“PUTANG ina mo! Hindi mo alam kung gaano kahirap ang trabaho sa Kuwait para lang mapadalhan kita ng pera dito! Pero ano itong ginawa mo! Bakit ka sumali sa mga gang na ‘yan! May mapapala ka ba d’yan? Masisira lang ang buhay mo d’yan!”
May dalang pamalo na kawayan ang nanay ni Michelle na kauuwi lang sa Pilipinas at sermon agad ang ipinasalubong sa babae.
Gigil na gigil ang ale habang tumutulo ang luha sa mga mata. Si Michelle naman ay umiiyak din habang umaatras sa bawat palo sa kanya ng ina.
Lahat ng mga kapitbahay ay sa kanila ngayon nakatingin. Nakabalandra ang mag-ina sa gitna ng maliit na eskinita kaya halos walang makadaan doon. Si Michelle ay hindi na alam kung saan kakapit dahil sa tindi ng galit sa kanya ng inang si Carmen.
“Wala ka na ngang trabaho, sumasali ka pa sa mga gang na ‘yan! Kababae mong tao ginagawa mong barumbado ang sarili mo! Hoy, Michelle! Beinte uno ka na! Dapat nagtatrabaho ka na ngayon pero ano itong ginagawa mo? Sinisira mo lang ang buhay mo sa buwisit na gang na ‘yan!”
Panay ang hampas ni Aling Carmen ng kawayan sa babae. Habang ang babae ay iwas lang nang iwas habang nagmamakaawa sa kanya. “Parang awa n’yo na po, Nay! Huwag po dito! Maawa po kayo sa akin!”
“Maawa? Bakit sa akin ba naawa ka? Sobrang hirap ng mga pinagdaanan ko sa ibang bansa para lang mapadalhan ka ng pangkain at pambayad natin sa bahay! Dapat sa edad mong ito tinutulungan mo na akong magtrabaho para makaahon sa hirap! Pero ano itong putang inang pinaggagagawa mo? Sino ba ang nag-impluwensiya sa 'yo na sumali sa gang, ha! Sino!”
“Nanay, tama na po! Please lang po! Huwag po tayo rito mag-away maraming tao!”
“Wala akong pakialam kahit marami pang tao! Ano, nahihiya ka ngayon? Halos wala kang maiharap na mukha sa tao! Paano sinisira mo ‘yang pagkababae mo sa mga tarantadong ‘yon!”
Hampas muli. Hindi na alam ni Michelle kung paano iiwas. Pero sa eskandalong nangyayari ngayon, mas nasasaktan siya sa sinasabi ng ina kaysa sa pagpalo nito sa kanya.
“Alam mo ba kung gaano kasakit sa pakiramdam ko nang mabalitaan kong sumali ka sa isang gang at kung kani-kaninong lalaki ka nagpapagalaw? Para akong sinaksak sa puso! Pinagmamalupitan na nga ako ng mga amo ko, lalo mo pang dinagdagan ang sakit ko sa puso! Hindi mo alam kung gaano kahirap kumita ng pera para lang makapagpadala rito! Tapos lalaspagin mo lang sa putang inang mga adik na kasama mo? Wala kang awa sa akin! Ikaw pa yata ang papatay sa akin, hayop ka!”
May isang lalaki ang nagsubok na umawat sa kanila pero nakatikim lang din ng palo mula sa kawayan ni Aling Carmen.
“Aray ko! Huwag n’yo naman akong paluin, Aling Carmen. Inaawat ko lang kayo dahil nakakabulabog na kayo sa mga kapitbahay!”
“Huwag mo 'kong pakialaman kung ayaw mong basagin ko ‘yang mukha mo sa pamalo ko! Umalis ka rito!”
Sa talim ng dila ng ale ay wala nang nagawa ang lalaki.
Nawalan tuloy ng kakampi si Michelle. Lalong tumindi ang paghampas at pagpalo sa kanya ng ina. Nakarating na sila sa gitna ng kalsada kung saan mas maraming tao ang nakakakita. May mga bata pa nga at tricycle na napahinto.
Parang isang stage play na pinapanuod ng mga tagaroon ang nagaganap na bangayan ng mag-ina.
“Puta ka na ina mong babae ka! Ano’ng ginawa ko sa 'yo? Ano’ng pagkukulang ko sa 'yo at bakit mo nagawa sa 'kin ito? Noong baby ka pa lang, halos magkasakit na ako sa paglalabada sa mga kapitbahay para lang makabili ng gatas at pagkain mo! Hanggang sa lumaki ka at makapagtapos ng pag-aaral ako pa rin ang nagtatrabaho para mabuhay ka! Anong klaseng tao ka! Bakit wala kang alam na gawin sa buhay mo ang tanda-tanda mo na!”
Sa sumunod na hampas ni Aling Carmen ay nadapa na si Michelle sa kalsada. Hindi pa nakuntento ang ina at sinabunutan pa siya. Halos imudmod na ang mukha niya sa lupa. “Wala kang kuwentang anak! Daig mo pa ang mga lalaking nag-aadik dito! Saan mo ba nakuha ang ugali na ‘yan! Kahit kailan hindi kita tinuruang lumandi at maghubad-hubad!”
Nalaman lang ng ale ang nangyayari sa anak nang magpadala ng mensahe sa online ang isa sa mga kakilala nito na nakahuli kay Michelle.
Nahuli itong nag-uuwi ng kung sinu-sinong lalaki sa bahay para magpagalaw. Dinig pa nila minsan ang mga ungol ng babae habang nakikipagtalik.
Nahuli rin itong sumali sa grupo ng BS-13 kung saan puro lalaki ang mga kasama mula sa paggala hanggang sa pag-inom tuwing gabi.
Minsan ay palihim itong kinuhanan ng video habang nakikipaglandian kay Dodong kasama ang iba pang kagrupo. Ipinadala ito sa ale gamit ang Messenger. Doon ay napilitang lumuwas ang ale sa sama ng loob dahil gusto nitong makita at masabunutan ang anak.
“Hindi mo alam ang hirap na pinagdaanan ko para lang mabigyan ka ng magandang buhay! Pero ikaw lang itong sumisira sa sarili mong buhay, hayop kang babae ka! Nawalan na 'ko ng gana sa 'yo! Sana hindi na lang kita naging anak! Putang ina kang punyeta, tarantada, haliparot, malandi, gaga!”
Sa tindi ng galit ni Aling Carmen ay unti-unting sumikip ang kanyang dibdib. Nabitawan niya ang pamalo at dahan-dahang bumulagta sa kalsada.
Gulat na gulat si Michelle at agad nilapitan ang ina. Sobrang lakas ng kabog ng dibdib niya lalo na nang makitang nahihirapan huminga ang ale. Tila sinumpong na naman ito ng sakit sa puso.
“Nanay! Nanay, gumising ka! Gumising ka, Nay!” tumindi ang pagtangis ng babae nang mawalan ng malay ang ina.
Kahit hiyang-hiya sa mga tao ay napilitan siyang humingi ng tulong para buhatin ang ina at dalhin sa ospital.
Ngunit pagkatapos suriin sa ospital, idineklara ng duktor na wala na ang ina niya. Heart attack ang dahilan ng pagkamatay nito.
Lalong gumuho ang mundo ni Michelle. Ngayon lang siya umiyak nang ganoon katindi habang yakap-yakap ang katawan ng ina.
Pilit niya itong ginigising at ibinabangon sa kama. Halos magwala siya sa loob ng kuwarto. Dinig na hanggang sa labas ang pagtangis ng babae. Lahat ng napadaan ay napapasilip sa kanya.
“Nanaaaaay!”
Inawat ng mga nurs si Michelle palayo sa bangkay. Lalo pa siyang nagwala nang makitang balutan ng kumot ang ina niya.
“GRABE talaga ‘yong nangyari kanina, Ma. Naawa tuloy ako sa nanay ni Michelle. Ramdam ko ‘yong galit ni Aling Carmen kanina,” sabi ni Andrew sa ina habang nasa loob sila ng tindahan.
Si Andrew ang nakatoka sa pagbabantay habang si Aling Mercy ang nag-aayos ng mga bagong paninda.
“Sinabi mo pa, anak. Sobrang nagpapakahirap ‘yong tao sa ibang bansa pero nagloloko-loko lang pala ‘yong anak dito sa Pinas.”
“Hindi rin kasi nag-iisip si Michelle, eh. Kababaeng tao kung anu-ano ang pinaggagagawa sa buhay. Masuwerte nga siya at meron siyang magulang na nakapagtrabaho sa ibang bansa. E, ang dami-dami nga rito na gusto rin makapag-abroad pero hindi pinalad. Tapos siya naman puro pasarap lang ang ginagawa. Nasasayang tuloy ‘yong sakripisyo sa kanya ng nanay niya.”
“Tama ka d’yan, anak. Pati nga ako napapaiyak din kanina habang tinitingnan ko si Carmen. Diyos ko, awang-awa talaga ako sa kanya! Parang gusto ko siyang lapitan at damayan. Sana okay lang siya ngayon lalo na’t inatake pa naman sa puso kanina sa gitna ng daan.”
“Kaya nga po, eh. Ito ‘yong bagay na ayaw kong mangyari kay Junjun. Baka lumaki ring ganoon ‘yong bata kapag hindi natin binantayan nang maayos. Kaya sana huwag kayo matakot sabihan at pagalitan ‘yang si Junjun para tumino. Baka lumaki ring gago ‘yan kapag bine-baby n’yo lalo.”
“O, sige maglilinis muna ako sa kusina at ikaw na’ng bahala rito. Nalagyan ko na rin ng presyo itong mga ketchup at sardinas.”
SAMANTALA, si Jun ay nakakulong sa kuwarto habang kalaro ang insektong kumagat sa kanya. Nakasandal siya sa papag habang pinapagapang ito sa kamay niya.
Umakyat ang insekto sa kanyang balikat at inilabas ang manipis na dila. Pumasok ang dila sa kaliwang tainga niya at doon nagsimulang tumirik ang kanyang mga mata kasabay ang pagnginig ng katawan.
TO BE CONTINUED…