Nasa murang edad kapa ngunit gusto mo na ang iyong desisyon ang masusunod. Kung gusto mong gumala, wala silang magagawa, kung gusto mong magpakalasing, sasabihan mo lang sila na sa may alas 6 ng umaga ka na darating. Tila isa kang lorong nakalaya sa hawla ng mga magulang na 'di man lang napansin na hindi kaya ng iyong munting pakpak ang lumipad ng malayuan at matagalan.
Minsan mapangahas tayo sa pagsuong sa kasukalan ng buhay. Kinakalimutan nating huwad ang ating pagiging matapang sapagkat nadala lang sa impuwensiya ng barkada. Lahat ng kapangahasan ay pagpapanggap at pagsisisi.
Kung akala natin na paglipad ang yaong paglaya, hindi!. Isa itong pagkalagas na hahantong sa paglipad ng hangin sa iyo sa kung saan-saan hanggang sa mapansin mong hindi mo na kilala ang hangin na tumatangay sayo, kung kaya'y 'di mo na rin alam kung saan ka dadalhin nito.