Tahanan

0 0 0
                                    


Nagpalaboy-laboy ako, naghanap ng isang tahanang tatanggap. Nakakagulat, na sa isang iglap ay binuksan mo ang pinto at ako'y pinatuloy. Ang sabi mo pa nga'y, "Manatili ka rito at magsaya. Nandito lang ako at hindi kita iiwanang mag-isa." Nakapanlalambot ng puso na marinig mula sa 'yo ang mga salitang 'yon. Masaya ako na sa wakas, may tahanan na rin akong matutuluyan. May tahanan na rin akong malalapitan, maiiyakan, masasandalan at alam kong hinding-hindi ako iiwan.

Sa mga oras na 'yon ay masaya akong nagpapabalik-balik sa 'yo. Puno ng tuwa't galak ang puso sa tuwing ikukuwento ko ang nangyari sa buong araw ko. Pinapawi mo ang luha at paulit-ulit na binibigkas ang mga katagang, "Dito lang ako. Hindi kita iiwan, hindi ako lalayo sa 'yo." At sa mga panahong 'yon ay kampante ako. Kampante na may tahanan akong mauuwian anong oras ko man gusto.

Lumipas ang mga araw na sa bisig mo ako umuuwi. Kabisado ko na ang isinasalubong mo sa aking mga ngiti. Ngunit ang araw na 'yon ay tila kakaiba. Matamlay ang iyong mga mata at nangangatal ang mga labi kung magsalita. Nang araw na 'yon ay walang ngiti ang sumalubong sa akin. Walang bisig na nag-aabang. Sobrang lamig din ng hangin. Ngunit sa kabila niyon ay nasasabik pa rin akong pumasok. Laking gulat ko nang hindi mo ako pinatuloy at sinabing, "Hindi na 'to ang tahanan mo. Umalis ka na, kalimutan mo ako at mamuhay ka nang mag-isa."

Ang bisig na noo'y hagkan-hagkan ako ay siyang nagtulak sa akin palayo. Ipinagtabuyan mo ako, ngayo'y sino na ang aking masasandalan? Bakit mo pa ako kinupkop kung lilisanin mo lang din naman? Nakalulungkot na ipinagtabuyan ako ng itinuturing kong tahanan.

Sinta, ano ba ang aking maling nagawa? Bakit nanlamig ang bisig mo at sa pag-akap sa aki'y nagsawa? Maaari bang buksan mo muli ang pinto? Bisig mo ang tahanan ko. Nais kong sa bisig mo ako mahimlay at magising. Pakiusap, buksan mo itong muli...

Gusto ko nang umuwi.

------
FB: Elle Dama
Instagram: elledamahahahah
Twitter: elledama

We will all be healed!

I Bet You Love MeWhere stories live. Discover now