Chapter Two

622 12 0
                                    

NAGPASYA si Henry na lumabas ng condominium unit niya para maglibot-libot sa kung saan hanggang sa mapadpad siya sa Elrand Mall sa Ortigas. Parang may kung anong bumubulong sa kanya na doon na lang siya magpunta kaya naman nagkibit-balikat na lang siya at nag-park bago pumasok sa loob ng mall. Tutal ay malapit-lapit naman iyon sa tinitirhan niya.

At nang mapadaan siya sa isang Chinese restaurant ay walang paga-atubiling pumasok siya sa loob dahil bigla na lang siyang nakaramdam ng home sickness. Hindi naman kasi siya umaalis ng China nang matagal. Madalas ay isa hanggang tatlong araw lang siya kung mawala ng bansa. Mag-iisang linggo na siya sa Pilipinas kaya siguro nami-miss na niya ang bansang kinalakihan.

Naghahanap siya ng mauupuan nang mamataan ang isang pamilyar na tao. Bago pa niya mapigilan ang sarili ay tinawag na niya ito. Agad naman itong bumaling sa kanya dahilan para mapangiti siya ng malapad. Kilala nga niya ito. Si James Hendrix ay naging kaklase niya noong high school sa Australia. Dalawang taon lang naman silang nagkasama dahil lumipat na sila ng daddy niya sa China pero masasabi niyang isa ito sa pinaka-malapit niyang naging kaibigan.

Hindi niya inasahan na makikita ito doon pero natutuwa pa din siya. At least, may kakilala pala siyang makikita sa bansang iyon. Naglakad na siya palapit sa mesa nito nang madako ang tingin niya sa mga kasama nito. Noon lang niya napansin na may kasama pala itong dalawang babae.

"Henry!" bati nito sa kanya. Tumayo ito at tinapik siya sa balikat. "Kumusta ka na? Anong ginagawa mo dito sa Pilipinas?" magkasunod na tanong sa kanya ng kaibigan.

"I just got some stuffs to do." natatawang sagot naman niya pagkatapos ay bumaling sa babaeng may mahabang buhok at bahagyang singkit na mga mata bago ibinaling sa isa pang babae sa mesa ang kanyang tingin. "You obviously have a date. Sorry, na-excite lang ako nang makita kita kaya nilapitan kaagad kita. Maiwan ko na kayo at maghahanap na ako ng sarili kong table." paalam niya dito.

"No, you can join us if you want. Matagal din tayong hindi nagkita and we have a lot of catching up to do." Binalingan nito ang dalawang babaeng kasama nito. "Okay lang naman sa inyo, hindi ba?" tanong ni James.

Halos sabay namang tumango ang dalawang babae. Umupo siya sa tabi ng babaeng nasa tapat ni James. "Hi, I'm Henry." pakilala niya pagkatapos ay inilahad ang kamay sa harap nito.

"Charm." tipid na sagot nito bago tinanggap ang pakikipagkamay niya ngunit sandali lang nagkadaiti ang kanilang mga palad dahil agad na nitong binawi ang kamay at umupo ng maayos.

"Ah, that's Charm. Childhood friend ko. And this girl beside me is my girlfriend, Nicolette." pakilala ni James sa dalawang babae. Nagkamay sila ni Nicolette bago niya binalingan ang kaibigan.

"Sigurado ka ba na okay lang na saluhan ko kayo dito?" paniniguro niya dahil nararamdaman niya ang kakaibang ikinikilos ng katabi niya.

"Of course. Wala namang problema iyon, unless may iba kang kasama."

He chuckled. "Wala nga akong kilala dito sa Pilipinas. Kaya nga nagpapasalamat ako na nakita kita dito. At least, may magugulo na ako habang nandito ako." aniya at nginisihan pa ang kaibigan na ikinaiiling-iling lang naman nito.

LIHIM na kinakalma ni Charm ang nagwawala niyang puso. Hindi niya alam kung ano ang nangyari sa kanya at bigla na lang naging abnormal ang tibok niyon. Natingnan lang siya sandali ng kaibigan ni James ay animo may mga daliring pumitik na sa dibdib niya.

Anong nangyari at nakaramdam siya ng ganoon sa isang estranghero na sandali lang naman siyang tiningnan?

Sanay ka naman na tinitingnan ng mga estranghero. Kahit saan ka pumunta at tuwing nagpe-perform ka ay ganoon ang nangyayari.

Love Revolution 7: Charm, The Charming Fairy [Published under PHR] (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon