilya niya, eh. Bakit? Huwag ninyong sabihing may utang din sila sa inyo?"

"Nagrerenta lang sila rito?" pagtatanong ng lalaki.

"Bakit ka ba tanong nang tanong? Umalis ka nga diyan at maniningil pa ako!"

Lalagpasan sana ni Justy ang lalaki ngunit iniharang ng lalaki ang kamay nito sa harap ni Justy.

"Hindi ka puwedeng pumasok, may bagay lang kaming dapat na tapusin."

"At sinong nagbigay ng karapatan sa 'yong pagbawalan akong pumasok sa bahay namin? Hoy, pinadala ka ba nina Red para maging guard sa akin? Dapat na ba akong tumawag ng pulis ngayon?"

Nagtinginan ang dalawang lalaki, hinihingi nila ang pahintulot ng isa't isa na papasukin ang lalaking gumagawa ng iskandalo. Sa huli ay pinapasok na lamang nila si Justy kaysa sa kung ano pang gawin nito na ikalalala ng sitwasyon nila.

Nangangatog ang tuhod ni Justy habang naglalakad papasok sa main gate ng bahay. Nang mapasok na siya ay doon siya bumuntong-hininga.

"Jusko! Mabuti na lang at napaniwala ko sila," sabi niya sa ere.

Matapos no'n ay nagtungo siya sa pangalawang palapag ng bahay at pumasok sa kuwarto ni Red. Magulo iyon. Hinalugad kasi iyon ng Mafia sa pagbabakasakaling naiwan ni Red ang AG stone.

Nang buksan ni Justy ang drawer sa bedside table ay tumambad sa kaniya ang walkie-talkie na mabuti na lang ay hindi pinakialaman ng Mafia.

Itinago niya ito sa bulsa ng pantalon niya. Mayroon kasi itong bulsa na nakalabas at may lock pa.

Nang lumabas siya ay binalikan niya ang Mafia.

"Nasaan na sila? Saan ninyo sila itinago?" pagkukunwari niyang galit.

"Hindi naman sila itinago, tabatchoy!" sabi ng lalaki.

"Kung gano'n nasaan na sila? Bakit kayo nagbabantay rito? Itinatago ninyo sila, eh!"

Nagtinginan ang dalawang lalaki, na tila nangungusap ang mga mata. Nagpasya silang huwag na lang pansinin si Justy, dahilan para kusang umalis si Justy. Napapagod na siyang magsalita gayong hindi naman siya pinapansin ng mga 'to.

Habang naglalakad siya papalayo ay napangiti siya. "Mission success!"


R E D

Time Conflict (Wattys 2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon