Chapter 6

549 49 6
                                    

PASADONG alas-otso na ng gabi natapos ang inuman ng BS-13 sa kanilang lungga. Nagkanya-kanya na ng uwi ang bawat isa.

Hindi kasabay ni Billy ang kuya sa pag-uwi dahil may pupuntahan pa raw ito kaya si Jun muli ang kasama niyang naglalakad nang mga sandaling iyon.

Sa Tabong Damo sila dumaan dahil iyon ang pinakamalapit na shortcut patungo sa uuwian nila. Napaliligiran ng matatangkad na damo ang daan at tanging makitid na lupa lang ang kanilang tinatapakan.

“Parang nakakatakot dito, Billy. Baka may ahas o kaya tipaklong!” Hindi sanay maglakad si Jun sa ganoong lugar dahil matindi ang takot niya sa mga ligaw na hayop at insekto na karaniwang makikita sa mga damo at halaman.

“Lakasan mo lang ang loob mo. Malapit lang ang daan na ito pauwi sa bahay n’yo. Tinuro lang din sa 'kin ito ni Kuya Carlos.”

“Oo nga kaya lang baka may—”

“Huwag kang matakot, Junjun. Alisin mo na dapat ang takot sa katawan mo dahil member na tayo ng BS-13 ngayon. Sabi sa 'kin ni Kuya Carlos kapag isa ka nang Black Syndicate wala ka na raw dapat kinatatakutan.”

“Sige na nga. Basta bilisan na lang natin.”

Binilisan nga ng dalawa ang paglalakad. Sa ingay ng mga paa nila, tila isang hindi nakikitang nilalang ang nagambala nila.

Bigla na lang silang nakarinig ng ingay na tila gumagapang patungo sa kanila. Malilikot ang mga paa nito na parang lalamunin sila sa oras na makalapit.

Sa takot ay napatakbo na ang dalawa.

Hindi na halos mahabol ni Jun ang kaibigan sa bilis ng pagtakbo nito. Hindi rin niya magawang tumakbo nang mabilis gawa ng labis na kaba sa kanyang dibdib. Halos hindi siya makahinga at bahagyang nanlalambot ang mga binti niya.

Habang papalayo ay lalong naririnig ni Jun ang malilikot na mga paang humahabol sa kanila. Hindi niya matukoy kung isa ba itong hayop o insekto. Basta’t ang alam niya ay napakabilis nitong tumakbo.

Sa labis na taranta ay nadapa si Jun. Sinubukan niyang sumigaw ngunit hindi na siya binalikan ni Billy. Tila nakalayo na ito sa bilis ng takbo nito. Siya na lang itong naiwan dito sa gitna ng damuhan.

Bago pa siya makatayo, isang insekto ang nakita niyang gumapang sa mga paa niya. Hugis bola ang katawan nito, may anim na galamay, at may buntot na kahawig ng katawan ng alupihan. Sa bandang harapan nito ay may dalawa itong kamay na kagaya ng sa alakdan.

Lalong lumakas ang sigaw ni Jun nang kumapit ang mga galamay ng insekto sa kaliwang paa niya. Sa maliit na bibig nito ay lumabas ang isang matulis na dila at tumusok sa binti niya.

Tumirik ang mga mata niya sa labis na sakit. Para siyang tinusok ng sampung karayom. Halos maubos ang boses niya sa kasisigaw.

Ilang sandali pa at kusang umalis ang kakaibang insekto sa binti niya. Hindi na niya alam kung saan ito nagpunta.

Naiwan siya roon na hindi makatayo at unti-unting namanhid ang binti kung saan siya kinagat. Nakaramdam siya ng pagkahilo hanggang sa magdilim ang paningin niya.

PAGMULAT ni Jun ay nasa kuwarto na siya ng bahay nila. Nakahiga siya sa papag, nanghihina habang nakaupo sa tabi ang kuya niya. Nakita rin niya ang kanyang nanay na nakatayo sa harap ng bukas na pinto.

Agad sumagi sa isip niya ang insektong kumagat sa kanya. Kahit nasa bahay na ay bigla siyang kinilabutan. Noon lang siya nakakita ng ganoong insekto sa tanang buhay niya.

Isang insekto na may kasindak-sindak na anyo. Na kahit sino’ng makakita nito ay talagang mapapalundag ang dibdib sa takot.

“Saan ka galing? Bakit amoy alak ka?”

Biglang nawala sa isip ni Jun ang tungkol sa insekto nang marinig ang galit na tinig ng kuya niya.

“Putang ina mong bata ka…kailan ka pa natutong uminom?”

“K-Kuya…” halos walang maisip na dahilan si Jun. Pinagpapawisan siya sa kaba. Nagsimulang manginig ang mga labi niya.

“Kahit kailan hindi kita tinuruan magbisyo dahil ayokong lumaki kang barumbado gaya ng mga tao rito. Pero ano ‘tong ginagawa mo? Kailan ka pa uminom? Sino’ng nagyaya sa 'yo? Dahil sa kalasingan mo natagpuan ka na lang kaninang nakabulagta sa damuhan! Pinakaba mo kami akala ko kung napaano ka na!”

Halos magwala ang puso niya sa kaba dahil sa sunod-sunod na tanong ng kuya niya. Para namang sasabog ang ulo niya dahil wala siyang maisagot na dahilan.

Napalingon siya sa kanyang ina na bahagyang nagtutubig ang mga mata gawa ng luhang nais kumawala. “Anak, kahit kailan hindi kita pinagmalupitan, tandaan mo ‘yan. Kahit medyo pasaway ka noon, palagi kitang iniintindi at pinagpapasensiyahan. Pero itong ginawa mo, sobra na ‘to. Kahit kailan hindi ko kayo tinuruan ng kuya mo na uminom. Itong si Kuya Andrew mo na mas matanda sa 'yo, ni minsan hindi pa nakatikim ng yosi at alkohol ‘yan. Pero bakit ikaw, ganyan? Ano ba’ng nangyari, Junjun? Bakit? Bakit?”

Tuluyang pumatak ang mga luha ng kanyang ina. Pati ito ay sadyang dismayado sa nagawa niya.

“M-Mama… Kuya Andrew…” sinubukan niyang maglambing sa kuya gamit ang tinig niya pero lalo lang siyang sinigawan nito.

“Sino’ng nagturo sa 'yong uminom! Trese anyos ka pa lang marunong ka nang lumaklak? Dinaig mo pa ako na umabot ng beinte cuatro pero hindi pa nakatikim ng alak!”

Halos madurog ang buto niya nang hawakan siya nito nang mahigpit sa braso.

“Sabihin mo sa 'kin, sino’ng nagturo sa 'yo na uminom? At bakit may mga pasa ka sa likod ng hita mo?”

Lalong dumagundong ang puso ni Jun. Para itong piniga at dinurog na halos ikasikip ng paghinga niya.

“Kasi kuya… May kumidnap sa 'kin kanina tapos pinainom ako at binugbog…”

“Putang inang bunganga ‘yan, napakasinungaling! Sabihin mo sa akin ang totoo!”

Muli siyang hindi nakapagsalita sa itinugon ng kuya niya. Wala na siyang maisip na dahilan kundi iyon lang.

“Magsabi ka ng totoo, anak. Huwag mo nang palalain ang sitwasyon. Ano ba talaga ang nangyari?”

“Mama… Hindi ko po sinasadya…” Napaiyak na rin si Jun matapos makita ang umiiyak na ina. Madaling bumigay ang puso niya kapag nakikitang umiiyak ang taong nagluwal sa kanya sa mundo.

“Anak, Junjun… Kahit kailan hindi kita sinungitan at hinigpitan. Hindi kita binabawalan maglaro sa labas at makipagkaibigan kahit kanino dahil gusto ko maging malaya ka. Nagbabakasakali ako na kapag ginawa ko iyon ay hindi ka magiging rebelde. Pero bakit ganito, anak? Bakit mo inabuso ang kabaitan ko sa 'yo?”

“Mama…” paulit-ulit na sambit ni Jun.

Dahil ayaw pang ibigay ng bata ang sagot na gustong marinig ni Andrew ay tuluyan na niya itong pinalo sa hita.

Lumakas ang palahaw ng bata at panay ang sambit sa nanay niya.

Si Aling Mercy naman ay nanatili lang sa kinatatayuan at umiiyak. Kung dati ay pinagagalitan niya si Andrew kapag sinasaktan ang kapatid nito, ngayon ay hindi niya magawang kampihan ang bata kahit pinapalo na ito ng kuya.

“Kapag hindi mo sinabi ang totoo, hindi ka na makakalabas ng bahay kahit kailan! Gusto mo ba ‘yon? Tutal sinisira mo na rin ang buhay mo ngayon, bakit hindi pa natin tuluyang wasakin para matapos ka na agad!”

Dinig hanggang sa labas ang boses ni Andrew. Pati ang ilang tambay ay napalapit sa bahay nila para makinig sa nagaganap.

“Bakit hindi ka pa umamin? Bakit hindi mo pa sabihin na may sinalihan kang frat kaya may pasa ka sa hita!”

Lalo pang umiyak ang bata at pilit na umiiwas sa bawat palo niya. “Kuya, tama na poooo!”

“Sabihin mo, galing sa frat ‘yan, ano? Sabihin mooo!”

“K-Kuya Andrew… Kuya, tama na pooooo!”

TO BE CONTINUED…

Eat YourselfTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon