SA MALAYO pa lang ay natanaw na ni Andrew ang bagong bukas na tindahan ng kanilang bahay. Kita pa niya ang ilang mga tambay sa harap na kakuwentuhan ng nanay niya.
Binati siya ng ilan sa mga ito pero ngiti lang ang itinugon niya.
Pagkapasok sa loob ng gate ay nagmano agad siya sa ina. “Mukhang malakas ang benta natin sa first day, Ma, ah?”
“Naku oo! Ang dami ngang kostumer kanina halos hindi ko na alam kung sino uunahin ko. Pero enjoy naman kahit papaano.”
“Wait lang, Ma. Magbibihis lang ako.”
“O sige tapos kumain ka na isabay mo na ang kapatid mo.”
Pagpasok sa kuwarto ay naabutan niyang nakahiga si Jun at malalim ang tulog. Nilapag niya sa tabi ng unan ang dalang bag at kinuha ang damit pambahay na nakasabit sa likod ng pinto.
“Ma, magpahinga na muna kayo. Ako na’ng magbabantay d’yan.”
Paglingon ni Aling Mercy, nasilayan niya ang binatang nakaitim na sando at boxer shorts. “O, ambilis mo naman magbihis? Kumain ka na muna at pagod ka sa trabaho.”
“Busog pa ako, Ma. Ako na magbabantay d’yan. Sabihin mo na lang kung ano ‘yong mga presyo para ako na’ng bahala.”
Tumayo sa kinauupuan si Aling Mercy at isa-isang pinaliwanag ang presyo ng mga nakasabit na tinda.
“Sige, Ma. Ako na bahala rito.”
“Si Jun paunahin mo nang kumain baka nagugutom na ‘yon.”
“Natutulog pa, Ma. Hayaan mo na ‘yon.”
Dinampot ng ale ang suklay sa tabi ng latang lalagyan ng benta at pumasok na sa loob. Naupo nang pa-dekuwatro si Andrew sa silya habang binibilang ang tig-iisang daang piso na benta nila.
“Hijo, mabuti at may sarili na kayong tindahan. Saan kayo nakakuha ng puhunan?” tanong sa kanya ng isang matandang lalaking tambay sa harap. Isa ito sa mga kakilala ng ina.
“Nakaipon lang po ako sa trabaho. Halos isang taon ko ring pinag-ipunan ‘to. Ayoko kasing mangutang pa si Mama sa bumbay.”
“Aba’y mabuti nga ang ganoon. Mahirap nga naman magtayo ng tindahan kung inutang lang din ang puhunan. Atlis sarili n’yo lang ‘yong benta n’yo at wala na kayong iintindihing mga utang.”
“Kaya nga po, e.”
“Kita mo nga ‘yong tindahan ni Aling Betty galing din sa 5’6 ‘yong puhunan pero ngayon halos pakalbo na. Natatawa nga ako dahil no’ng minsang bumili ako roon palaging wala raw stock ‘yong binibili ko. Paano pa kaya siya makakabayad sa utang kung halos wala nang maibenta sa konti ng tinda.”
Hindi na sumagot si Andrew nang makisingit ang isa pang tambay sa usapan. “Naku, oo nga! Pakalbo na ‘yong tindahan ni Betty ngayon. Kanina sarado sila nadaanan ko. Bakit kaya?”
“Aba, malay ko ba! Baka tuluyan nang nagsara. E, balita ko nga nag-away raw sila ngayon ng anak niya dahil nangungupit daw ng pera para ipangsugal. Iyang anak talaga ni Betty lumaking barumbado! Sayang may hitsura pa naman pero ang sama ng ugali.”
“Si Dodong po ba?” singit ni Andrew sa usapan.
“Oo, hijo. Si Dodong nga. Kamakailan lang nakipagsuntukan na naman daw sa kabilang barangay dahil sa babae. Paano ba naman, nabuntis daw niya ‘yong isang babae na may asawa na. Ang tindi rin talaga ng Dodong na yaon! Ilang babae na ba ‘yong nabubuntis niya rito?”
Kilala ni Andrew ang lalaki dahil minsan na niya itong nakasagutan sa daan. Talagang matindi ang kulo sa ulo ni Dodong at halos lahat ng tagaroon ay nagiging kaaway nito. Pagdating naman sa babae ay nagiging maamong tupa ito.