HABANG abala sina Andrew at Aling Mercy sa tindahan, pasimpleng lumabas ng kuwarto si Jun at nagtungo sa banyo.
Binilisan niya ang pagligo at nagtapis ng tuwalya upang hindi makita ang mga pasa niya sa likod ng hita.
Dali-dali siyang nagbihis ng t-shirt at jogging pants saka nagpaalam sa nanay na pupunta lang kina Billy.
“Mag-ingat ka, anak,” sabi sa kanya ng ina habang nagbibilang ng benta. Hindi na siya napansin ng kuya dahil kaharap nito ang isang kostumer.
Paika-ika siyang naglakad patungo sa bayan. Doon sila nagkita nina Billy kasama ng ibang miyembro ng BS-13.
“Hoy kayong dalawa. Iinom kayo ngayon, ah! Walang excuse dito.”
“Opo, boss!” magalang na sagot ni Jun kay Dodong na nakaakbay kay Michelle.
“Ang sarap mo talaga, Michelle. Kahit wala ka pang ligo napakabango mo pa rin.” Gumapang sa leeg ng babae ang mukha ng lalaki.
“Ikaw talaga masyado kang manyak. Kaya nga gustong-gusto kita, eh!”
Tawanan ang dalawa.
Tamang tambay lang grupo sa isang waiting shed na katapat ng simbahan habang naghihintay sa iba pang miyembro.
Sa gilid nila ay nakahilera ang mga street foods gaya ng isaw, atay, kalamares at fish ball. Sa kabilang bahagi ng masukal na daan ay nakatayo ang isang sira-sirang court na kasalukuyang inookupa ng mga batang naglalaro ng basketball.
Magulo, maingay at masaya ang maulap na hapong iyon. Isang tipikal na araw sa bayan ng Federamo kung saan nasanay ang mga tao na mamuhay nang normal kahit walang pera.
Nang makumpleto na ang grupo ay sabay-sabay nilang pinuntahan ang bahay ng kanilang founder sa Brgy. Sulok.
Kanya-kanya na ng yosi ang iba habang sina Carlos at Dodong ay naghanda ng mga lamesa at pulutan.
“Ito na ‘yong pambili natin ng alak. Bili kayo ng tatlong empe saka tatlong case ng red horse. Samahan n’yo na rin ng sisig ‘yong may sili.” Binigay ni Michelle ang pera sa lalaking naatasan bumili ng alak.
“Wow yayamanin ka pala, ah!”
“Kapapadala lang kasi ng nanay ko sa abroad kaya may pera ako ngayon.”
Dumikit muli si Dodong sa babae. “Baka puwedeng makahingi ng pangload. Malapit na kasi matapos ang season kaya kailangan ko nang magpa-rank up sa ML.”
Nalukot ang noo ng babae sa kanya. “Grabe ka sa 'kin! Pero sige dahil may pera naman ako ngayon bibigyan na kita. Ayan!” Isinampal ni Michelle ang dalawang daang piso sa mukha ng lalaki.
“Wow salamat! Ang bait mo talaga mare sana kunin ka na ni Lord!” Akmang hahalik na ang lalaki pero itinulak ito ng babae saka banayad na sinampal sa pisngi.
“Wala pa ako sa mood! Mamaya mo na lang ako ganyanin kapag lasing na tayo!”
Natawa si Dodong. “Aba oo naman mas gusto ko ‘yan!” Saglit siyang nagpaalam sa mga kasamahan para magpa-load sa bayan.
NANG magsimula ang inuman ng grupo ay unang pinatikim ng alak sina Jun at Billy. “Kayo ang mauna para matuto kayo agad sa mga buhay n’yo!” asik sa kanila ni Dodong.
Agad inubos ni Billy ang laman ng baso kasabay ng pagkalukot ng kanyang mukha gawa ng mapait na lasa ng alak.
Si Jun naman ang sunod na tumagay. Sa una halos hindi niya malunok ang bawat patak ng alkohol sa kanyang dila. Pero dahil natatakot mapag-tripan ng grupo ay pinilit niyang inubos ang baso kahit halos masuka-suka sa unang tikim.
Sa una ay paunti-unti lang ang tagay ni Jun. Halos bumaligtad ang sikmura niya sa lasa ng alak. Pero sa kalagitnaan ng inuman ay hindi na niya kilala ang sarili.
Ang bilis ng tama ng alak sa kanya.
Kanina lang ay halos hindi siya umiimik gawa ng pagkailang sa mga kasamahan. Pero ngayon siya na ang kumakanta sa harapan habang pumapalakpak ang mga kalalakihan.
Wag matakot sumindi, hey hey ya!
Wag matakot suminghot, hey hey ya!
Wag matakot humithit, hey hey ya!
Wag matakot uminom, hey hey ya!Parang mga demonyong nagtatawanan ang mga lalaki habang sumasabay sa pagra-rap ni Jun na bahagyang namumula na ang mata.
Sabog hanggang umaga
Bawat usok taglay ay gayuma
Hindi kinaya ang lakas ng tama
Namumula ang mata wala nang pahingaNagliliyab ang utak dahil sa marijuana
Di na mabilang ang babaeng naikama
Sakit ko kung kani-kanino ko naipasa
Anlupet ni Mary Jane sumigaw ng darnaHindi ito puwede sa mga bata
Bawal din ito sa mga matanda
Para lang ito sa mga siga
Tago sa dilim para di makitaSobrang naaliw si Michelle sa pagra-rap ni Jun kaya nilapitan niya ito at niyakap nang mahigpit. Biglang nadikit ang mukha ng bata sa malalaking dibdib ng babae na lalong ikinatuwa ng mga kalalakihan.
“Alam mo parang kilala kita,” sabi ni Michelle sa bata. “Ikaw ba ‘yong kapatid ni Andrew?”
“B-Bakit po?” tila nawala ang kalasingan ni Jun sa tanong na iyon. Bigla siyang kinabahan.
“Buti at naging member ka rito? Alam ba ‘to ng kuya mo?”
Bago pa makasagot ang bata ay umarangkada na naman ang mga bully nilang miyembro. “Hindi pa alam ‘yaaaan! Hindi pa ‘yaaaaan! Isusumbong na ‘yaaaan!”
Nagtawa si Michelle at hinaplos-haplos ang buhok ng bata. “Joke lang, boy! Don’t worry hindi kita isusumbong sa kuya mo. Basta tabihan mo lang ako at iinom tayo, ha?”
Nakipagpalit muna ng puwesto si Jun kay Dodong. Muling nagpatuloy ang inuman ng grupo habang nakaakbay ang babae sa inosenteng bata.
“Ilang taon ka na ba, boy?”
“13 po, ate,” magalang na sagot ni Jun kay Michelle.
Humiyaw uli ang mga lalaki. “Wow! 13 pa lang pero bumibisyo na!”
“Nakatikim ka na ba ng trese anyos?”
Tawanan.
Pati si Jun ay nakitawa na rin para hindi mapahiya sa mga kasama. Bawal doon ang pikon.
“Kung ako sa 'yo, Michelle, binyagan mo na ‘yan para maging binata na agad!”
Siniko ni Dodong ang katabi sa sinabing iyon ng lalaki. “Hoy! Akin lang si Michelle, ah! Kapag may gumalaw d’yan puputulan ko ng ari mga putang ina n’yo!”
Tawanan at hiyawan.
“Kung maka ‘akin lang’ ka naman sa akin, ah!” natatawang bulalas ni Michelle sa lalaki. “Hindi ka pa nga nanliligaw inaangkin mo na ako?”
“Kailangan pa ba ng ligaw-ligaw? Hindi ba puwedeng diretso na agad sa kama?”
Muli, ang tawanan.
HABANG nagkakasiyahan ang grupo sa malalim na inuman, si Andrew ay umuusok na naman ang tainga sa kahihintay sa bunsong kapatid.
Latag na ang gabi pero hindi pa rin ito umuuwi. Nakadungaw siya sa maliit na bintana ng tindahan habang inaabangan ang paglitaw ng pasaway na bata.
“Anak, tawagin mo na kaya si Jun sa labas at kakain na tayo.”
Agad nilingon ni Andrew ang ina. “Hindi ko nga ho alam kung saan na naman nagpunta ‘yong gago na ‘yon, Ma, eh! Kanina ko pa nga hinihintay, eh!”
“Lumabas ka muna at hanapin mo. Baka nasa kanto lang o nasa bayan.”
“Makakatikim talaga sa 'kin ‘yon kapag nakita ko!” Padabog na tumayo si Andrew sa kinauupuan at lumabas ng tindahan para hanapin ang bata.
Si Aling Mercy muna ang nagbantay habang nagsusuklay ng basa nitong buhok.
TO BE CONTINUED…