Kabanata 35&36: Mga Usap-usapan at Ang Unang Suliranin

20.5K 71 2
                                    

Kabanata 35:

Mga Usap-usapan


Ang mga pangyayaring namagitan kina Ibarra at Padre Damaso ay madaling kumalat sa buong San Diego.  Sa mga usapan, hindi matukoy kung sino ang may katwiran sa dalawa.  Nagkakaisa ang lahat na kung naging matimpi si Ibarra, hindi sana nangyari ang gayon.  Pero, ikinatwiran ni Kapitan Martin na walang makapigil kay Ibarra sapagkat wala itong kinatatakutang awtoridad.  Handa ang binata na dungisan ang kamay nito sa sinumang lumapastanganan sa kanyang ama.  Dahil sa maagap na pagsansala ng kanyang itinangi at minamahal na si Maria. Kaya, hindi niya itiniloy ang balak na kitlan ng hininga si Padre Damaso.

Ipinapalagay naman ni Don Filipo na hinihintay daw ni Ibarra na tulungan siya sa taumbayan bilang pagtanaw ng utang na loob sa kabutihang nagawa niya at ng kanyang ama.  Nanindigan naman ang Kapitan ng Bayan na wala silang magagawa sapagkat laging nasa katwiran ang mga prayle.  Ang ganito, anang Don Filipo ay nangyayari sapagkat hindi nagkakaisa at watak-watak ang mga taumbayan samantalang ang mga prayle at mayayaman ay nagkakabuklod-buklod.

Sa kabilang dako, karamihan naman sa mga babae ay takot na mawalay sa grasya ng simbahan.  Tanging si Kapitana Maria lamang at pumili kay Ibarra at sinabing karangalan niya ang magkaroon ng anak na magtatangol at mangangalaga sa sagradong alaala ng yumaong ama.  Sakmal naman ng matinding pagkatakot ang mga magsasaka na hindi matuloy ang pagpapatayo ng paaralan.  Sapagkat bawa’t isa sa kanila ay naghahangad ng anak na makatapos ng pag-aaral.  May nagsabing hindi na matutuloy ang pagpapatayo ng paaralan sapagkat tinawag na pilibustero ng prayle si Ibarra.  Hindi naman maintindihan ng mga magsasaka ang kahulugan ng Pilibustero.

Kabanata 36:

Ang Unang Suliranin


Isang malaking gulo ang nangyayari sa bahay ni Tiyago dahil sa hindi inaasahang pagdating ng Kapitan-Heneral.  Si Maria ay panay ang pagtangis at hindi pinakikinggan ang payo ng kanyang ale at ni Andeng.  Paano nga, pinagbawalan si Maria ng kanyang ama na makipag-usap kay Ibarra habang hindi pa inaalis ang eskomonyon sa binata.

Saglit na umalis si Kapitan Tiyago sapagkat pinapupunta ito sa kumbento.  Pinatuloy na inaalo naman ni Tiya Isabel si Maria sa pagsasabing susulat sila sa Papa at magbibigay ng malaking limos.  Madali namang mapapatawad si Ibarra sapagkat nawalan lamang ng ulirat si Padre Damaso.  Si Andeng ay nagboluntaryong gagawa ng paraan para magkausap ang magkasintahan.

Nasa gayon silang pag-uusap nang bumalik si Kapitan Tiyago.  Sinabi nito na inutusan siya ng pari na sirain ang kasunduan ng pag-iisang dibdib ng magkasintahan.  Si Pari Sibyla ay nagsabi naman na huwag tanggapin si Ibarra sa kanyang tahanan at ang utang ni Kapitan Tiyago na P50,000 sa binata ay huwag ng pabayaran kundi mawawala ang kanyang buhay at kaluluwa.

Inalo ni Kapitan Tiyago si Maria sa pagsasabing ang ina raw nito ay nakita lamang niyang umiyak nang ito’y naglilihi.  Isa pa, anito, may kamag-anak si Padre Damaso sa nakatakdang dumating mula sa Europa at siyang inilalaan ng maging panibagong katipan ni Maria.  Sindak ang mga kausap ni Kapitan lalo na si Maria na napailing lamang, umiiyak at tinakpan ang mga tainga.  Pati si Isabel ay nagalit at sinabihan ang Kapitan na ang pagpapalit ng katipan ay hindi parang nagpapalit lamang ng baro.

Dahil kaibigan ni Kapitan Tiyago ang Arsobispo, iminungkahi ni Tiya Isabel na sulatan ito.  Pero, sinabi ng Kapitan na mawawalang kabuluhan lamang sapagkat ang Arsobispo ay isang prayle rin at walang ibang paunlakan kundi ang mga kapwa prayle.  Pagkaraang pagsabihan ng Kapitan si Maria na tumigil na ito sa kangangalngal at baka mamugto ang mga mata.  Hinarap na niya ang paghahanda sa bahay.

Pamaya-maya dumating na nga ang Kapitan-Heneral.  Ang buong kabahayan ni Kapitan Tiyago ay nagsimula ng mapuno ng mga tao.  Si Maria naman ay tumakbo sa silid at nagdasal sa Mahal na Birhen.  Nasa ganito siyang kalagayan ng pumasok ang kanyang Tiya Isabel at sinabing gusto siyang makausap ng Kapitan-Heneral.  Mabigat man sa loob ay unti-unti na siyang nag-ayos ng katawan.

Ang Buod ng "Noli Me Tangere"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon