(𝐏𝐚𝐫𝐭 15)
Nagkaroon ng party sa Hope Academy. Ilang buwan ang nakalipas.
Natapos na kasi ang pagtatayo ng bagong covered court. Dito inilaan ni Mr. Johnson ang donasyong ibinigay ng ama ni Jeremy.
Pinangalanan itong Chief Justice Jeremias Sy Covered Court.
Tuwang-tuwa ang mga mag-aaral dahil hindi na sila maglalaro ng basketball sa ilalim ng sikat ng araw. State of the art ang covered court dahil galvanized ang sahig nito.
May mga shower rooms din sa isang bahagi para sa mag-aaral.
May magagandang bleachers na ten layers sa magkabilang gilid.
May dalawang bagong basketball ring at automatic score board.
May malalaki ring industrial fan na nakakabit sa bawat poste nito.
Masayang nagsalu-salo ang mga guro at mag-aaral sa isang buffet lunch na inihandog ni Mr. Johnson para sa lahat.
Nasa ganoon silang kasayahan nang pumasok sa compound ng Hope Academy ang isang sasakyan.
Napalingon ang mga guro at mag-aaral.
Bumakas ang tuwa at saya sa kanilang mga mukha nang makitang bumaba mula roon si Jeremy.
Sinalubong ito ni Mr. Johnson.
Kaagad itong niyakap ng binata.
Binati rin ito ng mga guro.
Hinanap ng mga mata ni Jeremy ang isang taong pinananabikan niyang makita.
"Nasaan po si Sir Jeric?" Tanong niya.
"Pinauwi ko na at mataas ang lagnat. Narito siya kanina." Sagot ni Mr. Johnson.
"Napagod kasi yun at nagpuyat para iorganize ang event na ito. Hindi nga kumpleto ang saya dahil wala siya." Sagot ni Miss Jessa.
"Ganoon po ba? Sige po, ituloy nyo lang po ang party. Puntahan ko po muna si Sir." Paalam niya sa mga ito.
"Mabuti pa nga, Jeremy. Mag-isa lang iyon sa bahay niya. We are glad you're back." Sabi ni Mr. Johnson.
Ngumiti siya sa mga ito bago tinungo ang kanyang kotse.
Mabilis niyang nilisan ang Hope Academy at nagmaneho patungo sa bahay ni Lee.
"Hintayin mo ko, Lee. Papunta na ako d'yan."
------------
Ipinarada niya ang kotseng minamaneho sa labas ng bakuran ni Lee.
Iyon ang iniregalo sa kanya ng ama noong 18th birthday niya ng nakaraang buwan.
Umibis siya ng kotse at kaagad na pumasok sa bahay.
Inakyat niya si Lee sa silid nito.
Naawa siya sa guro nang makita itong nakabaluktot sa pagkakahiga.
Nanginginig.
Agad niyang nilapitan ito at dinama ang noo.
Mainit nga ito.
Namalayan nito ang presensya niya.
"Nandito na ako. Aalagaan kita." Bulong niya kay Jeric bago hinalikan ang noo nito.
Bumaba siya sa kusina at nagpainit ng tubig.
Naghanda siya ng planggana at malinis na bimpo.
Kinuha niya sa medicine cabinet ang alcohol at isang piraso ng paracetamol.