Prologue

967 56 15
                                    

IGINAPOS si Patrick sa upuan para pigilan ang pagkain niya sa sariling katawan. Hindi matukoy ng mga magulang niya kung anong sakit ang dumapo sa kanya.

Bigla na lang nag-iba ang mga kilos niya sa nagdaang mga araw. Noong una’y nahuli siyang kinakain ang mga ipis at daga sa kanilang bahay. Pati ang alaga nilang pusa ay walang awang kinatay niya at nilamon.

Ngayon naman ay sariling katawan na niya ang kinakain. Kung hindi pa siya nakita kaninang umaga ng ama niya, malamang ay ubos na ang mga daliri niya sa kamay. Pati ang kabila niyang paa ay nagawa niyang putulin para kainin.

“Ano ba’ng nangyayari sa 'yo, Patrick. Bumalik ka na sa dati.” Maluha-luhang pinagmamasdan ng ina ang bata habang nagwawala sa upuan. Awang-awa siya sa kalagayan ng anak na tila sinasapian sa tindi ng pagwawala.

Nais kumawala ng bata dahil takam na takam ito sa sariling katawan. Hindi ito titigil hangga’t hindi nauubos ang lahat ng natitirang bahagi sa kanyang katawan.

Kung tutuusin, ikamamatay na dapat ito ng tao sa oras na putulin niya ang kahit na anong bahagi ng kanyang katawan, lalo na kung ito’y malaking parte gaya ng paa. Ngunit iba ang kaso ni Patrick. Buhay na buhay pa rin siya kahit wala na ang paa at patuloy na umaagos ang dugo.

Halos maubusan na siya ng dugo sa katawan pero hindi pa rin nalalagot ang kanyang hininga. Iyon ang isa sa mga hindi maipaliwanag ng mga magulang niya.

Paano siya nananatiling buhay sa ganoong kalagayan?

“Tatawag lang ako uli ng Doktor. Bantayan mo muna siya rito.” Bumitaw ang ama sa pagkakahawak sa kamay ng asawa at lumabas ng kuwarto. Nagtungo ito sa sala at tinawagan ang kakilala nilang duktor sa telepono.

Naupo ang ina sa gilid ng kama habang pinapanood ang naghihirap na anak. Gusto niya itong yakapin at kausapin ngunit hindi na makausap ang bata sa ganoong kalagayan. Hindi na nga ito marunong magsalita. Puro ungol na lang ang nilalabas ng bibig at napakaagresibo pa kapag tinangkang hawakan.

Nagkandasugat-sugat nga ang ama niya kanina habang iginagapos siya dahil sa kakaiba niyang lakas na hindi mawari kung saan nagmumula.

Saglit na huminto si Patrick at biglang pumikit ang mga mata. Sa loob ng ilang segundo’y nanahimik ito na labis ikinabahala ng ina niya.

“P-Patrick… A-anak…” Lalapitan na niya ang bata nang muli itong dumilat at nagwala. Sa pagkakataong iyon ay higit pa itong naging agresibo. Nagawa na nitong sirain ang mga tali sa katawan.

Napasigaw ang ina at napalabas na ng silid. Agad nitong tinawag ang asawa na kasalukuyang kausap ang duktor sa telepono.

“Si Patrick! Si Patrick! Nakawala!”

Sa labis na taranta ay naibagsak ng ama ang telepono at dali-daling pumasok sa kuwarto. Nanginginig namang nakabuntot sa kanya ang babae na wala pa ring tigil sa pagtangis.

Ganoon na lang ang pagkasindak nila nang makita si Patrick na binubutas ang sariling tiyan. Hindi iyon kinaya ng kanyang ina kaya napaatras ito ng kuwarto at sumandal sa isang dingding. Doon ay lalong rumagasa ang mga luha nito.

Ang ama naman ni Patrick ay napamulagat sa gulat at nanigas ang katawan sa kinatatayuan. Halos hindi siya makalapit sa bata dulot ng magkahalong emosyon na nagwawala sa loob ng utak niya. Takot. Lungkot. Sindak. Pagtataka.

Saan nakakuha ng pambihirang lakas si Patrick para butasin ang tiyan gamit lang ang kamay? Lalo pa ngayong kinakain na niya ang sariling laman at bituka pero nananatili pa ring buhay.

Kahit anong gawin niya sa sarili ay hindi siya namamatay. Kahit anong bahagi ng katawan ang putulin niya ay hindi nalalagot ang kanyang hininga.

Halos maubos na niya ang laman sa kanyang tiyan ngunit humihinga pa rin siya at patuloy na kumakain.

Dahan-dahang umatras nang hakbang ang ama at napasandal sa pinto. Nanatili pa ring dilat na dilat ang dalawang mata niya habang pinapanuod ang bata na kinakain ang sarili.

Nasa isip pa lang niyang lapitan ang bata ay bigla na lang itong huminto sa pagkain at bumagsak mula sa kinauupuan.

Sa loob ng maikling sandali ay bumakas sa anyo nito ang labis na pagkagimbal. Tila nagbalik sa normal ang isip nito at nagawa pang lumingon sa mga magulang.

Lalong nabahala ang mga magulang niya nang makitang hindi na gumagalaw ang bata at naiwang dilat ang mga mata.

Doon pa lang nagkaroon ng pagkakataon ang ama na makalapit sa bata.

Ngunit nang mahawakan niya si Patrick ay hindi pa rin ito gumagalaw. Hinihintay niya na magwala muli ito ngunit hindi na kumilos ang bata mula noon.

Kahit anong gising at tapik ang gawin niya rito ay wala nang tugon ang katawan ng bata. Pati ang ina ay napalapit na rin at inalog-alog ang katawan nito.

Wala pa ring nangyari.

Doon ay napayakap ang ina sa asawa at muling humagulgol nang iyak. Pati ang ama ay napaiyak na rin habang pinagmamasdan ang bata na tila wala nang buhay.

Sa mga sandaling iyon pa lang tuluyang bumigay ang katawan ng bata. Namatay ito nang hindi man lang nalaman ng mga magulang kung ano ang nangyari sa kanya.

SI PATRICK ACIBAR, ang bagong naitalang biktima ng kakaibang sakit na kumakalat ngayon sa kanilang lugar. Isang misteryosong sakit na nagpapabago sa isip at appetite ng tao.

Marami na sa kanila ang namatay matapos kainin ang sariling katawan. Dahil sadyang malupit at mailap ang sakit na ito, wala pa ring maibigay na gamot ang mga duktor para dito.

Isa ang naging tanong ng lahat: Saan ito nanggagaling?

TO BE CONTINUED...

Eat YourselfTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon