"Ang Bad Boy at ang Beking Teacher"
Part 7
Kinabukasan, pagbaba ni Jeremy ay nakahanda na ang almusal sa lamesa.
Mag-aalas siyete iyon ng umaga.
"Good morning! Pagkatapos mong kumain ay maligo ka na. Bawal ang ma-late sa Hope Academy." May note na nakasulat sa isang papel na nakalapag sa mesa. Sulat kamay ni Lee.
Balak niyang bagalan ang kilos. Para ma-late sila sa school. Para tuluyang magalit sa kanya ang adviser.
Pero naisip niya, hindi ang guro ang kalaban niya. Kundi ang ama.
Kumain siya ng sinangag at tocino. Naparami muli siya ng kain. Ininom niya ang gatas ng kalabaw na nasa baso at dalawang saging.
Isininop niya ang pinagkainan.
Hinanap niya si Lee.
Natagpuan niya itong naglilinis ng motorsiklo.
Hubad baro at nakaboxers lang.
Naramdaman siguro nitong may nakatingin sa kanya kaya ito lumingon.
Agad itong ngumiti.
"Morning, kumain ka na?" Tanong nito.
Hindi siya sumagot.
Tumalikod siya at umakyat sa kanyang silid.
Naligo siya at nagbihis. Siniguro niya na tatlumpung minuto bago mag-alas otso ay bihis na siya.
Bumaba siya sa sala ay tahimik na naghintay sa kanyang guro.
Quarter to eight nang bumaba si Lee mula sa silid nito.
Nakapolo ito na kulay light blue. Bumagay sa kutis nitong.
"Let's go." Nakangiting sabi nito sa kanya.
Tumayo siya at naunang lumabas. Binitbit niya ang mga helmet nila ni Lee.
Isinara ng guro ang pintuan ng bahay bago tinungo ang bagong linis na motorsiklo.
Iniabot niya rito ang helmet nito.
"Salamat." Wika nito.
Hindi siya tumutugon.
Umangkas siya sa likod nito bago niya isinuot ang helmet.
Binagtas nila ang daan patungong Hope Academy.
Napakaganda ng sikat ng araw ng umagang iyon. May hatid na pag-asa at pinong ligaya sa damdamin ni Jeremy. Unti-unting tumatagos ang sinag ng araw sa kanyang batang puso na matagal namalagi sa dilim. Kung magagawa lamang lumingon ni Lee ay makikita nito ang ngiting nakabalatay sa labi ng binatilyo.
Yumakap si Jeremy sa beywang ng gwapong guro.
Sumilay din ang ngiti sa labi ni Lee.--------------
Napasugod sa bintana ang mga guro ng Hope Academy.
Recess time iyon.
Bigla kasing nagkaingay ang mga estudyante sa quadrangle.
At mula sa bintana ng faculty room ay nakita nilang nagkakatuwaan ang mga mag-aaral.
Mukhang mainit ang laban sa larong basketball.
Nakapaligid ang mga mag-aaral sa court habang abala ang dalawang koponan sa paglalaro.
Umangat ang kilay ni Lee nang makita si Jeremy na kasali sa basketball. Napakasaya ng mukha nito kahit pawisan. Bihasang-bihasa ito sa pagdidribol ng bola na siya palang dahilan ng hiyawan at tilian ng mga nanonood na mag-aaral.