Chapter 11

519 42 3
                                    

HABANG tinatahak ni Loiza ang maliit na eskinitang patungo sa tirahan nina Andrew ay hindi niya maiwasang mailang at kabahan.

Nakahilera sa paligid ang mga tambay na may iba’t ibang pinagkakaabalahan. Ang iba ay nag-iinom. Ang iba malalakas pa ang boses habang nagkukuwentuhan. May mga bata ring malilikot na nagtatakbuhan.

Bahagya rin siyang nagtakip ng ilong dahil sa amoy ng mga basurang nakakalat sa paligid. Hindi yata marunong maglinis ang mga tagaroon at hinahayaan lang liparin ng hangin ang mga basura sa lupa.

Nang marating na niya ang tirahan ng kaibigan ay naabutan niya si Aling Mercy na nagsasara ng tindahan.

Nakangiting nilapitan niya ito at kinalbit sa likod. “Magandang hapon po, Nanay Mercy. Ang aga n’yo yata magsara? Asan po si Andrew?”

Nagulat siya sa pagharap ng ale. May luha ito sa mga mata. “Loiza? Ikaw pala ‘yan! Diyos ko po, Loiza!”

“Bakit kayo umiiyak, Nanay Mercy? Ano hong problema?”

“Si Junjun ko, Loiza! Si Junjun!”

“Bakit? Ano pong nangyari kay Junjun?”

“Nandoon sila ng kuya mo sa loob ng kuwarto. Kaya nga ako lumabas dahil hindi ko kinaya ang nakita ko.”

“Ano po?” Labis ang pagtataka ni Loiza. Nagpunta siya roon para sana dumalaw lang sa kaibigan. Nag-takeout pa nga siya ng Jollibee meal para sa mga ito lalo na kay Junjun. Ngunit sa pagdalaw niya roon ay hindi niya inaasahan ang balitang sasalubong sa kanya.

Dali-dali siyang pumasok sa bahay at binitawan sa lamesa ang pagkain. Nagtungo siya sa kuwarto at binuksan ang pinto.

Ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang makita si Junjun na putol ang mga daliri sa kabilang kamay habang inaawat ito ni Andrew.

Nagsisigaw si Loiza nang makita kung paano kainin ng bata ang sarili nitong mga daliri. “Andrew! Ano’ng nangyayari!”

“Loiza!” Tila nakatagpo ng pag-asa si Andrew nang makita siya. “Kumuha ka ng tali doon sa ilalim ng lababo, pakibilis lang!”

Taranta siyang nagtungo sa lababo at kinuha sa ilalim ang lahat ng taling makita niya. Pagkabalik ay hinagis niya ito patungo kay Andrew.

“Tulungan mo naman ako rito! Igapos natin si Junjun!”

“Ano?” Napamulagat si Loiza sa gulat.

“Wala na akong maisip na paraan! Pakiusap tulungan mo na lang ako!” Pawis na pawis na si Andrew habang nangingilid ang luha sa mga mata.

Gawa ng labis na taranta ay hindi na nakapagsalita si Loiza. Sinunod na lang niya ang lahat ng sabihin ni Andrew sa kanya.

Itinali nila ang mga kamay at paa ni Jun saka inihiga sa papag upang hindi nito mahawakan ang sarili.

Parang bulate na nagwawala si Jun sa papag. Sigaw ito nang sigaw habang tumutulo ang laway. Takam na takam ito sa sarili at nais kainin ang sariling katawan.

“Ano ba’ng nangyayari dito, Andrew?” doon pa lang nagkaroon ng pagkakataon na makapagtanong si Loiza.

“Sa tingin ko, nangyayari na kay Junjun ‘yong nangyari sa anak ni Aling Bebang, pati doon sa kinuwento mong article sa akin!”

“Pero paano? Paano sa kanya dumapo ‘yong sakit? Magkasama ba sila lagi no’ng babaeng sinasabi mo?”

“Hindi sila magkakilala no’n kaya naguguluhan ako kung paano nahawa ang kapatid ko!”

“Bakit hindi natin siya dalhin sa ospital?”

“Iyon nga ang gagawin namin ni Mama ngayon kaya nga nagsasara na siya ng tindahan doon!”

Eat YourselfTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon