Chapter 10

545 49 4
                                    

SAMPUNG minuto bago sumapit ang alas-singko. Tapos na lahat si Andrew sa kanyang ginagawa at nagba-browse na lang sa computer ng opisina niya.

Bigla siyang tinawag ni Loiza na katapat lang ng puwesto niya. “Uy, Andrew! Grabe ‘tong article na nakita ko! Ngayon ko lang nalaman na may ganito pala noon sa bansa natin!”

“Ano naman ‘yan?” walang buhay na tugon ni Andrew.

“Nangyari daw ito noong 1982. Meron daw kakaibang sakit na kumalat noon dito sa Pilipinas. Maraming namatay rito pero walang nakatuklas kung saan nanggagaling ang sakit na ito.”

“Bakit, ano ba’ng nangyari?”

“Lahat daw ng tinamaan nito ay nabaliw at kinain ‘yong sariling katawan nila!”

Biglang napahinto si Andrew sa ginagawa niya at naalala ang pagkamatay ng anak ni Aling Bebang. Ayon sa ale, kinain daw nito ang sariling katawan bago tuluyang namatay.

“Ulitin mo nga ‘yong sinabi mo!” utos niya kay Loiza.

“Ang sabi ko, may kakaibang sakit daw na kumalat noon dito tapos lahat ng tinamaan ay biglang nagbago ‘yong behavior! Bigla na lang daw nila kinain ‘yong sariling katawan nila. ‘Yong iba hiniwa raw ‘yong sarili nilang kamay, paa at mga daliri para kainin! I mean, eww! Is that even logically possible?”

Nakuha nito ang atensyon ni Andrew. “Puwede bang basahin mo ‘yong buong article?”

Ginawa nga ni Loiza. At ayon sa binasa nitong artikulo, mahigit 200 na katao raw ang dinapuan ng misteryosong sakit kung saan natatakam ang biktima sa sarili nilang katawan. Walang makapagsabi kung ano ang pumapasok sa isip ng mga ito para saktan at kainin ang kanilang sarili.

Ang huling biktima raw ng sakit na ito ay ang batang nagngangalang Patrick Acibar na namatay noong huling taon ng 1982.

Ayon sa mga magulang nito, iginapos pa raw nila ang bata sa upuan para hindi nito masaktan ang sarili. Subalit nagkaroon ito ng pambihirang lakas at nagawang makatakas mula sa pagkakagapos.

Binutas nito ang sariling tiyan at kinain ang bituka. Kung kailan paubos na ang dugo at laman sa katawan ay doon pa lang biglang namatay ang bata.

Ang ipinagtataka nila, paano nito nagawang manatiling buhay sa mahabang oras pagkatapos putulin at wakwakin ang iba’t ibang bahagi ng katawan? Nagawa iyon ng bata gamit lang ang sarili nitong mga kamay.

Isa itong uri ng kaso na mas matindi pa yata sa sapi.

“Si Danica!” nasambit ni Andrew habang puno ng sindak ang anyo.

“Ano kamo? Sino si Danica?” nagtatakang tanong ni Loiza.

“May isang namatay sa amin, ganyan din ang paraan ng pagkamatay niya!”

“Oh? Sigurado ka? Kailan pa?”

“Kapitbahay namin ‘yon. Ang narinig ko lang na sabi nung nanay, kinain din daw ng babae ‘yong sariling katawan niya bago ito namatay. Hindi nga rin ako makapaniwala noong una dahil kung iisiping mabuti parang napakaimposibleng mangyari no’n.”

“Weh?” Biglang napatayo si Loiza sa puwesto at lumapit sa kanya. “Ibig sabihin, parang naulit ‘yong nangyari noong 1982? Parang bumalik ‘yong misteryosong sakit?”

“Siguro nga. Teka, wala bang nakalagay kung paano kumakalat ‘yong sakit?”

“Wala nga, eh! Kaya nga tinawag na misteryosong sakit dahil hindi matukoy hanggang ngayon kung saan nagmula at kung paano kumakapit sa tao!”

Nalukot ang noo ni Andrew. Bigla siyang kinilabutan at napaisip. Ngayon lang siya natakot nang ganoon sa buhay niya.

Dahil hindi malaman kung saan ito nagmula at kung paano kumakalat, hindi rin niya alam kung paano ito maiiwasan.

Paano kung sa mga susunod na araw ay may bago na namang mamatay sa sakit na ito? Ang mas nakakatakot na tanong ay sino? At saan?

SA LABAS ng bahay nina Michelle nakapuwesto ang kabaong ni Aling Carmen. Halos hindi magawang lumapit dito ng babae dahil nahihiya pa rin siya sa nangyaring eskandalo.

Marami siyang bisita ngayon na nakikipaglamay sa ale. Lahat sila ay nakaupo sa harap at nagbabantay sa kabaong. Siya ay nakatayo lang sa pinto ng bahay at hindi pa rin magawang lumabas. Natatakot siya sa puwedeng sabihin ng ibang tao sa kanya. Lalo na’t siya ang dahilan kung bakit namatay ang kanyang ina.

Wala siyang maiharap na mukha sa tao. At lalong hindi niya magawang humarap sa kabaong ng kanyang ina.

May bagong bisita na dumating. Nagulat si Michelle nang masilayan sina Dodong at ilang miyembro ng grupo. Agad niyang pinunasan ang luha gamit ang likod ng kanyang palad.

Pinagtitinginan ng mga tao ang grupo habang sinisilip sa kabaong ang nakahimlay na ale. Nababasa niya sa anyo ng mga ito ang galit at pagkadismaya.

Sunod ay nilapitan siya ng mga ito at si Dodong ang humarap sa kanya para makipag-usap. “Sorry sa nangyari, Michelle. Maiintindihan ko kung aalis ka na sa grupo.” Maging si Dodong ay biglang lumambot ang puso dahil sa nangyari.

Walang maisagot si Michelle. Lalo na’t nakita niya ang ibang mga tao na nakatingin sa kanya at tila naghihintay sa isasagot niya.

Makakasagot lang siya kung walang nakatingin pero maraming nakapalibot ngayon sa labas ng bahay nila.

“Wala kayong kasalanan. Ako ang may kasalanan dito.” Sa wakas at nagawa rin niyang makapagsalita kahit maraming tao ang nakatingin.

Pansin din niya ang ibang nagbubulungan habang nakaguhit ang mapanuksong ngiti sa mga labi nila. Napayuko na lamang siya at muling tumulo ang mga luha.

“Nakikiramay kami,” sabi ni Dodong.

“Salamat!”

GUTOM na gutom si Jun. Inubos na niya ang lahat ng makitang pagkain sa pridyider pero kumakalam pa rin ang sikmura niya. Kahit anong kainin niya, tila ibang putahe ang hinahanap ng tiyan niya.

Nasa trabaho ang kuya niya at si Aling Mercy ang nagbabantay sa tindahan. Dito siya nagpaalam na lalabas sandali para magpahangin dahil brownout sa kanilang lugar nang hapon na iyon.

Pinayagan naman siya ng ina kaya dali-dali siyang lumabas para magpunta sa Tabong Damo kung saan makikita ang pagkaing hinahanap niya.

Habang naglalakad sa daan ay may nakasalubong siyang ligaw na pusa. Hindi ito lumalayo kahit lapitan niya. Tila hindi agresibo ang pusa at hindi rin natatakot sa kanya.

Nang makita niya ang malinis nitong balahibo ay biglang nag-iba ang ihip ng hangin sa tiyan niya. Halos pagpawisan siya habang naglalaway sa pagtitig dito.

Marahan niyang kinarga ang pusa at dinala sa likod ng isang abandonadong gusali. Ilang sandaling katahimikan ang namayani sa paligid bago nagtitili ang pusa.

Pagkaraan ng mahabang sandali, makikita si Jun na dinudukot ang lamang-loob ng pusa mula sa nawakwak nitong tiyan.

Hindi siya nakuntento at tuluyan pang pinunit ang wakwak na katawan ng hayop hanggang sa mahati ito sa dalawa.

Pambihira ang lakas ni Jun. Taglay niya ang lakas ng sampung halimaw.

Bawat nguya niya sa katawan ng pusa ay lumilikha ito ng ingay na maririnig hanggang sa kalsada.

Sa kalagitnaan ng ginagawa niya ay may boses na tumawag sa likuran niya. “Junjun!”

Gulat na gulat si Jun. Pamilyar sa kanya ang boses. Paglingon niya sa likuran ay tumambad ang kuya niyang nanlalaki ang dalawang mata habang nakatitig sa kanya.

Sindak na sindak, ibig nitong masuka sa nakita.

TO BE CONTINUED…
(Abangan Ang Huling Dalawang Kabanata)

Eat YourselfTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon