DINALA ni Henry si Charm sa Elrand Mall para doon magpaganda ng mood ang dalaga. At least malapit na lang iyon sa condominium unit niya at sa eskuwelahan nito. Wala naman kasi siyang alam tungkol sa dalaga at hindi din niya alam ang cellphone number ni James kaya hindi niya ito matawagan. Hindi din niya alam kung magugustuhan ba ni Charm kung sakaling ipaalam niya sa mga kaibigan nito ang katatapos lang na nangyari dito.
Ang totoo ay hindi niya nagustuhan ang mga sinabi ng nobyo nito dito. Walang kahit na sinong babae ang dapat na sinasabihan ng mga ganoon. That's just too much. At hindi niya gusto ang pagsigaw-sigaw na ginawa ng lalaki kay Charm kaya napilitan siyang makialam. Ang grupo kasi ng mga kalalakihan na nasa di-kalayuan sa mesang inokupa ng magkasintahan ay nakatingin lang sa mga ito at ni hindi man lang gumagawa ng paraan para tulungan ang dalaga. Kung kailan nakialam siya ay 'tsaka lang din nakialam ang mga ito at sumaway-saway.
Hindi na nga siya gaanong nag-isip at basta na lang niya itong tinulungan. Kahit na sino naman siguro ay gagawin ang ginawa niya.
Talaga ba?
Okay, sabi mo eh. You're a hero, Henry!
"Do you want to eat something? Or watch a movie? Or go to the arcade? Para lang pampaganda ng mood?" sunod-sunod na tanong niya nang hindi na niya matagalan ang katahimikang namamayani sa pagitan nilang dalawa. Pakiramdam kasi niya ay kailangan niyang aliwin ang dalaga kung hindi ay bigla na lang itong magpapaalam o kung ano pa man.
You're so witty, man! Way to go!
Nag-angat ito ng mukha at tiningnan siya. Ngumiti ito ngunit hindi naman iyon umabot sa mga mata nito. "I'm okay. Mag-arcade na lang siguro muna tayo. I just want to dance."
Napalunok si Henry. May kung anong animo karayom na tumusok sa puso niya dahil sa nakikita niyang lungkot sa mga mata nito. Ano ba talaga ang nangyayari sa kanya at kung ano-ano ang nararamdaman niya nang dahil kay Charm? Ni hindi nga niya ito kilala kung tutuusin pero may kakayahan itong iparamdam sa kanya ang mga emosyon na ngayon lang niya nararamdaman sa buong buhay niya para sa isang babae.
Kaya sa halip na sumagot ay tumango na lang siya pagkatapos ay hinayaan na niya itong maunang magpunta sa arcade. Sana ay gumanda din ang pakiramdam nito kapag nakapag-aliw aliw na ito kung hindi ay baka mabalikan niya ang ex-boyfriend nito at mabigyan niya iyon ng upper cut.
NARARAMDAMAN ni Charm ang pagtulo ng pawis sa batok at likod niya ngunit hindi pa din siya tumigil sa pagsasayaw. Iyon ang paboritong libangan ng buong HID sa arcade ng Elrand mall, ang dance central.
Ayaw naman niyang pumunta sa eskuwelahan para doon na lang magsayaw sa studio, baka kasi may gumagamit doon. 'Tsaka nandoon na din naman siya kaya sa dance central na lang niya ibubuhos lahat ng inis at lungkot na nararamdaman niya.
Aminin man niya o hindi ay nasaktan siya sa mga sinabi ni Patrick. Hindi lang sa mga salitang binitiwan nito kundi dahil may mga taong nakarinig ng mga sinabi nito. Hiyang-hiya siya dahil alam naman niyang ang ilan sa mga sinabi nito ay may katotohanan. Hindi nga lang niya magawang ipahalata iyon kahit na kanino dahil ayaw niyang kinaaawaan ng kahit na sino lalo na ng mga taong hindi naman niya talagang kilala.
Malaking tulong na nga ang ginawa ni Henry dahil tinulungan siya nito sa problema niya kay Patrick. Nagpanggap pa itong nobyo niya para lang makawala siya sa binata. Gusto man niya itong pasalamatan, hindi pa niya magawa dahil hindi niya alam kung paano niya ito kakausapin nang hindi nakakaramdam ng pagkailang o pagkapahiya dahil sa mga nangyari sa Sweets to Go! Ni hindi nga niya alam kung may mukha pa ba siyang ihaharap sa lugar na iyon.
BINABASA MO ANG
Love Revolution 7: Charm, The Charming Fairy [Published under PHR] (Complete)
Romance"...hindi mo dapat ipinagkakait sa sarili mo ang maging masaya. Hindi porque nasaktan ka ng isang beses, masasaktan ka na sa buong buhay mo." CHARM loves attention. Iyon ang dahilan kaya nakikipag-date sa mga lalaking may gusto sa kanya. Kaya lang...