MADALING araw pa lang ay gising na si Andrew. Nagluto siya ng agahan para sa nanay at kapatid na mahimbing pa ang tulog sa mga sandaling iyon.
Hiniwalay niya ang pagkain ng mga ito at tinakpan sa ibabaw ng lamesa. Siya ay tinapay lang ang kinain at nagmamadaling maligo.
Nagsimula nang tumilaok ang mga manok sa labas. Makikita rin ang ilang residenteng nagwawalis sa harap ng kanilang mga bahay.
Sa harap ng salamin ay inayos ni Andrew ang buhok niyang abot hanggang leeg. Sinuklay niya paitaas ang gitnang bahagi upang itago ang bangs.
Isang malaking kasalanan sa kanya kapag pinagupit ang mahabang buhok. Ayaw na ayaw niyang alisin o baguhin ang ganoong hairstyle dahil iyon ang nagpapaangat sa confidence niya.
Masaya nga siya dahil hindi ipinagbabawal sa trabaho nila ang ganoong buhok. Iyon din ang itinuturin niya bilang ‘greatest asset’ sa kanyang katawan.
Hindi kumpleto ang pagkatao ni Andrew Gomez kung wala ang mala-emo na buhok niya.
Pagkatapos mag-ayos sa sarili ay lumabas na siya ng bahay at marahang sinarado ang pinto.
Habang tinatahak ang masikip na eskinitang patungo sa bayan ay nakakasalubong niya ang mga batang naglalaro at naghahampasan ng kawayan.
Muntik na siyang matamaan ng isa kaya hindi niya napigilang sigawan ang mga ito. “Hoy, padaanin n’yo nga ako! Ang aga-aga nasa labas na agad kayo! Magsiuwi nga kayo at nakakabulabog kayo rito! Nakita n’yo nang may dumadaan panay hampasan pa rin kayo d’yan!”
“E, ano bang pakialam mo?” matapang na sagot ng isang maitim na bata.
“Aba, sumasagot ka pa? Tinuturuan ka ba ng magulang mo na gumalang? Ha?” Tinutukan ni Andrew ng hintuturo niya sa noo ang bata.
“Sagot!” Nang hindi pa sumagot ay tuluyan niyang idiniin sa noo ng bata ang hintuturo sabay tulak dito.
“Huwag n’yo ‘kong subukan dahil hindi n’yo ‘ko kilalang magalit. Padaanin n’yo 'ko at baka mga ulo n’yo ang paghahampasin ko!”
Hindi na nakasagot ang mga sigang bata sa talim ng dila ni Andrew. Sa likod ng maamo nitong mukha ay may itinatagong pangil.
Habang palabas ng eskinita ay isang bata ang naglakas-loob na batuhin ng kawayan ang lalaki.
“Aray!”
Pagkalingon pa lang ni Andrew ay takbuhan na ang mga bata at mabilis na lumuwag ang gitna ng eskinita.
Nanggigil ang kamao niya at tumalim ang mga mata. Hindi na lang niya pinag-aksayahan ng oras na habulin ang mga ito. Nagtuloy-tuloy na siya sa paglakad patungo sa sakayan ng tricycle.
Naabutan niyang nakapila ang suki niyang tricycle driver na si Mang Edmon. Dito agad siya sumakay at nag-abot ng bayad.
“Hindi yata maganda ang umaga mo, ah. Nakasimangot ka na naman, Supladrew!” usisa sa kanya ng matanda sabay tawa.
Palibhasa’y palagi nitong naaabutan ang lalaki na lukot ang mukha at tila gustong lumamon ng tao. Kaya nga palagi niyang bansag dito ay Supladrew, pinagsamang Andrew at Suplado.
Habang nasa biyahe ay hindi nawawala ang pagsabog ng nagbabagang dugo sa ulo ni Andrew. Parang gusto niyang balikan ang mga bata para pagbuhulin ang leeg.
Ang ayaw niya sa lahat ay ang hinahamon siya nang ganoon dahil lalong lumalabas ang mga pangil at sungay niya.
Pagdating nga sa trabaho ay hindi na siya bumati sa mga kasama at dire-diretso nang tinungo ang opisina.