KINABUKASAN ay nakatambay si Charm sa greenhouse. Nakaupo siya sa isang upuan na hinila niya palapit kay Tinkie. Mas nagiging tahimik kasi ang utak niya kapag nasa tabi siya ng magical balon.
Sa susunod na araw na ang String dance competition at gusto niyang mag-relax para wala siyang makalimutan kahit isa sa routine. Ayaw kasi niyang matalo ang unang kompetisyong sasalihan ni Henry at gusto niyang may baunin itong magandang alaala pagbalik nito ng China.
Napahinga siya ng malalim nang magparamdam ang animo karayom na tumutusok sa puso niya maisip lang na aalis ang binata. Nitong mga nakalipas na araw ay mukhang sinusubukan na ni Henry na bumawi sa pag-iwas nito sa kanya. Ang totoo, kaunting-kaunti na lang ay bibigay na ang puso niya pero pinipigilan lang niya ang sarili. Gusto muna niyang danasin nito ang sakit na ipinaranas nito sa kanya.
Ang tanong, nasasaktan nga kaya siya? Nasasaktan ka lang naman dahil mahal mo siya. Ikaw ba, mahal niya?
Huminga siya ng malalim. Babalik din naman ito ng China at may posibilidad na hindi na ito bumalik ng Pilipinas. Malay ba niya kung isama na lang nito at ng ama nito ang mommy nito pabalik sa bansang pinanggalingan ng mga ito.
"Hey, bakit mag-isa ka lang dito?"
Napaangat siya ng mukha at nakita ang walang emosyong mukha ni James. Kasama nito si Colette na may paga-alala naman sa mukha. Napasimangot siya, hindi kasi niya gusto kapag naga-alala si Colette.
"Nagpapahinga lang ako. Wala na kasi akong klase. Kayo, anong ginagawa n'yo dito?" umayos siya ng upo.
Ikinuha ni James ng upuan si Colette pagkatapos ay magkatabi itong umupo sa harap niya. "How are you? Nakapag-usap na ba kayo ni Henry?" tanong ni Colette.
Nagsalubong ang mga kilay niya. "Kami ni Henry? Bakit naman kami magu-usap? May dapat ba kaming pag-usapan?"
"You're in love with him, right?" deretsong tanong ni James. Walang paga-alinlangan sa tinig nito.
Nagbawi siya ng tingin at humalukipkip. "No, I don't. Why should I? I mean, wala namang kamahal-mahal sa lalaking iyon." pagtanggi niya.
Nakarinig siya ng pagbuntong-hininga pagkatapos ay ang boses ni Colette. "I knew it. She's in love with him. Ayaw lang niyang aminin dahil sigurado na siyang masasaktan lang siya sa huli."
Marahas siyang napabaling sa kaibigan at nakita niyang halos mangiyak-ngiyak na ito habang nakatingin sa nobyo.
"I said, I'm not in love with him."
"Don't worry, maaayos din ang lahat. Maghintay ka lang. Hindi ka dapat nagpapa-stress. May competition tayong sasalihan bukas at baka mawala ka sa sarili mo. Huwag mo na lang siyang intindihin kung hindi man niya maamin sa sarili ang totoong nararamdaman niya." pagpapakalma naman ni James sa nobya nito. Hinimas-himas pa nito ang buhok ng nobya.
"Ano ba kayong dalawa? Sinabi nang hindi ko mahal si Henry, bakit ba hindi n'yo ako pinapansin?" nanggigigil nang aniya. Tumayo na siya at naiinis na binalingan ang dalawa. "Ano bang problema n'yo?" Hindi niya gustong nae-etsapuwera sa usapan ng mga kaibigan lalo na't siya pa ang pinag-uusapan ng mga ito. At nakakadagdag pa sa alalahanin niya ang paga-alala ni Colette.
Inosenteng hinarap siya ng dalawa. "Kami, may problema? Hindi kaya sarili mo ang sinasabihan mo at hindi kami?" ani James.
"Hindi naman kami ang nagde-deny ng feelings. At ang lakas pa ng loob dahil sa'min pa talaga na pinaka-malapit niyang kaibigan nag-deny." umiling-iling naman si Colette.
BINABASA MO ANG
Love Revolution 7: Charm, The Charming Fairy [Published under PHR] (Complete)
Romance"...hindi mo dapat ipinagkakait sa sarili mo ang maging masaya. Hindi porque nasaktan ka ng isang beses, masasaktan ka na sa buong buhay mo." CHARM loves attention. Iyon ang dahilan kaya nakikipag-date sa mga lalaking may gusto sa kanya. Kaya lang...