"Ano, Mommy? Hindi ka na talaga nahiya kay Daddy! Inuwi mo pa rito ang lalaki mo!" malakas kong sigaw sa sobrang galit.
Ramdam kong puputok na ang mga ugat sa aking noo, hindi hamak na para na akong bulkang sasabog. Damang-dama ko rin ang init ng katawan ko, partikular ang mga mata kong animo'y sinisilaban ng apoy. Nanlalabo na ang paningin ko para sa nagbabadyang luha. Pero hindi, hindi ako iiyak.
Tuluyan akong nagwala lalo nang talikuran lang ako ni Mommy. Dere-deretso siyang naglakad papasok ng kaniyang kwarto na para bang walang narinig, o parang hindi niya ako nakita. Mas madali yatang sabihin na talagang wala na rin siyang pakialam sa kung ano man ang nararamdaman ko.
Huh! For Pete's sake, anak niya ako!
Hindi ako ibang tao, o kung sino lang! Nawala lang ako kagabi, nakitulog lang ako sa kaibigan kong si Precy dahil sa matinding kalasingan na hindi ko na kayang umuwi pa. Ngayon ay madadatnan ko sila ng lalaki niya rito sa bahay mismo ni Daddy?
Sa pamamahay pa mismo namin?!
Malamang ay dito rin iyon natulog at saan pa nga ba? Naabutan ko lang na paalis na iyong lalaki. Hinatid siya ni Mommy sa labas at doon ko sila nakita. Kaya pala nagtataka ako kung kaninong kotse iyong naka-park sa labas. At hindi naman pwede na napadaan lang iyong lalaki, hindi rin maaaring driver namin o isa sa mga tubero.
Ngayon ko napatunayan na totoo nga ang sinasabi ng mga kapitbahay namin. Na may dinadalang lalaki rito si Mommy, sa reaksyon at inakto niyang iyon kanina, totoo nga. Kailangan kong magising sa katotohanan. Ibig sabihin lang din ay hindi ito ang unang beses. Nasakto lang na maaga akong umuwi ngayon kaya ko sila naabutan.
Dati ay ayokong paniwalaan, ayokong maniwala dahil alam kong hindi ganoon si Mommy. Ayaw kong maniwala hangga't hindi si Mommy ang nagsasabi. Alam ko na hindi niya iyon magagawa. Alam kong kahit hiwalay na sila ni Daddy ay may respeto pa rin siya rito, pero ano ito? Bakit ganito?
Animo'y gumuho ang mundo ko. Iyong babaeng iniidolo ko ay biglang naglaho. Sa isang iglap ay napalitan ng pagkasuka, pagkadismaya at pagkamuhi. Hindi ko inakala na magagawa rin niya ang bagay na ginawa noon ni Daddy, ang bagay na pareho naming isinumpa ni Mommy.
"Ako pa ang mahihiya ngayon, Alice?" balik pagtatanong ni Mommy nang tuluyan siyang makapasok sa kwarto nito, isang beses niya akong nilingon na nasa hamba ng pintuan. "Noong sumama ba ang Daddy mo sa ibang babae at iniwan tayo, nahiya ba siya?"
Nakagat ko ang pang-ibabang labi. Nangunot din ang aking noo. Pilit kong iniintindi si Mommy. Gusto kong makita iyong tamang paliwanag kung bakit niya ito nagawa. Ngunit hindi ko ba alam kung naturang bobo ba ako kaya hindi ko rin magawa.
"Naisip din ba niya tayo? Hindi naman 'di ba? Wala lang tayo sa kaniya. Kaya niya ako pinagtaksilan dahil hindi naman niya talaga ako mahal. Hindi niya ako minahal. Siguro nga ay hindi ka rin niya minahal—"
"Tama na!" suway ko rito.
Punung-puno ng lungkot ang boses ni Mommy, ganoon din ang kaniyang mukha. Malayang tumutulo ang luha niya. Ayaw magpaawat at ayaw magpapigil. Ngunit mas doble ang epekto sa akin. Kung nasasaktan siya, mas nadudurog ako.
"At ano, Mommy? Tatapatan mo iyong kahihiyang ginawa niya?" maanghang kong palatak, tumutulo na rin ang mga luha ko dahil tunay na nasasaktan ako sa pamilyang mayroon ako. "Ni hindi niyo inisip iyong kapakanan ko noong naghiwalay kayo! Hindi niyo man lang ako tinanong kung okay lang ba sa akin ang desisyon ninyo!"
"Bakit? May magagawa ba ang opinyon mo para maibalik natin ang dati? Para bumalik tayo sa dati? Hindi, anak. Kasi hindi na ako ang mahal ng Daddy mo. Pareho niya tayong sinaktan at iniwan, pero bakit sa akin ka lang nagagalit? Huh, Aliyah Denice??" singhal ni Mommy, saglit akong natigilan.
BINABASA MO ANG
One Roof with my Step-brother (SPG)
General FictionMeeting his step-brother is not easy for Aliyah Denice Ventura. Her heart was full of anger, hatred and deception. And she will never accept the fact that he will be with her under the same roof. But fate is just too playful. How can a mistake be r...