KANINA pa napapansin ni Loiza ang labis na pananahimik ni Andrew. Halos wala itong kinakausap na kahit na sino sa trabaho. Ni ayaw rin nitong magpaistorbo sa bandang opisina nito.
Maging sa break time nila ay hindi ito kumikibo. Niyaya niya itong kumain sa isang fast food pero nakasunod lang lagi sa likod niya ang lalaki at hindi nagsasalita.
Hindi maiwasang mag-alala ni Loiza sa lalaki. Sanay na siya sa masungit nitong pag-uugali pero ngayon ay may iba rito. Tila mas matindi ang pinagdadaanan nito ngayon.
Kahit alam niyang puwede siyang murahin ng kaibigan sa panggagambala niya ay ginawa na rin niya.
“Andrew, magsabi ka nga sa akin. Ano ba’ng problema? Kung kumilos ka parang ikaw na lang ang natitirang tao sa mundo! Parang hindi mo kami nakikita.”
Sa pagkakataong iyon ay napalingon sa kanya si Andrew. May ilang sandali bago tuluyang bumuka ang bibig nito. “’Yong kapatid ko kasi, nagloko.”
Nangunot ang noo ni Loiza. “Paanong nagloko?”
“Sumali siya sa gang. Umuwi siyang lasing. Nakita ko lang nakabulagta sa kalsada. Akala ko patay na. Sobrang disappointed ako sa kanya.”
“Ha?” hindi makapaniwala si Loiza. “Si Junjun ba ‘yong tinutukoy mo? Hala, seryoso? E, bata pa ‘yon ‘di ba?”
“Kaya nga galit na galit ako, eh. Hindi ko alam kung saan niya natutunan ‘yong gano’n at kung bakit niya naisipang sumali sa mga katarantaduhang ‘yon!”
“Kadalasan kasi sa mga ganoong bata ay nagrerebelde o may nangyari sa past nila na hindi nila matanggap. Hindi kaya dahil ‘yon sa pagkamatay ng daddy n’yo? Malay mo nasasaktan pa rin siya hanggang ngayon dahil wala na siyang daddy.”
Napailing nang matagal si Andrew kasabay ng pagbakas ng mapait na nakaraan sa mukha.
“Malabong ganoon ang dahilan. Dahil noong nabubuhay pa siya, hindi na namin siya kasundo dahil palagi niyang pinagmamalupitan si Mama. Parang basura kung iturin kami ni tatay. Walang araw na hindi siya umuuwing lasing at duguan dahil sa pakikipag-amok sa daan. Kaya nga noong mawala siya, medyo hindi na ako nalungkot para sa kanya. Naging masaya na lang ako para kay nanay dahil hindi na niya mararanasan ang pagmamalupit ni tatay sa kanya.”
Napailing din si Loiza sa ibinunyag ni Andrew sa kanya. Maging siya ay pumait din ang mukha sa narinig. “Kaya pala. Sorry, ha, Andrew. Ngayon ko lang nalaman ‘yan. Bihira ka lang kasi magkuwento ng tungkol sa buhay mo. Palagi na lang kasing ako ‘yong nagkukuwento mula noong magkakilala tayo.”
“Sobrang bait nga ni Mama kay Junjun. Halos hindi nga niya ito kayang pagalitan o paluin man lang sa puwit. Palagi niya itong pinapayagan sa kahit na anong gusto niya. Hindi nakaranas ng paghihigpit si Junjun kay Mama. Ako naman kahit madalas ko siyang mapagalitan, hindi ko naman ginagawa sa kanya ‘yong pagmamaltrato na ginagawa noon ni Papa. Kagabi ko lang siya napagbuhatan ng kamay dahil sa nadiskubre namin sa kanya.”
“Alam mo, naiintindihan ko rin ‘yong kabaitan ng mommy mo. Kahit nga noong magkita kami dati talagang napaka-sweet niya sa tao. Kaya lang hindi rin tama na maging sobrang bait niya lalo na sa mga anak. Minsan dapat ang anak pinagagalitan at pinagsasabihan din para hindi umabuso.”
“Iyan nga ang palagi kong sinasabi kay Mama noon. Malabot lang talaga ‘yong puso niya kaya hindi kayang pagalitan si Junjun. Kahit ako noong bata hindi niya rin ako pinagagalitan. Nagkataon na hindi lang talaga ako lumaking may bisyo kaya walang naging problema si Mama sa akin. Pero dito kay Junjun, mukhang ito ang magiging malaking problema namin ngayon.”
“I think siguro nadala lang sa impluwensiya ng mga barkada si Junjun kaya nagkaganyan. Lalo na nakatira pa kayo sa lugar na sentro ng kaguluhan. Hindi talaga natin minsan maiiwasan ‘yong mga ganoong sitwasyon kahit anong pag-iingat at pag-aalaga ang gawin natin.”