HULYO 9
UNANG isinabit ni Psyche ang surveillance camera sa labas ng residence area. Mayroong CCTV roon na nakasabit sa itaas ng gate at nakukunan nang malawak ang harap nito.
Humiram muna siya ng monoblock chair sa mga guwardiya na nasa booth. Ang sabi niya'y lilinisan niya ang CCTV dahil inutusan siya ng mayora. May dala-dala pa siyang feather duster habang nakatago naman sa bulsa ng apron na kasama sa uniporme niya ang surveillance camera.
Nasa tabi naman niya ang bundat na guwardiya at binabantayan siya.
Hindi kumportable si Psyche.
Hindi niya mailalagay ang kamera kung nakatingin sa kaniya ang guwardiya kaya't gumawa siya ng paraan.
"Sir, puwede po ba akong humiram ng tape?" tanong ni Psyche.
"Tape? Para saan?"
"May ite-tape lang po ako."
Kumunot ang noo ng guwardiya at pinagmasdan ang CCTV. Nagtatanong ang mga kilay niyang halos magkasalubong sa kung ano ang gagawin ni Psyche sa tape.
"Sige na, sir! Please!" pagmamakaawa ng dalaga.
Kumuha na lang ng tape ang guwardiya sa booth. Nang mga sandaling iyon, walang sinayang na segundo si Psyche at mabilis na idinikit ang kamera sa katawan ng CCTV.
"Ano iyan?" tanong ng guwardiya nang bumalik ito, dala-dala niya ang tape.
Kumabog nang mabilis ang dibdib ni Psyche. Kabado siya sa pangambang nakita ng guwardiya ang paglalagay niya ng kamera sa CCTV, na magiging dahilan para maipatapon siya sa kangkungan.
"Wa-wala, may patay na langaw lang," paliwanag niya. Itinatago niya ang kaba sa presensiya niya.
"Oh!" sabi ng guard at inabot sa kaniya ang tape.
"H'wag na pala, sir. Ayos na," sabi niya at bumaba na sa monoblock chair.
"Hindi mo na gagamitin?" iritable nitong pagtatanong.
"Hindi na po. Ayos na."
Pinagmasdan ng guwardiya ang CCTV, pero wala siyang makita roon. Pareho kasi ng kulay ang CCTV at ang camera ni Psyche kaya't hindi ito mahahalata kung titingnan mula sa malayo. Mapapansin lamang ito sa malapitan.
Sunod na naglagay ng surveillance camera si Psyche sa labas ng main door. May CCTV ulit doon. Hindi niya maabot kaya't kakailanganin niya ng hagdan. Kahit gumamit siya ng monoblock chair ay hindi pa rin niya ito maabot.
Tinungo niya ang hardinero na si Mr. Jed. Naggugupit noon si Mr. Jed ng mga halaman sa may hardin.
"Hello, sir!" bati ni Psyche nang nakangiti.
"Yes?" sabi ni Mr. Jed habang patuloy sa ginagawa.
"Hihiram lang sana ako ng hagdan, sir. Lilinisan ko lang kasi iyong CCTV sa main door."
"Kuhain mo na lang sa may warehouse. Medyo mabigat nga lang iyon," sabi nito habang patuloy pa rin sa ginagawa.
"Salamat po!" sabi niya. Tinungo niya ang warehouse. Inilibot niya ang tingin niya roon hanggang sa nakita na niya ang step ladder. Napangiti siya. Nang buhatin niya ito ay nahirapan siya dahil medyo mabigat. Kinaladkad niya iyon patungo sa main door.
BINABASA MO ANG
Time Conflict (Wattys 2020 Winner)
Ciencia FicciónAng akala ng siyentistang si Claire ay matutupad na ang pangarap niyang magawaran ng Nobel Prize bilang kauna-unahang taong naka-imbento ng time machine. Ngunit ang inakala niyang magbibigay ng parangal sa kaniya ay siya palang magbibigay ng bangung...