Kabanata 13:
Mga Unang Banta ng Unos
Dumating si Ibarra sa libingan at hinanap ang puntod ng ama - si Don Rafael. Kasama niya ang isang matandang utusan niya. Sinabi ng matanda kay Ibarra, na si Kapitan Tiyago ang nagpagawa ng nitso ni Don Rafael. Ito anya ay tinaniman niya ng mga bulaklak ng Adelpa at Sampaga at nilagyan ng krus.
Nakita nina Ibarra at matanda ang sepulturero. Sinabi nila ang palatandaan ng libingan ni Don Rafael. Tumango ang tagapaglibing. Pero, nasindak si Ibarra ng ipagtapat ng sepulturero na kanyang sinunog ang krus at itinapon naman ang bangkay sa lawa dahil sa utos ni Padre Garrote. Higit umanong mabuti na mapatapon ang bangkay sa lawa kaysa makasama pa ito sa libingan ng mga Intsik.
Parang pinagtakluban ng langit at lupa si Ibarra. Nasindak siya ng husto. Ang matanda naman ay napaiyak sa kanyang narinig. Parang baliw na nilisan ni Ibarra ang kausap hanggang sa makasalubong niya si Pari Salvi na nakabaston na may puluhang garing.
Kaagad na dinaluhong ni Ibarra si Pari Salvi. Bakas sa mukha ni Ibarra ang nagalalatang na poot at galit sa dibdib. Nararamdaman iyon ni Pari Salvi. Tinanong ni Ibarra si Pari Salvi kung bakit nagawa nila ang malaking kalapastangan sa kanyang ama. Sumagot si Pari Salvi na hindi siya ang may kagagawan niyon kundi si Padre Damaso na tinawag na Padre Garrote.
Kabanata 14:
Si Pilosopo Tasyo
Si Pilosopo Tasyo ay dating Don Anastacio. Siya ay laging laman ng lansangan, walang tiyak na direksyon ang kanyang paglalakad. Nang araw na iyon ay dumalaw din siya sa libingan upang hanapin ang puntod ng nasirang asawa. Ang pagkakilala kay Tasyo ng mga mangmang ay isang taong may toyo sa ulo o baliw.
Anak siya ng mayaman. Pero, dahil sa katalinuhan niya ay pinahinto sa pag-aaral mula sa dalubhasaan ng San Jose. Natatakot kasi ang kanyang ina, na dahil sa pagtatamo niya ng higit na mataas na kaalaman, baka makalimutan niya ang Diyos. Isa pa, gusto ng kanyang ina na siya ay magpare. Pero, hindi niya ito sinunod at sa halip ay nag-asawa na lamang siya. Gayunman, pagkaraan ng isang taon, namatay ang kanyang asawa. Inukol na lamang ni Tasyo ang sarili sa pagbabasa ng mga aklat hanggang sa mapabayaan niya ang kanyang mga minanang kayamanan.
Bagamat nang hapong iyon mayroong babala na darating ang unos sapagkat matatalim na kidlat ang gumuguhit sa nagdidilim na langit, masaya pa rin ang hitsura ni Pilosopo Tasyo. Ito ang ipinagtaka ng mga taong nakakausap niya. Tinanong siya kung bakit, diretso ang sagot niya:
Ang pagdating ng bagyo ang tangi kong pag-asa sapagka’t ito ang magdadala ng mga lintik na siyang papatay sa mga tao at susunog sa mga kabahayan. Sana magkaroon din ng delubyo sapagkat may sampung taon na ngayon, isinuwestiyon ko sa bawat kapitan ang pagbili nila ng tagahuli ng kidlat o pararayos ngunit ako’y pinagtawanan lamang ng lahat.
Ayon pa sa kanya, hindi binili ng mga kapitan ang kanyang pinabibili at sa halip ay mga paputok at kuwitis ang kanilang binili at binayaran ang bawat dupikal ng kampana, gayong sa agham ay mapanganib ang tugtog ng mga batingaw kapag kumukulog. Iniwanan ni Tasyo ang kausap at nagtuloy ito sa simbahan. Inabutan niya ang dalawang bata sa pagsasabing ipinaghanda sila ng kanilang ina ng hapunang pangkura. Tumango ang mga bata.
Lumabas ng simbahan si Tasyo at nagtuloy sa may kabayanan. Nagtuloy siya sa bahay ng mag-asawang Don Filipo at Aling Doray. Masayang sinalubong ng mag-asawa at itinanong kung nakita niya si Ibarra na nagtungo sa libingan. Sumagot siya ng oo sa pagsasabing nakita niya itong bumaba sa karwahe. Naramdaman niya, anya, ang naramdaman ni Ibarra nang hindi makita ang libing ng ama. Ayon kay Tasyo isa siya sa anim na kataong nakipaglibing kay Don Rafael.
Sa pag-uusap pa rin nila, nabanggit ni Aling Doray ang tungkol sa purgatoryo sapagkat nuon ay Undas nga. Sinabi ni Tasyo na hindi siya naniniwala sa purgatoryo. Pero, sinabi niyang iyon ay mabuti, banal at maraming kabutihan ang nagagawa nito sa tao upang mabuhay ng malinis at dalisay na pamumuhay. Binigyang diin pa niya na ang purgatoryo ay siyang tagapag-ugnay ng namatay sa nabubuhay.
Pagkuwa’y nagpaalam na siya. Palakas ng palakas ang buhos ng ulan. Ito ay sinasalitan ng matatalim na kidlat at kulog. Siyang-siya si Pilosopo Tasyo sa gayong pangyayari sapagkat nakataas pa ang kanyang dalawang kamay at nagsisigaw habang naglalakad papalayo sa mag-asawa.
BINABASA MO ANG
Ang Buod ng "Noli Me Tangere"
ClassicsAng Buod ng “Noli Me Tangere” I'm not a writer but i just want to help myself. Di po ako ang nagbuod nito. Chapters are taken from http://kapitbisig.com/ and http://tl.wikipedia.org/wiki/Talaan_ng_mga_kabanata_sa_Noli_me_Tangere Gusto ko lang maka...