Kabanata 9&10: Mga Suliranin Tungkol sa Bayan at Ang San Diego

41.8K 161 9
                                    

Kabanata 9:

Mga Suliranin Tungkol sa Bayan


May isang karwaheng nakatigil sa tapat ng bahay ni Kapitan Tiyago.  Ang nakasakay sa loob nito ay si Tiya Isabel at hinihintay na lamang na sumakay si Maria.  Tiyempong dumating si Pari Damaso at tinanong ang mag-ale.  Sinabi nilang kukunin ni Maria ang mga kagamitan nito sa Beaterio.  Ang ganito ay hindi minabuti ng pari, bubulong-bulong na nagtuloy siya sa bahay ni Tiyago.  Ang pagbulung-bulong ng pari ay inaakala ni Isabel na mayroon itong minimemoryang sermon.

Nahalata kaagad ni Kapitan Tiyago ang pagbabagong anyo ng Pari nang hindi nito iabot ang kamay nang magtangka siyang magmano rito.  Sinabi ng pari na kailangang mag-usap silang sarilinan ni Kapitan Tiyago.  Pumasok sila sa isang silid at isinarang mabuti ang pinto.

Sa kabilang dako, pagkaraang makapagmisa si Pari Sibyla, kaagad na nagtuloy siya sa kumbento ng mga Dominiko sa Puerta de Isabel II.  Dumiretso siya sa isang silid at tumambad sa kanyang paningin ang anyo ng isang matandang paring may sakit. Siniglahan siya ng matinding pagkaawa rito.  Ikinuwento ni Pari Sibyla sa paring may-sakit ang tungkol sa naganap na pagkakaalitan nina Pari Damaso at ni Ibarra.  Ipinaliwanag ni Pari Sibyla na si Ibarra ay taong mabait at mabuting tao.  Ang dalawang pari ay nagpalitan ng mga kuru-kuro tungkol sa mayamang binata, kay Maria Clara at kay Kapitan Tiyago.  Sa kanilang pagsusuri, ang mga ito ay lubhang napakalaki ng maitutulong sa ikasusulong ng kanilang korporasyon at kapatiran ng panahong iyon.

Sa paniniwala ng may sakit na pari, dahan-dahan ng nawawala ang kanilang mga kayamanan lalo na sa Europa dahil sa pagtaas ng buwis na nagiging dahilan ng pagkawala ng kanilang mga ari-arian.  Hindi na nararapat, anya, ang pagtataas ng buwis sa kanilang mga lupain sapagkat ang Pilipino ay natututo ng mamili ng lupa sa iba’t ibang lugar at lumilitaw na kasimbuti rin ng sa kanila o higit pa.

Bago umalis si Pari Sibyla, naibalita rin niya na ang Tinyente ay hindi rin nagsumbong sa Kapitan-Heneral at diumano, ito ay nakikiisa pa kay Pari Damaso.  Pero, nalaman din ng kapitan ang buong pangyayari. Ito ay naibalita ni Laruja sa isang pahayagan.  Si Pari Damaso ay napalipat pa sa higit na mabuting bayan.

Sa kabilang banda naman, natapos na rin ang masinsinang pag-uusap nina Kapitan Tiyago at Pari Damaso.  Sinisi ni Pari Damaso si Kapitan Tiyago dahil sa hindi nito pagtatapat.  Binalaan pa niya ang kapitan na kailanman ay huwag itong magsinungaling sa kanya sapagkat siya ang inaama ni Maria Clara.  Pag-alis ng Pari, kaagad na pinatay niya ang mga ipinatulos na dalawang kandila kay Maria na patungkol para sa maluwalhating paglalakbay ni Ibarra patungong San Diego.

Kabanata 10:

Ang San Diego


Ang San Diego ay isang karaniwang bayan sa Pilipinas na nasa isang baybayin ng isang lawa at may malalapad na bukirin at palayan.  Karamihan sa nakatira rito ay mga magsasaka.  Dahil sa kanilang kamangmangan, ang mga inaaning produkto agrikultura ay naipagbibili nila ng murang-mura sa Tsino.

Mula sa pinakamataas na bahagi ng simboryo ng simbahan, halos natatanaw ang kabuuan ng bayan.  Sa may itaas na bahagi, may kubo na sadyang itinayo.  Gayunman, mapapansin sa pagtanaw sa kabuuan nito ang isang tila pulong gubat na nasa gitna mismo ng kabukiran.

Kagaya pa ng ibang bayan sa Pilipinas, ang San Diego ay mayroong itinatagong alamat.  May isa umanong matandang Kastila na dumating sa bayan.  Ito ay matatas magsalita ng Tagalog at nanlalalim ang mga mata.  Binili niya ang buong gubat.  Ang mga pinambayad niya ay mga damit, alahas at salapi.  Hindi nagtagal ang matanda ay nawala.

Isang araw ang mga nagpapastol ng kalabaw ay nakaamoy ng masangsang na amoy.  Hinanap nila ang pinanggalingan ng amoy at nakita nila ang nabubulok na bangkay ng matanda na nakabitin sa isang puno ng Baliti.

Dahil sa pagkamatay ng matanda, lalo siyang kinatakutan sapagkat nung nabubuhay pa siya, takot na takot sa kanya ang mga babae sa pagkat bahaw ang tinig nito, paimpit kung tumawa at malalalim ang mga mata.  Sinunog ng ilan ang damit na galing sa matanda at ang mga hiyas naman ay tinapon sa ilog.

Hindi nagtagal, isang batang mistisong Kastila ang dumating at sinabing siya ang anak ng namatay.  Ito ay may pangalang Saturnino.  Siya ay masipag at mapusok.  Sininop niya ang gubat.  Sa kalaunan, nakapag-asawa siya ng isang babaeng taga-Maynila at nagkaroon ng anak na tinawag niyang Rafael o Don Rafael, na siyang ama ni Crisostomo.

Si Don Rafael ay hindi malupit bagkus siya ay mabait. Ito ang dahilan kung bakit kinagiliwan siya ng mga magsasaka.  Napaunlad niya ang lugar, mula sa pagiging nayon, ito ay naging bayan.

Nagkaroon ng isang kura Indiyo. Pero, nang namatay si Padre Damaso na ang pumalit at naging kura ng parehong  bayan.

Ang Buod ng "Noli Me Tangere"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon