Chapter 8

585 46 12
                                    

MARAHANG isinandal ni Andrew ang kapatid sa papag at pinainom ang gamot na binili niya para dito. Pinainom din niya ito ng maraming tubig upang mabilis na bumaba ang lagnat.

Nang maubos ng bata ang baso ay muli niya itong pinahiga at kinumutan ang katawan. “Magliligpit lang kami ni Mama sa kusina. Magpahinga ka na, ha?” malumanay na wika ni Andrew bago niya ito iniwan at pinatay ang ilaw sa kuwarto.

Kung lumingon lang sana siya, nakita sana niya ang sunod na nangyari kay Jun. Biglang tumirik ang dalawang mata nito at nanginig ang buong katawan na parang sinasapian.

Bumuka ang balat sa malaking sugat sa kaliwang paa nito kung saan siya kinagat ng insekto. Tumulo mula roon ang dilaw na likido na may halong dugo.

Sa ilalim ng kama ay biglang gumapang palabas ang insektong kumagat kay Jun. Walang nakakalam na nakapasok ito sa kanilang bahay.

Maging si Jun ay nagulat nang makita ang insektong umakyat sa papag at lumapit sa sugat ng kanyang paa.

Nakatayo lang doon ang insekto at nakatutok ang ulo kay Jun. Tila may isip na pinagmamasdan ang bata at nagbabantang mangagat kapag gumawa ito ng ingay.

Umurong ang dila ni Jun habang nagwawala ang puso niya. Gustuhin man niyang sumigaw ay walang boses na lumalabas sa bibig niya. Ipinikit na lamang niya ang mga mata habang umuusal ng dasal sa isip.

Subalit hindi nagtagal ay kusang dumilat ang mga mata niya. Wala nang bakas ng takot sa kanyang mukha. Bumangon siya at nilingon ang insekto sa paanan niya.

Itinaas ng insekto ang dalawa nitong kamay na tila kumakaway sa kanya. Saka ito naglabas ng kakaibang tunog na tila paraan nito sa pakikipag-usap sa ibang nilalang.

Ngumiti si Jun at iniabot ang kamay sa insekto. Gumapang doon ang insekto at umakyat sa bandang siko niya. Saka niya ito nilaro-laro na parang nakatagpo ng bagong kaibigan.

May isang ipis na lumilipad sa kuwarto at biglang dumapo sa tabi ng unan ni Jun. Agad bumaba ang insekto at muling itinaas ang mga kamay nito. Muli itong naglabas ng kakaibang huni na tila kinakausap ang bata.

Takot si Jun sa mga insekto pero nang mga oras na iyon ay bigla siyang natakam sa mga ito. Mabilis niyang hinuli ang ipis at ikinulong sa dalawang kamay niya. Ramdam pa niya ang pagwawala ng mga pakpak ng ipis.

Hinawakan niya ito nang mahigpit saka isinubo at nginuya. Lumikha pa ng kaunting tunog ang pagkadurog ng ipis habang nasa bibig niya.

Ang insekto naman sa paanan niya ay iwinawagayway ang mga kamay na tila natutuwa sa ginagawa niyang iyon.

LAMAN ng balita kinabukasan ang pagkamatay ni Danica, ang nag-iisang anak ni Aling Bebang na kapitbahay nina Andrew.

Sa harap ng kanilang tindahan ay laman ito ng usapan ng mga tambay. Si Andrew ay seryosong nakikinig habang nakadungaw sa bintana.

“Sigurado ka ba d’yan?”

“Oo nga! Ayaw nitong maniwala, eh. Nakita ko kanina ‘yong anak ni Aling Bebang dahil isa ako sa mga nakapasok doon sa loob. Kung makita n’yo lang grabe talagang masusuka kayo!”

“Ano ba kasi ang nangyari? Paano namatay ‘yong dalaga?”

“Ang kuwento ni Aling Bebang, nakita raw nila kagabi na kinakain nito ‘yong sariling katawan!”

“Ano?” Puwede ba ‘yon?”

“Ewan ko basta pinuputol daw nito ‘yong sariling kamay at paa tapos kinakain. Namatay lang daw ‘yong babae noong maubos nito ‘yong kalahati ng katawan niya!”

Nangunot ang noo ni Andrew sa mga naririnig. Para sa kanya, napakalabong mangyari na magawa iyon ng isang tao sa kanyang sarili.

May kakayahan ba ang tao na kainin ang sarili nitong laman at putulin ang katawan nang hindi agad namamatay?

Eat YourselfTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon