Sa buhay, hindi naman talaga tayo laging swerte. May mga pagkakataon talagang minamalas tayo. Tulad ngayon. Nakaupo lang naman ako sa gater sa labas ng aming paaralan dahil late na naman ako at nakalimutan ko pa yung ID ko.
Kanina ko pa tinitext si mama pero mukhang hindi n’ya napapansin ang mga texts ko dahil malamang busy na naman s’ya sa pagtatahi habang nakikinig sa radyo. Gano’n naman yun. Hindi nga nakasilent ang telepono n’ya pero ang lakas naman ng patugtog n’ya sa radyo.
Malapit nang matapos ang flag ceremony at hanggang ngayon wala pa rin akong ID. Siguro kung hindi ako nagpuyat kagabi, hindi sana ako malilate nang gising. Bwisit talaga!
Oo nga pala! Kanina pa ko daldal nang daldal dito ng mga pangyayari sa umaga ko pero hindi n’yo pa ako kilala. Ako nga pala si Fortune Salazar. Oo, Fortune talaga ang pangalan ko pero kadalasan Fort ang tawag sa’kin ng mga tao. Kwento kasi sa’kin ni mama, akala daw nila ni papa lalaki ako nung pinagbubuntis palang n’ya ako kaya dapat Fortunato ang pangalan ko. Pero dahil babae ako, naisip ni mama na gawing Fortune yung Fortunato dahil gusto talaga ni papa yung pangalang ‘yon.
“Fort” isang pamilyar na boses ang tumawag sa’kin. Tapos na pala ang flag ceremony. “Tara dito.” Pabulong na sabi nito.“Dumiretso ka na sa room. Hihintayin ko pa si mama.” sabi ko kay Dominic na nakadungaw sa gate.
“Anong hihintayin? ‘Wag na! Papahiramin kita ng ID.” Sa tagal naming magkaibigan, alam na alam n’ya talaga na kaya ako hindi nakaattend ng flag ceremony ay dahil wala akong ID. Kung tutuusin, pwede naman akong humabol sa flag ceremony kahit na late na ako nang dating. Ang kaso lang, wala akong dalang ID kaya hindi ako papasukin ni manong Gard.
“’Wag na. Hihintayin ko nalang si mama. Baka papunta na rin yon.”
“Anong ‘wag na? Ayos ka lang ba? May recitation tayo! Hindi pwedeng malate!” Oo nga pla! Aaaaaaaah! Bwisit!
“Ano? Ihahagis ko na ha?” sabi ni Dominic. Tiningnan n’ya muna kung tanaw ba sya ni manong Gard sa pwesto n’ya at sakto namang nagtatali s’ya ng sintas kaya agad na hinagis ni Dominic ang ID n’ya sa labas.
Mabuti nalang nasalo ko ito at agad ko na itong sinuot. Kahit paano mababawasan naman yung kamalasan ko ngayong umaga. Mabilis akong tumakbo papasok sa gate dahil napansin kong nag tatali pa rin si manong Gard ng sinatas n’ya.
“Hoy! May ID ka na ba?” narinig kong sigaw ni manong sabay pinakita ko sa kanya ang ID na suot ko. Hay salamat. Nakahinga ako nang maluwag nang makita ko s’yang ngumiti sa’kin at nag “approve sign”.
“O diba. Pasalamat ka mabait ako sayo. Kung hindi, baka mamaya ka pa nakapasok. Or worst, baka hindi ka pumasok.” Sabi ni Dominic saakin.
“Ewan ko ba. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos sa buhay ko, walang araw ata na hindi ako tinamaan ng kamalasan. Buti nalang talaga at nandyan ka ‘no.”
“Ano ka ba, dats wat prends ar por. Tsaka alam kong nagreview ka sa recitation at alam ko rin na bubulungan mo ako ng sagot hehehehe.” Napakamot nalang ako sa ulo sa sinabi ni Dominic
“hehehehe ‘wag kang magagalit sakin ha. Ang totoo kasi nyan…wala akong review.” Sabi ko kay Dominic at nakita kong nanlaki ang mga mata nya.
“Seryos?! Bwisit ka! Bilisan na natin maglakad.” Sabay hila n’ya saakin at tumakbo na nga kami papunta sa room
--
Nang makarating kami sa classroom, bumungad saamin ang ingay ng aming mga kaklase. Parang hindi halata na may recitation kami dahil mukhang hindi naman about sa subject namin ang pinag uusapan nila.
Nilapag ko na ang bag ko sa upuan ko at nakita ko si Dominic na kinakalkal ang kanyang mga gamit.“Ano bang hinahanap mo dyan? Para naman kasing basurahan ‘yang bag mo. Paano mo makikita agad yung hinahanap mo kung ganyan kadumi yan?” nakita ko na napatigil sya sa paghahanap at bakas sa kanyang mukha ang panlulumo.
Napapikit bigla si Dominic. “Mahabaging D’yos, kayo na po ang bahala saakin sa recitation namin mamaya.” Bigla akong natawa sa ginawa n’ya.
“Ano ba ‘yan akala ko naman kung napano ka na dyan. Kung notes ang hinahanap mo, pwede ka namang humiram sakin.” Sabi ko sa kanya at parang nagningning ang kanyang mga mata.
“Maraming salamat po, Lord. Ang bilis naman po ng blessing nyo!”
Matagal na kaming magkaibigan ni Dominic. Noong grade 3 kami, nanghiram s’ya saakin ng lapis. Hindi ko pa s’ya gaanong kaclose no’n dahil sobrang mahiyain ako kaya nga nagulat ako no’ng lumapit s’ya saakin para manghiram ng lapis. Nagulat nalang din kami nang biglang umiyak yung kaklase naming babae. Pagtalikod ko, nakita ko si Dominic na hawak ang lapis na hiniram n’ya saakin. Yun pala, sinaksak n’ya ng lapis yung isa naming kaklase. Dahil do’n pinalabas kami nung teacher namin sa pag aakalang kasabwat ako ni Dominic.
“Bakit mo ba ginawa ‘yon? Lapis ko pa ginamit mo!” sabi ko kay Dominic habang nakaluhod kami sa labas ng classroom.
“Naiinis ako sa kanya eh. Sabi n’ya ang pangit daw yung sulat ko. Araw-araw n’yang sinasabi ‘yon sa’kin.” Nabigla ako sa sinabi n’ya at dahan-dahang napatingin sa kanya. Nakita kong namumugto na ang mga mata n’ya no’n. “Lagi akong nagpapractice magsulat sa bahay. Kahit na hindi ako tinuturuan ng mommy ko, pinapractice ko pa rin. Hindi lang naman yung sulat ko ang sinabihan n’yang panget. Kahapon yung drawing ko, sinulatan nya. Maganda yung drawing ko pero sinira n’ya!”
“Hayaan mo na. Bukas tabi na tayo sa upuan. Babantayan ko ang mga drawing mo para hindi n’ya masulatan.” At yun na nga ang naging simula ng aming pagkakaibigan. Biruin n’yo yun, nagkaron ako ng kaibigan dahil sa lapis.
“Good morning, class.” Pumasok na ang isa sa mga pinakaterror naming teacher, si Ma’am Espiritu. “We won’t be having our recitation for today because there are some important things that I should finish. So I expect that all of you will use our time to review for the recitation.” Naghiyawan ang mga kaklase ko at syempre kabilang na rin si Dominic do’n. “But before I leave, I want to introduce to you your new classmate.”
New classmate? Second sem na tapos may bago pa kaming kaklase?“Sana lalaki. Sana lalaki. Sana lalaki.” Mahinang sabi ni Dominic habang nakapikit at naka crossed fingers pa.
Pumasok ang isang maputi at matangkad na lalaki. Sa itsura n’ya, tingin ko mayaman s’ya. Kung hindi man mayaman, siguro may pera. Maganda ang balat n’ya sa mukha. May skincare routine kaya s’ya?
“Good morning, everyone.” Sambit ng lalaking kakapasok lang sa loob ng aming classroom.
“Everyone, meet Mr. William Zamora. He is a student from Canada.” Gulat na gulat si Dominic dahil sa narinig nya.
“What the? Mukhang mapapalaban tayo ng Englishan dito ah.” Bulong n’ya saakin
“But don’t worry, nakausap ko na s’ya kanina. Nagtatagalog naman s’ya.” Nakahinga nang maluwag si Dominic dahill sa sinabi ni Ma’am Espiritu. “So Mr. Zamora, ikaw na ang bahalang mag introduce sa sarili mo sa kanila. And class, be nice to Mr. Zamora.” Sabi ni Ma’am at lumabas na s’ya sa classroom dala ang mga gamit n’ya.
Ano naman kayang magiging papel nitong William na ‘to sa buhay namin ni Dominic?

BINABASA MO ANG
Will of Fortune
RomantizmAng buhay ay isang malaking wheel of fortune. Minsan may premyo, minsan wala. Minsan swerte, minsan naman hindi. May nananalo at may natatalo. Paswertihan? Pwede. Pero ano kayang magiging kapalaran ko kung makilala ko na ang WILL ng buhay ko? Magig...